Dalawa pang aklat pampanitikan ngayong Oktubre

DALAWA PANG AKLAT PAMPANITIKAN NGAYONG OKTUBRE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang ikalawang araw ng seminar, na bahagi ng limang araw na aktibidad na inilunsad ng isang grupo sa karapatang pantao, nakabili ang inyong lingkod ng dalawang aklat sa Popular Book Store sa Lungsod Quezon. Maaga kaming nakatapos kanina kaya nakahabol pa ako bago magsara ng ikalima ng hapon ang Popular Book Store. Nilakad ko lang mula sa pinagdausan ng seminar.

Inaamin ko, mahilig akong mangolekta at magbasa ng mga aklat-pampanitikan kaya laking tuwa ko nang makita ko ang mga librong iyon. Nabili ko ang nobelang "Barikada" ni Edberto M. Villegas, at "Ang Bulkan at Iba Pang Kuwento" ni Bienvenido A. Ramos. At kumuha na rin ng ilang magkakaibang isyu ng pahayagang Pinoy Weekly dahil libre lang ito. Mabuti nang may nababasang isyu ng masa na hindi basta nakikita sa mga pang-araw-araw na pahayagan.

Ang aklat na "Barikada", na nabili ko ng P100, ay may sukat na 5.5" x 8.5" at umaabot ng 160 pahina. Ito'y nobelang binubuo ng tatlumpu't dalawang kabanata. Ang awtor nito, ayon sa likod na pabalat ng aklat, ay socio-economic consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). May mga aklat na rin siyang nasulat sa Ingles tulad ng Studies in Philippine Political Economy. Siya rin ay propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila at Polytechnic University of the Philippines (PUP).

May pagpapaliwanag sa ikatlong pahina ng aklat na animo'y buod o pagpapakilala sa nobela: "Ang panahong sinasakop ng nobelang ito ay mula sa administrasyon ni Presidente Corazon Aquino hanggang sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Mahalagang ipahiwatig na ang Partido Komunista ng Pilipinas ay naglunsad na ng tinatawag na Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992 at natigil ang planong insureksyonismo sa Kamaynilaan. Kaya ang kabanata sa nobela tungkol sa paglunsad ng insureksyon sa Maynila noong panahon ni Arroyo ay bahagi lamang ng imahinasyon o ng kalayaan bilang artista ng may-akda."

Ang aklat namang "Ang Bulkan at Iba Pang Kuwento", na nabili ko sa halagang P225.00, may sukat na 5" x 7", ay katipunan ng labimpitong kuwento, at inilathala naman ng Ateneo De Manila University Press. Umaabot ito ng kabuuang 226 pahina, kung saan ang 18 rito ay naka-Roman numeral habang ang naka-Hindu Arabic numeral naman ay 208 pahina. May Introduksyon ito ni Roberto T. Añonuevo, na pinamagatang "Kasarian, Silakbo at Kapangyarihan sa mga Kuwento ni Bienvenido A. Ramos." Kasunod nito ay ang Prologo ng may-akda. Si Ramos ay nagsimula bilang manunulat at kagawad ng magasing Liwayway at nakatanggap na rin ng mga parangal tulad ng Palanca Memorial Award for Literature at Gawad Plaridel Lifetime Achievement Award.

Ayon sa Prologo, ang akdang Pakikipagtunggali (Liwayway, Abril 24, 1956) ang siyang batayan ng patnugutan ng lingguhang Liwayway upang siya'y kunin bilang kagawad ng patnugutan nito. Subalit ang kwentong iyon ay hindi niya isinama sa aklat. Kaya ako'y nanghihinayang na hindi iyon mabasa.

Nais kong sipiin ang huling talata sa Prologo ni Bienvenido A. Ramos: "Inuulit ko, wala akong pagpapanggap na ibilang sa uring pampanitikan ang mga kathang kasama sa katipunang ito. Ang natitiyak ko, ang mga kathang ito ay siyang salamin ng ating Lipunan - ngayon man at sa darating na panahon."

DALAWANG AKLAT PAMPANITIKAN NA NAMAN

dalawang aklat pampanitikan na naman
ang maidaragdag ko sa munting aklatan
mga libro itong di basta matagpuan
sa maraming mga komersyal na bilihan

at kumbaga'y bihira ang pagkakataon
upang mabili ang mga aklat na iyon
pambili'y mula sa pamasaheng natipon
ng tulad kong pultaym na tibak hanggang ngayon

nais ko ring maging nobelista't kwentista
kaya inaaral ko ang pagsulat nila
lalo't paglalarawan ng buhay ng masa:
babae, bata, manggagawa, magsasaka

pasasalamat, Bienvenido A. Ramos
at Edberto M. Villegas, sa inyong lubos
inspirasyon na kayo sa akdang natapos
at dagdag-kaalaman sa diwa kong kapos

tula't kwento ko naman ay nalalathala
sa pahayagang Taliba ng Maralita
na diyaryo ng isang samahan ng dukha
na buhay nila'y sinasalaysay kong sadya

10.10.2024

* Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na ang makatang ito ang siyang kasalukuyang sekretaryo heneral.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil