Amor Fati

AMOR FATI

imbes mainis akong naipit sa trapik
dinadaan ko na lang sa tula ang lintik
imbes mainis sa naririnig kong hibik
dinggin ko na lang baka may kwentong matitik

ayokong umangal kung walang mangyayari
aangal lamang kung mayroong masasabi
kung may problema man ako'y di magbibigti
kundi hahanapin anong tamang diskarte

di mo mababago ang salot na sistema
sa akin ay sabi nitong kapitalista
ayos lang, basta tuloy ang pakikibaka
upang makamit ang panlipunang hustisya

akala yata niya ako'y matitinag
ang prinsipyong yakap ko'y di niya natibag
silang sa pagkamakatao'y lumalabag
kaya daigdig na ito'y di mapanatag

makiayon lang sakaling tayo'y nahulog
sa kanal man o sa puso ng iniirog
mabuting batid mo ang lipad na kaytayog
o kaya'y sa putikan ay biglang nalubog

- gregoriovbituinjr.
07.09.2024

* amor fati - salitang Latin sa "tanggap ang tinadhana (to love one’s fate)"
* memento mori - Latin sa "lahat tayo'y mamamatay"

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil