Salin at sipnayan

SALIN AT SIPNAYAN

ang matematika ay sipnayan
ang geometry naman ay sukgisan
set algebra ay palatangkasan
habang algebra ay panandaan

arithmetic naman ay bilnuran
habang ang calculus ay tayahan
istatistika'y palautatan
trigonometriya'y tatsihaan

ang pisika pala ay liknayan
habang ang chemistry ay kapnayan
ang hydraulics ay danumsigwasan
pneumatics ay buhagsigwasan

salin ng integral ay laumin
differential naman ay tingirin
qualitative chemistry'y uriin
quantitative chemistry'y sukatin

ang isakay pala'y monomial
duhakay naman ay binomial
habang talukay ay trinomial
damikay naman ay polynomial

ang sampung sanlibo ay sanlaksa
ang sampung sanlaksa ay sangyuta
ang sangmilyon ay sang-angaw sadya
sampung milyon ay sangkati na nga

sangbahala ang sandaang milyon
sanggatos naman ang isang bilyon
sang-ipaw naman ang isang trilyon
halina't aralin ito ngayon

pagsasalin ng numero't paksa
sa wikang Filipino, pambansa
aralin ng tulad kong makata
nang magamit sa bawat pagtula

- gregoriovbituinjr.
03.16.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil