Pabahay para sa maralita

PABAHAY PARA SA MARALITA

"Pulitika ng mamamayan, hindi ng iilan!"
makahulugang pagbabagong dapat makagisnan
na sa panahong ito'y panawagang makatwiran
pagbabago ng sistema'y ating ipagsigawan

pagkat ang pulitika'y di lamang para sa trapo
na ang serbisyo publiko'y ginagawang negosyo
ang pag-aaring publiko'y ginagawang pribado
kaya lalo nang naghihirap ang dukha't obrero

kaya sa halalang ito'y dapat may magbago na
pagkat di na ubra iyang sistema ng burgesya
na magserbisyo sa tao'y utak-kapitalista
na halos buong bansa na ang gustong maibenta

"Bagong Botante, Bagong Pulitika!" itong nais
ng mamamayan laban sa mga mapagmalabis
sa kapangyarihan, habang ang madla'y nagtitiis
sa mga tusong trapo, bagang nila'y nagtatagis

"Pabahay para sa maralita," laging pangako
ng mga pulitikong kundi balimbing, hunyango
tuwing kampanyahan, subalit kapag nakaupo
kanilang pangako sa maralita'y napapako

"Pulitika ng mamamayan, hindi ng iilan!"
iguhit na natin ngayon ang bagong kasaysayan
isang kauri natin si Ka Leody de Guzman
na dapat nating maipanalo sa panguluhan

upang mapatupad ang kaytagal nating pangarap
sapat at abotkayang pabahay sa mahihirap
pag si Ka Leody'y manalo't maupo nang ganap
ay mapatupad ito sa dukhang dapat malingap

- gregoriovbituinjr.
03.12.2022
* litratong kuha ng makatang gala noong Women's Day

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil