Sa Rali ng Kababaihan

SA RALI NG KABABAIHAN

naroon silang kandidatong lumahok sa rali
ng grupong Oriang, silang sa bayan na'y nagsisilbi
nagtalumpati't pinagtanggol ang mga babae
mula sa karahasan ng mga trapo't buwitre

unang nagtalumpati ay si Tita Flor ng Oriang
at sumunod ang ating pambato sa panguluhan
ang lider-manggagawang si Ka Leody de Guzman
sunod si Walden, Ka Luke, David D'Angelo naman

Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ngayon
at plataporma nila'y inilatag nila roon
nagtalumpating may galit man ngunit mahinahon
dahil inupakan yaong katunggali't si Gadon

na bastos sa kababaihan, dahil walang modo
may-akdang si Raisa Robles ay binastos umano
habang divorce bill ay nilatag ni Ka Walden Bello
at hinggil sa kalikasan kay David D'Angelo

mga plataporma iyong patungo sa paglaya
ng kababaihan sa bulok na sistema't sigwa
karapatan, climate justice, kayraming isyu't paksa
na kanilang tangan upang ipagtanggol ang madla

ipagtanggol laban sa tuso, buwitre't gahaman
upang mga kababaihan ay maprotektahan
Mabuhay ang Oriang! Mabuhay ang kababaihan!
Mabuhay silang kandidato natin! Tayo Naman!

- gregoriovbituinjr.
03.08.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang rali

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil