Sarado na pala ang Harrison Plaza

SARADO NA PALA ANG HARRISON PLAZA

oo, sarado na ang Harrison Plaza, sarado
kailan ko lang nalaman nang mapadaan ako
dito ko noon binibili ang murang sudoku
at naging tambayan ko rin noong kabataan ko

ah, nawalan ng trabaho ang mga manggagawa
nawalan na ng pasyalan ang matatanda't bata
dumaan munang C.C.P. na may kukuning sadya
at dumaan na rin sa plaza ng aking gunita

iyon nga, sarado na, pandemya'y tumama diyan
nag-lockdown, walang kostumer at nagsarang tuluyan
ito ba'y magiging isang alaala na lamang 
lalo't ito'y bahagi na ng aking kabataan

pagkapag-jogging sa Roxas Boulevard ng umaga
kakain muna ng halaan sa tabing aplaya
bago umuwi'y dadaan na sa Harrison Plaza
malamig kasi, kaya doon ay tatambay muna

anong plano rito'y wala pa akong mahagilap
gayunman, pagsasara nito'y akin nang tinanggap
dahil sa pandemyang kasalukuyang nagaganap
alaala na lang ng mga binuong pangarap

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala matapos manggaling sa Cultural Center of the Philippines (CCP), 05.13.21

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil