Paggawa ng titisan o ashtray

PAGGAWA NG TITISAN O ASHTRAY

ginawa kong titisan ang walang lamang delata
muli, titisan para sa nagyoyosi tuwina
upang upos ng yosi'y di basta maibasura
kundi maipon para sa yosibrik kong programa

tipunin ang upos upang di mapunta sa dagat
alam ni misis, sa tungkuling ito, ako'y tapat
sa pangangalaga ng kalikasan ay magmulat
na dapat may gawin sa upos na kakalat-kalat

kaya walang lamang delata'y ginawang titisan
sa mga opisina'y ipamahaging tuluyan
tipunin ang mga upos sa gagawing imbakan
kung sa hibla ng upos, walang magawang anuman

naisip ko sanang may magawa sa bawat hibla
ng upos ng yosi, may imbensyong magagawa ba?
katulad ng lubid mula sa hibla ng abaka
katulad din ng barong mula sa hibla ng pinya

tulong na sa kalikasan ang proyektong yosibrik
na parang paraan din ng paggawa ng ekobrik
upos ay ikulong unti-unti sa boteng plastik
kaysa mapunta sa dagat, mga isda'y hihibik

iwasang maging microplastic ang plastik sa laot
pati mga upos na sadyang kakila-kilabot
munti mang gawa sa higanteng adhika'y maabot
upang kalikasan ay di maging kalungkot-lungkot

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil