Huwag magkalat

HUWAG MAGKALAT

nagkalat ang upos at plastik sa mga lansangan
mga di na magawang itapon sa basurahan
pagkat samutsaring putakti ang nasa isipan
kaya napabayaan ang daigdig na tahanan

di ba nakagagalit na noong tayo'y bata pa
tinuruan na saan itatapon ang basura
subalit nang tayo'y magsilaki't nagkaasawa
inaral na'y balewala, basura'y naglipana

anong dapat gawin, mula ibaba hanggang tuktok
ihiwalay ang nabubulok sa di nabubulok
sa karagatan, basura'y itigil nang isuksok
daigdig ay di basurahan, huwag maging bugok

disiplina nga lang ba ito o pagbalewala
sa kapaligiran ng mga matatanda't bata
paanong malinis na daigdig ay maunawa
ay sa tahanan naman talaga nagsisimula

ayaw nating maging basurahan ang bansa natin
ng bansang Canada, Korea't iba pang bansa rin
sila'y ating ipinrotesta't nais pang sipain
kahiya-hiya kaya bansa'y atin ding linisin

di basurahan ang daigdig na ating tahanan 
ang tahanan at kalikasan ay di basurahan
at di rin basurahan ang ating kapaligiran
mga prinsipyong gabay at gawing paninindigan

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil