Mga Post

Kinalikot ang mouse, akala'y daga?

Imahe
KINALIKOT ANG MOUSE, AKALA'Y DAGA? ang mouse ng laptop ba'y nahilang sadya kaya napabagsak iyon sa lupa pagdating ko'y nakita si alaga katabi ang mouse, akala ba'y daga? sana mouse na gamit ay di nasira kundi'y wala nang gagamiting sadya pinalabas ko ng bahay ang pusa upang suriin kung ang mouse ba'y sira bagong mouse ay bibilhin pag sira sana'y may salapi pang nakahanda ay, kayrami ko pa namang nakatha sa kwaderno na nais kong matipa mouse sa mesa'y nalimot ng makata tila ako pa ri'y natutulala nasa isip ang asawang nawala buti't mouse ay gumagana pang sadya - gregoriovbituinjr. 08.12.2025    

Hibik ng dalita

Imahe
HIBIK NG DALITA ako'y walang bahay walang hanapbuhay ilalim ng tulay ang tahanang tunay di ko na mabatid paano itawid ang buhay ko'y lubid na baka mapatid latang walang laman nilagay sa daan na pagkukuhanan ng pambiling ulam pagbakasakali pangarap ma'y munti guminhawang konti yaong minimithi - gregoriovbituinjr. 08.12.2025 * mga litrato mula sa google

Low carb diet, tula 2

Imahe
LOW CARB DIET, TULA 2 mabigat sa tiyan / at nakabubusog kahit walang kanin / ay di mangangatog aba, kagabi nga, / kaysarap ng tulog tila nangangarap / ako ng kaytayog oo, walang kanin, / gulay at isda lang ngunit mga tinik / ay pakaingatan ang sabaw ng talbos / ay kaysarap naman sibuyas, kamatis, / lasap ang linamnam low carb diet na nga'y / aking sinusunod buti't may ganito, / nang di mapilantod lalo't ang tulad ko'y / tuloy sa pagkayod bumaba ang sugar / ang tinataguyod simpleng pamumuhay, / puspusang pagbaka sa bayan at sakit, / at magpalakas pa katawang malusog / at kaaya-aya ang isang adhika / ng lingkod ng masa - gregoriovbituinjr. 08.12.2025

PULGADA (one inch) AY DI YARDA (36 inches)

Imahe
PULGADA (one inch) AY DI YARDA (36 inches) Pababa Dalawampu't Isa ang tanong doon ay Pulgada sa Ingles nga ay one inch siya bakit naging sagot ay YARDA para bagang di na nasuri tila krosword ay minadali pagkat pulgada't yarda'y hindi magkasingkahulugan, mali di ba nakita ng patnugot ang nasabing mali sa krosword ganyan nga'y di kalugod-lugod tila wika'y napipilantod ay, Buwan ng Wika pa ngayon ganyang krosword ang nasalubong parang textbook, may mali roon na dapat ngang iwasto iyon nawa'y di na mangyari ulit tamang kahulugan ang hirit nawa ito'y di ipagkait sa'ming nagko-krosword malimit - gregoriovbituinjr. 08.12.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Agosto 11, 2025, pahina 7

Litisin si Lustay

Imahe
LITISIN SI LUSTAY ang sigaw ng marami:  Impeach Lustay! hustisya sa taumbayan ang hiyaw! panawagan sa S.C.:  Impeach Lustay! ayaw namin kung bise'y nagnanakaw! bakit ebidensya'y di ipakita na nais mabatid ng taumbayan kayrami nang salaping ibinulsa mula sa buwis at kaban ng bayan bigyan pa rin ng due process si  Lustay di tulad ng pinaslang o tinokhang walang due process, kinitil ang buhay karapatang pantao'y di ginalang sana'y makinig ang Korte Suprema at Senado:  Impeach Lustay, Ngayon Na! - gregoriovbituinjr. 08.11.2025

Si Oriang

Imahe
SI ORIANG dumalo ako sa Oriang isang maikling talakayan nang kaalaman madagdagan ginanap iyon doon sa MET layunin naman ay nakamit sinapuso'y bagong nabatid sa Supremo'y di lang asawa kundi isang Katipunera nakipaglaban, nakibaka kahit ang Supremo'y pinaslang ng dapat kasangga ng bayan ay nagpatuloy si Oriang taaskamaong pagpupugay kay Oriang na anong husay tanging masasabi'y Mabuhay! - gregoriovbituinjr. 08.11.2025 * mga litrato kuha sa Metropolitan Theater, Maynila, Agosto 11, 2025, kasama ang grupong Oriang; ang aktibidad ay proyekto ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP)    

Low carb diet

Imahe
LOW CARB DIET sinimulan ang low carb, walang kanin ito na ngayon ang aking layunin mataas na sugar ay pababain isda't lunting gulay ang kakainin pangalagaan na ang kalusugan nang malayo sa sakit o anuman ang kaunting gastos ay kainaman dapat nang palakasin ang katawan sino pa bang tutulong sa sarili upang sa malaon ay di magsisi pangangatawan ay dapat bumuti upang isip at loob ay kampante salamat sa inyong mga pinayo nang umayos ang asukal at dugo salamat at ako'y inyong nahango sa paglublob sa putik ng siphayo - gregoriovbituinjr. 08.10.2025

Si alaga

Imahe
SI ALAGA paikot-ikot muli sa aking mga binti pag ako'y nakikita at kanyang binisita ganyan lang si alaga palaro-larong sadya balahibo'y kiniskis naman sa aking kutis di ko tinatanggalan ang galunggong ng hasang at bituka, iprito ng ganoon, totoo kahit paano'y lutô iyon kapag hinangò ang tira ko sa isdà pagkain ni alagà - gregoriovbituinjr. 08.10.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/19L24HdqAb/  

Panamà at pamana

Imahe
PANAMÀ AT PAMANA anong panamà ng aking tulâ sa pamana ng laksang gunitâ alaala ng maraming sigwâ sa isip ko'y madalas makathâ may panamà ang bawat pamana tula'y tulay nitong alaala buti't ang diwa'y di nagbabara di tulad ng kanal ng basura sa kabila ng mga pasanin ay patuloy pa rin ang lakbayin kinabukasan ay iisipin pangarap pa ring layon ay kamtin sa dibdib ko'y laging naroroon ang nawalang sinta't aking misyon sa buhay, sa uri, at sa nasyon kaya patuloy sa nilalayon - gregoriovbituinjr. 08.10.2025

Huwag magyosi sa C.R.

Imahe
HUWAG MAGYOSI SA C.R. ang paalala'y napakasimple:  "Please no smoking.  (Huwag magyosi.) Fire alarm may trigger."  sisirena ang alarm na may usok, may sunog minsan, ang pahinga ng marami mula sa trabaho ay magyosi kapag break time, yosi break din nila animo'y nagsusunog ng baga pag nangamoy usok, ang detector ay magpapakawala ng tubig uunahan sakaling may sunog ay maapula agad ang apoy bakasakali babaha sa mall at maaabala ang sinuman basa ang maraming kagamitan tutukuyin ang may kasalanan kaya paalala'y ating sundin para rin sa kapakanan natin upang di maalarma ang lahat sundin ang babala at mag-ingat - gregoriovbituinjr. 08.09.2025 * kuha ang litrato sa isang C.R. sa mall