Mga Post

Basa-nilay

Imahe
BASA-NILAY hatinggabi, pusikit ang karimlan kayrami pa ring napagninilayan nais nang magpahinga ng isipan alalahani'y makakatulugan ngunit madalas, nagbabasa muna ng dyaryo, libro't isyung may halaga nagbabakasakaling may pag-asa ang masang talagang nakikibaka bago matulog, magninilay-nilay sa isang isyu ba'y anong palagay pag naghikab ay tutulog nang tunay nang bukas, masa'y muling makaugnay isyung sa diwa'y nakakakiliti ay sadyang inaaral, sinusuri kung ramdam ng masang isyu'y masidhi kumilos kita't alamin ang sanhi - gregoriovbituinjr. 02.10.2025

Paglalaba

Imahe
PAGLALABA matapos ang misyong pampulitika bilang isang pultaym na aktibista gawaing bahay naman, maglalaba ng maruruming damit ng pamilya ganyan lang ang buhay ng isang pultaym may pampulitikal at pantahanan matapos na makipagtalakayan sa masa, sunod naman ay labahan kukusutin ang maruming kuwelyo, kilikili't malibag na pundiyo aktibista'y isa ring labandero makata'y naglalaba ring totoo habang naglalaba ay naninilay ang samutsaring isyu't bagay-bagay matapos banlawan ay isasampay at bukas, sa masa'y muling uugnay - gregoriovbituinjr. 02.10.2025

Isaaklat na ang mga kinathang tula

Imahe
ISAAKLAT NA ANG MGA KINATHANG TULA ako ba'y isinilang upang magmakata upang araw gabi'y kumatha nang kumatha upang anumang nanilay ay itutula kahit madalas nakatunganga't tulala natanto kong ang pagtunganga'y trabaho rin tititig sa malayo, sa langit, sa dilim inuunawa anumang naroong lihim na nais tuklasin kahit na may panimdim minsan, sa pagtunganga'y may nadadalumat paksang pag napagtanto'y agad isusulat nagbabakasakaling ang masa'y mamulat tungong pantay na lipunang kanyang nasipat walang pera sa tula kung paisa-isa subalit kung isasaaklat, may halaga tipunin na ang mga tulang nakatha na aklat na nalathala, sa madla'y ibenta - gregoriovbituinjr. 02.09.2025

Ang maskot pala'y wisit

Imahe
ANG MASKOT PALA'Y WISIT salitang  MASKOT  pala ay  WISIT kung ang pangalan ng maskot ay BU ngalan ng dula: si BU, ang WISIT paumanhin sa bagong pauso ako nga'y napaisip sa tanong sa Dalawampu't Anim Pababa ang maskot ay tulad ni Pong Pagong, o ni Kikong Matsing, ni Mang Muta mabuti't ako'y may diksyunaryo at sinangguni ano ang  MASKOT WISIT  ang ibang salita nito kaya krosword na'y aking nasagot buti't nabatid ang kahulugan upang magamit ko sa pagkatha isa itong dagdag kaalaman para sa mga kwento ko't tula - gregoriovbituinjr. 02.09.2025 * krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 9, 2025, p.10 * mula sa UP Diksiyonaryong Filipino: maskot, pahina 766; wisit, pahina 1337

Kakasuhan dahil sa P241B singit sa badyet

Imahe
KAKASUHAN DAHIL SA P241B SINGIT SA BADYET singit sa badyet ng pamahalaan ay matagal na ring usap-usapan blangkong badyet umano'y tinapalan kaya heto mayroon nang kakasuhan two hundred forty one billion pesos na ang siningit ng mga kongresista anang ulat, nang ito'y mabisita kaya tama lang tao'y magprotesta sigaw nga: Mandarambong, Panagutin! Mandarayang Kongresista, Singilin! ang twenty twenty five budget, alisin! dinastiyang pulitikal, durugin! ito'y pinakamasahol daw na badyet na may mga blangko't kayraming singit pang-ayuda't pang-eleksyon, pinuslit? O, Bayan, di ka pa ba magagalit! - gregoriovbituinjr. 02.09.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 9, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Walang tibay ang gawang balasubas

Imahe
WALANG TIBAY ANG GAWANG BALASUBAS sementadong flood control project, dumausdos gumuho sa walang hintong buhos ng ulan magkanong pera ng bayang dito'y ginastos kontratista pala nito'y di nasilayan bakit ba walang tibay ang ginawang ito ilang mason ang naglinaw nang kausapin di kumapit ang semento, kulang sa bato di type A o type B ang mixing ng buhangin proyekto'y tinipid? o kaya'y kinurakot? kaya flood control project ay bumigay agad sinong responsable? sinong dapat managot? ilang milyong piso ang dito'y kinulimbat? anang ulat, pagkakagawa'y balasubas ilang lokal na kontratista pa'y blacklisted apatnapu't siyam na metro ang nalagas nalusaw na milyones sa bayan pa'y hatid - gregoriovbituinjr. 02.08.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, p.3

Isang kahig, isang tuka

Imahe
ISANG KAHIG, ISANG TUKA tulad daw ng manok / ang buhay ng dukha pagkat sila'y isang / kahig, isang tuka sa bawat pagkilos / ay kakaing sadya pag di nagtrabaho, / pagkain ay wala parirala itong / palasak sa bayan upang ilarawan / yaong karukhaan maagang gigising / at paghahandaan ang isang araw na / lalamnan ang tiyan kaya tinatawag / silang mahihirap ng tusong burgesyang / pawang mapagpanggap sangkahig, santuka'y / wala raw pangarap mga maralitang / walang lumilingap bawat kinikita'y / para sa pagkain di sa luho, gamit, / o anupaman din bawat pagkahig mo'y / pang-ngayong pagkain wala para bukas / at kakahig pa rin - gregoriovbituinjr. 02.08.2025 * komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 6, 2025, p.7

Sinagasaan? Di nasagasaan?

Imahe
SINAGASAAN? DI NASAGASAAN? kaybigat ng ulat sa pahayagan: ang  "Traffic enforcer sinagasaan sa busway" , rider pa ang suspek diyan sinagasaan! di nasagasaan! ibig sabihin, iyon na'y sinadya bakit traffic enforcer kinawawa? galit ba sa kanya ang nanagasa? gustong makatakas ng walanghiya? naiinis sa trapik, naburyong na? may matinding mental health problem siya? mabigat na problema'y dala-dala? nang dumaan sa bawal na kalsada? nawalan ng preno, ayon sa rider kaya nadale ang traffic enforcer nang makapunta ng bike lane ang rider ay nakabangga pa ng isang biker enforcer ay nanakit na ang braso at likod, nasa ospital na ito rider nama'y sasampahan ng kaso ng hit-and-run, tiyak na kalaboso - gregoriovbituinjr. 02.08.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Kwento ng kwento

Imahe
KWENTO NG KWENTO talagang pinaghuhusayan ko ang pagkatha ng maikling kwento nagbabakasakali lang ako na makatha ang nobelang plano simulan muna sa kwentong munti subukan ang pabula o dagli paksa ko'y kontrabida ang hari at bayani'y yaong aping uri batay sa dinanas bilang tibak at sa mga gumapang sa lusak ideya't isyu nga'y tambak-tambak di mauubos ang bala't pitak basta ako'y katha lang ng katha diwa'y sinasanay sa paglikha balang araw, nobelang inakda sa taumbayan mananariwa - gregoriovbituinjr. 02.07.2025

Trapo kadiri

Imahe
TRAPO KADIRI dati pang-marginalized ang party list ngayon mga trapo ito'y pinuslit di naman marginalize, nagpumilit na party list na'y kanilang magamit magbabalot na raw ang isang donya isang artista'y nominee ng gwardya asendero'y nagkunwang magsasaka nominado rin ay kapitalista nababoy na ang party list na batas pinaikutan na ng mga hudas kinalikot ng mga balasubas kinutinting ng mga talipandas kayraming billboard upang matandaan ng botante ang kanilang pangalan ngunit babawiin sa mamamayan ang ginastos nilang trapong gahaman mga trapo kasi ang nominado dinastiya'y pinasok na rin ito dapat sa kanila'y huwag iboto iba naman, di ang kupal na trapo - gregoriovbituinjr. 02.07.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 6, 2025, p.4