Mga Post

Almusal

Imahe
ALMUSAL tara, kain tayo, may sibuyas, kamatis, at sanlatang sardinas payak na ulam, galing sa patas kahit madalas na bulsa'y butas kailangang maagang gumising dahil mahirap nang tanghaliin at kaylayo pa ng lalandasin upang magampanan ang tungkulin ipagluto muna ang pamilya mahirap magutom, kain muna upang may lakas tayo tuwina ang katawan, puso't isip, paa tara, kaibigan, kain tayo nang may lakas sa pagtatrabaho araw-gabi'y gawaing totoo mababa man o kulang ang sweldo - gregoriovbituinjr. 10.06.2022

Ngiti

Imahe
NGITI ay, napakaginaw ngayong gabi wala pa siya sa aking tabi ngayon lang nagkahiwalay kami ng banig, anong nangyari kasi? tumagay muna ng isang bote ganyan ba talaga ang babae isip ko'y anong tamang diskarte sa pagpaparating ng mensahe heto, hanap ko ang kanyang ngiti kailan ko makikita muli sana bukas ng gabi'y magawi siya sa bartolina kong sawi nais kong hagkan siya sa labi sa tagay, ako na'y naglupagi paano ba ang daan pauwi kung ako'y lango na't humihikbi - gregoriovbituinjr. 10.05.2022

Aklatan

Imahe
AKLATAN nabubuhay ako sa aklatan ang daigdig kong kinamulatan na punong-puno ng kasaysayan panitikan yaring kinagisnan butihing ina'y una kong guro na marami sa aking tinuro at nilakbay ko'y maraming dako pati lungsod ng digma at guho binasa'y sanaysay, kwento't tula pati sulatin ng matatanda binasa'y magagaling na akda ng maraming awtor na dakila salamat sa aklatang ang alay ay dunong na aking nadidighay may mga diyalektikong taglay sa pagkatao'y nagpapahusay - gregoriovbituinjr. 10.05.2022  (World Teachers Day)

Paalala

Imahe
PAALALA huwag mong iwan ang iyong gamit kung saan-saan, baka mawaglit baka madampot ng nang-uumit ang araw mo'y tiyak anong lupit at sisisihin mo pati langit sa munting mali mo't isang saglit halimbawa, ikaw ay ginitgit aba'y isipin mo na kung bakit baka sitwasyo'y ikagagalit paano kung sinta ang nawalan ah, kahiya-hiyang kalagayan pagkat di listo sa kaganapan bigyang halaga ang kasamahan huwag palupig sa kasamaan at tugisin ang may kasalanan ah, tandaang kayhirap mawalan ng gamit nating pinaghirapan kaya maging listo lagi, bayan - gregoriovbituinjr. 10.04.2022

Hapag

Imahe
HAPAG munting hapag ang bigay ni misis sa kaarawan kaygandang alay na pumuno ng kaligayahan malaking tulong sa mga gawain sa samahan pati pagsulat ng isyu, historya't panitikan mesita sa Espanyol, hapag sa sariling wika munti kong kasangga sa pagsulat ng dusa't luha katuwang sa mga isyu ng manggagawa't dukha nagsasalaysay, kumakatha, at nagmamakata pasalamat ko'y taospuso, yakap ko'y mahigpit nang guminhawa sa pagkatha ng langit at pait sa pamamagitan ng kwento, tanaga at dalit dalawang puso mang magkalayo'y nagkakalapit - gregoriovbituinjr. 10.02.2022

Unang araw ng Oktubre

Imahe
UNANG ARAW NG OKTUBRE sa pamangkin kong si Sten, maligayang kaarawan nawa'y lagi kang malusog at malakas ang katawan habang ako nama'y iba ang nais na patunguhan daang bihirang tahakin ang aking nilalakaran unang araw ng Oktubre ay may bagong lalandasin habang yaring mga sugat ay akin nang lalanggasin mga salita't kataga sa laot ay lalambatin halimaw ay iiwasan baka ako'y lalapain ang timbangan o kiluhan ang tatak ng isang Libra na ang dagsin o grabidad sa bagay ay humihila pababa, ano ang bigat, gaano ang gaan niya ano kaya ang katumbas ng lakas nito o pwersa unang araw ng Oktubre, madaling araw na'y gising makata na'y naglulubid, wala man sa toreng gawing mga bituin sa langit ay patuloy sa pagningning habang yaong pamayanan ay patuloy sa paghimbing - gregoriovbituinjr. 10.01.2022

Lumbera

Imahe
LUMBERA (Abril 11, 1932 - Setyembre 28, 2021) payak ang puntod ng Pambansang Alagad ng Sining umalis siyang puso'y nag-aalab ng magiting sa masang pinaglingkuran niyang buong taimtim may apat akong aklat niyang sa akin nanggising sapagkat siya't tunay na makata't makabayan ang kanyang mga akda nga'y aking pinag-ipunan ang una kong libro niya'y tungkol sa panulaan tuwa ko nang siya'y nakadaupang palad minsan minsan lamang, isang beses, di na iyon naulit subalit akda niya'y binabasa kong malimit hinggil sa pelikula, tula, masang nagigipit ang hustisyang panlipunang di dapat ipagkait pagpupugay sa maestro, kay Sir Bien Lumbera simpleng ngiti, mapagkumbaba, lahad ay pag-asa sa ating panitikan, poetika, politika payak man ang puntod, sa bansa'y maraming pamana - gregoriovbituinjr. 09.28.2022 *  Tulang nilikha sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Sir Bien Lumbera * Ang litrato ng puntod ay mula sa fb page ng Sentro Lumbera * Ang una kong aklat niya'y ang  ...

Pagpupugay sa 5 namatay na rescuer

Imahe
PAGPUPUGAY SA LIMANG NAMATAY NA RESCUER kasagsagan ng bagyong Karding nang sila'y mawala buhay nila'y pinugto ng bagyong rumaragasa bigla raw nag-flash flood ng life boat ay inihahanda gumuho ang isang pader, ayon pa sa balita, doon sa limang rescuer ay umanod na bigla sila'y nagsagawa ng isang rescue operation sa lalawigan ng Bulacan ginawa ang misyon sa bayan ng San Miguel, iligtas ang naroroon ginampanan ang tungkulin sa atas ng panahon ngunit matinding baha ang sa kanila'y lumamon tagapagligtas natin silang limang nangamatay tungkuling sa kalamidad ay magligtas ng buhay ng kanilang kapwa, ang buhay nila'y inialay upang mailigtas ang iba, mabuhay, mabuhay! sila'y mga bayani! taospusong pagpupugay! - gregoriovbituinjr. 09.28.2022 * mga litrato mula sa google

Ondoy at Karding

Imahe
ONDOY AT KARDING dalawang bagyong nanalasa  halos magkaparehong petsa Setyembre dalawampu't lima at hanggang kinabukasan pa nang mag-Setyembre Bente-Sais anim-na-oras lang, kaybilis ng Ondoy nang ang Metropolis ay nilubog, baha'y hagibis Karding din ay napakatulin typhoon signal four na tinuring mga ulat ay ating dinggin sa Quezon namuro si Karding handa ba tayo sa ganito? sa tumitinding klima't bagyo? pag nanalanta na'y paano? kay Ondoy ba tayo'y natuto? panawagang Climate Justice Now ay narinig bang inihiyaw? ang aral ba nito'y malinaw? na sa puso't diwa'y lumitaw? - gregoriovbituinjr. 09.27.2022

Katha

Imahe
KATHA wala mang magbasa niring tula akda ko'y di man gusto ng madla patuloy pa rin akong kakatha ng kung anong nasa puso't diwa paksa ma'y pagdarahop ng madla bahay man ng dukha'y ginigiba pakikibaka ng manggagawa kamaong kuyom ng maralita maging trapo ma'y binubutata may sumbat ng budhi sa kuhila sa rali'y hampas man ng batuta o sa tokhang man ay nabulagta nilalamay ang wastong salita hinahanap anong tamang wika tumititig sa bawat kataga kinikinis ang sukat at tugma maraming paksang walang kawala kaya kwaderno't pluma ko'y handa upang kathain ang luha't tuwa wala mang magbasa niring tula - gregoriovbituinjr. 09.27.2022