Pabalbal na ulat sa diyaryo

PABALBAL NA ULAT SA DIYARYO

balita: Kelot dinedbol sa haybol
salitang kalye, o kaya'y pabalbal
na minsan di mo agad maunawa
kung di ka sanay sa ganyang salita

ginamit sa tabloid na pahayagan
ganito talaga ang kahulugan:
Isang lalaki, pinatay sa bahay
unawa agad sa pamagat pa lang

sa ingles ay islang, salitang kalye
pagbaligtad ng salita ang siste
o kaya'y binuo ng isang pangkat
upang may sariling pagkakilanlan

ang Sino ba sila? - Nosi Ba Lasi
father ay erpat, kelot ay lalaki 
mother ay ermat, bebot ay babae
petmalu, malupit, idol ay lodi

dehins ka pa goli, ho-maba ka na
huwag kang epal, at wala kang werpa
hoy, may parak, baka mahulidap ka
kosa mo sa hoyo, umeskapo na

kung di mo maunawa, basahin mo
ang balitang nilatag sa diyaryo
nang sa gayon ay iyong mapagtanto
ang binalita ng tambay sa kanto

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-7 ng Mayo, 2024, pahina 3

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil