"Babae na" o "Babaeng", "Dalagita na" o "Dalagitang"?

"BABAE NA" O "BABAENG", "DALAGITA NA" O "DALAGITANG"?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahayagang Pilipino Star Ngayon (PSN) na may petsang Mayo 17, 2024, may dalawang pamagat ng balita o artikulong nakakuha ng aking atensyon. Ang una ay may pamagat na "Babae na maraming pinaretoke para gumanda, tumunog sa airport scanner ang mga 'turnilyo' sa kanyang mukha", pahina 5. Ang ikalawa ay may pamagat na "Dalagita na nais kumalas sa nobyo, pinatay" na nasa pahina 9..

Hindi ko na tatalakayin ang nilalaman ng balita, kundi ang paggamit ng sumulat sa pang-angkop na "na" at "ng".

Parang hindi Pinoy o marahil ay gumamit ng google translate o artificial intelligence (AI) ang nagsalin ng pamagat ng unang artikulo. Makiikita mo agad ito sa "Babae na" na dapat ay "Babaeng" kung Pinoy talaga ang sumulat. Mas maayos na pamagat ay "Babaeng maraming pinaretoke para gumanda..." O mas mainam pa, "Babaeng maraming pinaretoke upang gumanda..."

Marahil ay Pinoy naman ang nagsulat ng ikalawang artikulo dahil ang lunan ng pinangyarihan ng balita ay Tanauan City sa Batangas, subalit parang isinalin din lang ang balitang marahil ang orihinal ay nasa wikang Ingles. Dahil kung Pinoy talaga ang manunulat nito, dapat ang pamagat ay "Dalagang nais kumalas sa nobyo, pinatay."

Sa google translate ay hindi niya kayang magsalin ng "Babaeng... at "Dalagang..." dahil nga verbatim o word by word ito nagsasalin, kaya masasabi mong Barok ang pagkakasalin.

Magandang sangguniin natin ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata IX. Ang mga Pang-angkop, pahina 105-107. 

(a) Kapag ang unang salita'y nagtatapos sa katinig, maliban sa n, anyong "na" ang ginagamit, at isinusulat nang hiwalay.

masipag na tao
pag-ibig na nabigo
sumusulat na madalas

(b) Kapag ang huling titik ng unang salita ay patinig, anyong "ng" ang ikinakabit sa hulihan ng tinurang salita. Halimbawa:

masayang mukha (hindi masaya na mukha)
ugaling pangit (hindi ugali na pangit)
tayong mga Pilipino (hindi tayo na mga Pilipino)

(K) Kapag titik n ang huling titik, anyong g ang ikinakabit.

mahinahong magsalita (hindi mahinahon na magsalita)
bayang magiliw (hindi bayan na magiliw)
kabuhayang maralita (hindi kabuhayan na maralita)

Kaya nga ang pamagat ng dalawang artikulo ay hindi maayos, dahil dapat mas ginamit ang "Babaeng..." imbes na "babae na..." at "Dalagitang..." at hindi "Dalagita na..."

May sinabi pa si LKS hinggil dito, sa pahina 107, "Subalit ang mga kalayaang ito ay karaniwang di nagpapakilala ng kalinisan ng pananalita; kaya't hangga't maiiwasan ay di dapat gamitin ng nagsasalita, sumusulat o tumutula, kundi kung totoo na lamang kailangan o siyang nababagay kaysa sa himig ng pagsasalita."

Kumatha ako ng tula hinggil sa usaping ito"

HINGGIL SA PAMAGAT NG BALITA

may napuna akong dalawang barok na titulo
sa iisang diyaryo, lalo sa paggamit nito
ng "na" imbes idikit ang "ng" sa unang salita
tulad ng "babae na" imbes "babaeng" na tama

dapat inaaral ng mismong mga nagsusulat
ang balarila natin lalo't kita sa pamagat
kung barok o hindi, kung salin iyon mula google
o isinalin ng A.I., dapat ito'y mapigil

bagamat wikang pambansa'y tuluyang umuunlad
ay huwag hayaan ang mga barok na palakad
tulad ng gamit ng "kina" na ginagawang "kila"
huwag magsawang punahin ang maling nakikita

05.17.2024

* mga litrato'y kuha ng may-akda

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil