Bolpen at kwaderno

BOLPEN AT KWADERNO

ang sabi ng isang kasama
na bilin daw ng kanyang lola
maigi'y lapis na mapurol
kaysa matalas na memorya
payo itong tumpak talaga

mabuti't kayrami kong bolpen
na handa pag may aakdain
kayhirap ngang nasa memorya
lamang ang nais mong sabihin
kundi sa papel ay sulatin

sa pagkwento, tula't balita
na palagi kong ginagawa
handa ang paksang kakathain
na nginata ng puso't diwa
sa paglaon, ilalathala

tangan ang bolpen ko't kwaderno
minsan, nasa bag at bulsa ko
upang agad kong matuligsa
ang mga tiwali at trapo
sa mga tula, dagli't kwento

ang lapis ko man ay mapurol
sa kwaderno ko'y bumubukol
ang samutsaring paksa't isyu
ng paninindiga't pagtutol
sa sistemang bulok, masahol

- gregoriovbituinjr.
03.17.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil