No vaccination card, no ride

NO VACCINATION, NO RIDE

kung di ka raw bakunado'y di ka makasasakay
tulad sa paskil sa dyip kahit naghahanapbuhay
kayhirap namang sapilitan ang bakunang bigay
ngunit walang magawa kundi sumunod kang tunay

noong ako'y mag-first dose, ilang araw lang ay nanghina
malakas kong katawan ay nagka-COVID na bigla
apat na buwan matapos, second dose ay ginawa
upang matapos na't kumpleto ang bakunang sadya

upang di raw magkahawaan, ito'y sapilitan
kayrami mong karapatang sadyang naapektuhan
di ka makalabas kaya aking napagpasyahan
sumakay sa dyip at sumakay sa pamahalaan

kaya vaccination card ang pases kong makalabas
ng bahay at makapunta sa kung saan may atas
ang pinagtatrabahuhan kong may layuning patas
sa people's org. na hangarin ay lipunang parehas

ipakita ang vaccination card tulad ng I.D.
sa pagsakay sa dyip, sa bus carousel, sa L.R.T.
sa pagpasok sa mall, botika, grocery, palengke
kung wala nito'y paano ka kaya didiskarte

upang di dumanas ng gutom ang iyong pamilya
kung wala nito'y di makakapasok sa pabrika
apektado ang hanapbuhay, paano kumita
vaccination card sa panahong ito'y mahalaga

- gregoriovbituinjr.
02.01.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng sinakyan niyang dyip

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil