Ituloy ang laban ng masa

Ituloy ang laban ng masa

di pa rin nagbabago itong bulok na sistema
kumilos na noon ang manggagawa't aktibista
mula Haymarket Square at welga sa La Tondeña
mula diktadura hanggang pag-aalsa sa Edsa

inaral ang takbo ng pulitika't ng lipunan
bakit laksa'y naghihirap, nagpapasasa'y ilan
bakit pribadong pag-aari'y kamkam ng mayaman
bakit kayraming lupang pag-aari ng Simbahan

kayraming katanungan sa mundo'y dapat masagot
sa mga mapagsamantala'y di dapat matakot
lalaban tayo't maniningil, may dapat managot
tanikalang nakapulupot ay dapat malagot

sistemang bulok ba'y pamana sa kinabukasan
o kikilos tayo upang mapang-api'y hubaran
ng gintong baluting pribilehiyo ng iilan
baguhin na natin ang sistema't tayo'y lumaban

ituloy ang pakikibaka, ang laban ng masa
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
wakasan lahat ng tipo ng pagsasamantala
at wakasan na rin ang paghahari ng burgesya

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil