Uod sa mangga

UOD SA MANGGA

nabidyuhan kong gumagalaw ang uod sa mangga
ibig sabihin ay di ginamitan ng kemikal
kundi pinatubo't pinausukan lang talaga
upang punong mangga'y sadyang magbunga ng maganda

kung sa patay na daga, nakakadiri ang uod
buhay pa nga ang daga ay talagang mandidiri
ngunit sa manggang manibalang pa'y pinanonood
ang uod pagkat sa halaman nagmula ang lahi

dahil sa uod, batid ko nang ang mangga'y sariwa
tinanim iyon ng mga magsasaka sa Benguet
kaya di sinabuyan ng kemikal na pataba
kuya ni misis na galing sa Benguet ang may bitbit

ah, salamat sa pasalubong na manggang kalabaw
binika ko ang isa't tinikman namin ni misis
maasim-asim pa't di hinog, di gaanong hilaw
ilang araw lang, malalasahan mo na ang tamis

- gregoriovbituinjr.
05.06.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/km0hIl9SzO/

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil