Maling kahulugan ng development nila

MALING KAHULUGAN NG DEVELOPMENT NILA

maaalagaan ba natin ang kapaligiran
tulad ng samutsaring espesye sa karagatan
tulad ng ibon sa himpapawid at kagubatan
tulad ng nalalanghap na hangin sa kalikasan

ito'y sinisira ng development o progreso
ito'y winawasak ng sistemang kapitalismo
sinira ng mina, coal plants, bundok ay kinakalbo
sa trickle down theory, kakamtin ng masa'y mumo

iyan ba'y pag-unlad? sa paligid ay mapangwasak?
sistemang kapitalismo'y punyal na nakatarak
sa ating likod upang tumubo sila ng limpak
development nila'y dambuhalang halimaw, tiyak

iba ang kahulugan ng kanilang development
gumawa ng tulay upang kalakal ay tumulin
nagtayo ng gusali upang bulsa'y patabain
habang masa'y di kasama sa kanilang layunin

negatibo ang development nilang sinasabi
para lang sa iilan, sa bundat, makasarili
progresong ang silbi'y sa elit, trapo't negosyante
dukha pa rin ang dukha, lagay nila'y di bumuti

kalikasan na'y kawawa sa kanilang sistema
manira ng manira upang tumaba ang bulsa
terminong development ay dapat nang ibasura
kung laging para sa iilan, masa'y di kasama

- gregoriovbituinjr.
04.08.2023

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil