Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Oktubre, 2020

Sa ika-27 anibersaryo ng SANLAKAS

Imahe
Sa ika-27 anibersaryo ng SANLAKAS pagbati sa anibersaryong pandal'wampu't pito ng ating party list na Sanlakas, mabuhay kayo! tunay na lingkod ng mamamayan, ng simpleng tao lalo't tinataguyod ay lipunang makatao dalawampu't pitong taon na ang nakalilipas nang magkaisa ang masa't tinayo ang Sanlakas dalawang dekadang higit nilabanan ang dahas upang lipunang ito'y maging patas at parehas kahit nitong kwarantina'y nagbigay ng pag-asa sa abot ng kaya'y nagbigay ng tulong sa masa sa iba't ibang isyu ng bayan ay nakibaka upang tuluyang mabago ang bulok na sistema narito lang kami, taas-kamaong nagpupugay sa Sanlakas dahil sa pakikibaka n'yong tunay narito tayo, kapitbisig, susulong na taglay ang pagkakaisa ng bayang may adhikang lantay - gregoriovbituinjr. 10.29.2020

Ang inidoro ng ginhawa

Imahe
O, dama mo ang kirot ng tiyang di madalumat tila baga pasan mo ang daigdig, O, kaybigat na ang tanging lunas ay sa palikuran magbawas at madarama ang ginhawang hinahanap-hanap sa maraming bagay nga tayo'y abalang-abala kayod ng kayod para sa kinabukasan nila nagpapakabusog sa pagkaing di masustansya tinatagay ang samutsaring alak at serbesa ngunit anumang sarap ay sa kasilyas dudulo at tunay na ginhawa ang dala ng inidoro tulo ang pawis, tutop ang tiyan, pag wala ito mamamatay kang di mo mawari, sakit sa ulo mahalaga ang palikuran, iyong napagnilay doon mo ilagak ang lahat mong sakit at lumbay siya pala ang lunas sa mga problemang taglay upang kaginhawaan ay maramdaman mong tunay - gregoriovbituinjr. (Ang mga litrato ay kuha ng makata sa bangketa sa labas ng isang paaralan sa La Trinidad, Benguet.)

Ang bago kong gunting na pangekobrik

Imahe
nang makaluwas ng Maynila, una kong binili ay isang munting gunting na siyang inihalili sa naiwang gunting na pitong buwan ding nagsilbi sa probinsya sa mga inekobrik kong kaydami pulang gunting ang naiwan, asul ang binili ko sinimulan ko agad ang pageekobrik dito kayraming plastik agad ang naipon kong totoo isang linggo pa lang, pinatitigas ko na'y tatlo misyon ko na ang mag-ipon at maggupit ng plastik tulong sa kalikasang sa basura'y humihibik gagawin ko pa'y di lang ekobrik kundi yosibrick mga upos ng yosi'y ilagay sa boteng plastik mga naglipanang basura'y kakila-kilabot naglutangan ang mga plastik at upos sa laot ang bagong gunting sa pageekobrik ko'y nagdulot ng saya, kaya pagsisilbi ko'y di malalagot - gregoriovbituinjr.

Walang kumot sa pagtulog

Imahe
pinagkukumot ako ni misis sa lalawigan talagang ako'y laging pinaaalalahanan ganyan ang pagmamahal, sadyang di matatawaran magkasama sa kutson, may kumot pa kami't unan subalit balik sa dati nang bumalik sa lungsod hihiga sa silyang kahoy, walang unan at kumot tila mandirigmang kung saan-saan napalaot aba'y pag inantok na'y nakahubad pang matulog kaysarap kasing umidlip sa papag man o sahig kaysarap kasing humimbing pag nahiga sa banig di gaya sa kutsong malambot na tila ligalig di pa sanay magkumot sa lugar mang anong lamig sanay mang humiga sa papag ng buong pagsinta, kung saan mapasandal, pipikit at tutulog na gayunman, huwag balewalain ang paalala tandaang lagi ang bilin ni misis, "Magkumot ka!" - gregoriovbituinjr.

Sibaka't TaKam sa agahan

Imahe
SiBaKa  - sibuyas, bawang, kamatis ang agahan kasabay ng  TaKam  o talbos ng kamote naman pawang pampatibay pa ng resistenya't katawan aba'y nakabubusog din lalo't iyong matikman itong  SiBaKa 'y ginayat ko't hilaw na kinain habang  TaKam  naman ay isinapaw ko sa kanin sinasanay ko ang katawan sa mga gulayin mura lang at maaari mo pa itong itanim bawasan na ang karne, ito ang aking prinsipyo maging vegetarian ka rin minsan man sa buhay mo maging budgetarian din, badyetin mo ang kain mo magtipid man tayo, sa kalusugan ay seryoso SiBaKa 't  TaKam  sa agahan, magandang ideya mga lunas pa ito sa sakit na nadarama tara, simulan nating mag TaKam  at mag SiBaKa upang lumakas at tumindi rin ang resistensya - gregoriovbituinjr.

Tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look

Imahe
tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look pagkat nagpa-Maynila na't nilandas ang pagsubok napagpasyahan ko agad magpagupit ng buhok bagaman wala pang tulog at inaantok-antok lumuwas upang makapagsimula sa trabaho lalo't bagong opisina ang aatupagin ko ang pagsasalin ng katha'y itutuloy ko rito sa dalawang araw na miting na'y agad dumalo bagong gupit, panibagong hamon, bagong simula dalawang plastik na tsitsaron ang aking nginuya habang santimbang tubig naman ang aking tinungga inahit ang bigote't balbas, kuminis ang mukha bagong gupit, nag-selfie, at naglinis ng paligid maraming pagbabago't bagong simula ang hatid tiyaking huwag magugutom kahit nagtitipid kinakatha'y bagong paksa, mag-isa man sa silid - gregoriovbituinjr.

Ako'y tibak

Imahe
Ako'y tibak ako'y tibak na wala sa dulo ng bahaghari pagkat nakikibakang ang kasama'y dukhang uri upang lupigin ang bata-batalyong naghahari upang pagsasamantala't pang-aapi'y mapawi adhika'y karapatan ng tao't ng kalikasan naggugupit ng plastik, inaaral ang lipunan nageekobrik, bakit may mahirap at mayaman magbukod ng basura, maglingkod sa sambayanan hangad na maitayo ang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao dukha man, karapatang pantao'y nirerespeto bawat isa'y makipagkapwa, may wastong proseso isinasabuhay ko ang proletaryong hangarin upang pagsasamantala't pang-aapi'y durugin sa kabila ng karukhaa'y may pag-asa pa rin tayo'y magekobrik, bulok na sistema'y baguhin ako'y karaniwang tao lang na hilig ay tula na sinusulat ay buhay ng manggagawa't dukha nasa Kartilya ng Katipunan nga'y nakatala ang niyakap kong prinsipyo't tinanganang adhika - gregoriovbituinjr.

Pagninilay sa aking lungga

Imahe
Pagninilay sa aking lungga minsan nga ako'y di mapakali sa aking lungga lalo na't sugat ng alaala'y sinasariwa upang itala ang buhay ng binabalewala bakasakaling makaahon sa danas na sigwa kayraming litrato ng mga balyenang tumirik ang mata dahil kumain ng sangkaterbang plastik paano ba magtutulungan sa pageekobrik nang masagip ang kalikasan sa kanyang paghibik oo, pangarap ko'y makaahon, di ang makahon sa nadamang kahungkagang sa puso'y lumalamon mabuti nang sumagasa sa bangin ng kahapon kaysa dumaluhong pa ang kaburyungan ng ngayon matutunton pa kaya ng lakan ang kanyang dayang na matagal nang nawala't may iba nang hinirang matutulungan ba ang mga pesanteng hinarang ang karapatan sa lupang dapat nilang malinang narito man ako sa aking lungga, nagmamasid katiwalian at karahasan ay nababatid karapatan ay ipagtanggol, huwag maging umid ang hustisya'y ipaglaban, buhay man ay mapatid - gregoriovbituinjr.

Ang karatula sa dyip

Imahe
Ang karatula sa dyip isa ngang palaisipan ang karatula sa dyip pagkat tanong iyon na agad kang mapapaisip "Sino ba ang sinungaling?"  ay agad kong nahagip habang sa biyahe'y nakawala iyon ng inip subalit tanong na iyon ay may karugtong naman sa pagtugon ay may dalawa kang pagpipilian: "ang matanda ba o ang elepante ang katawan?" may-ari ba ng dyip ay may problema sa tahanan? sinong pinatamaan ng ganoong patsutsada? ang sariling ina o ang biyenang lumba-lumba? ang matandang kasera o ang matabang asawa? wala tayong alam, isa lang itong sapantaha tayo din ay may problema't sariling mga danas hayaan natin sila sa ganoong alingasngas baka nga problema nila'y kanila nang nalutas habang tayo'y patuloy pa sa nililikhang bukas - gregoriovbituinjr.

Gaano nga ba kahalaga ang puno?

Imahe
Gaano nga ba kahalaga ang puno? gaano nga ba kahalaga sa akin ang puno? gaano nga ba kahalaga sa iyo ang puno? gaano nga ba kahalaga sa atin ang puno? gaano nga ba kahalaga sa mundo ang puno? ang mga puno'y nagbibigay ng lilim sa labas ang mga puno'y tahanan ng hayop na ilahas ang mga puno'y maraming binibigay na prutas tulad ng bayabas, kalumpit, duhat, sinigwelas ang mga puno'y nagbibigay ng kahoy sa madla ang mga puno'y pananggalang sa mga pagbaha ang mga puno'y tagapagligtas mula sa sigwa tulad ng punong dita nang si Ondoy ay nagwala ganyan kahalaga ang mga puno sa daigdig kaya mga daing nila'y ating bang naririnig? pag nawala ang puno'y walang huni ng kuliglig halina't puno'y alagaang nagkakapitbisig - gregoriovbituinjr.

Ang gawain kong pagsasalin

Imahe
Ang gawain kong pagsasalin may kompyuter na't wifi, mayroong teknolohiya magsalin ng Ingles sa Filipino'y madali na subalit pag ninamnam mo ang salin mong binasa minsan, mali ang kahulugan sa iyong panlasa kaya ako'y nagsasalin sa mahabang estilo bawat pangungusap ay isusulat sa kwaderno di laging literal na salita, unawain mo upang iyong makuha ang kahulugan ng wasto di lang bolpen at kwaderno ang iyong gagamitin kundi dalawang wika'y kabisado mo't namnamin nirerepaso't binabalikan ang mga salin pangungusap at talata'y dapat mong unawain kung Pluto'y dwarf planet, ang salin ba'y dwendeng planeta gayong di ito dwende kundi maliit sa iba dwarf dahil maliit, di dahil dwendeng may mahika mainam bang Pluto'y tawaging punggok na planeta suriing mataman ang nakapaloob na diwa na nais iparating sa madla niyong may-akda upang kahulugan sa salin ay walang kawala upang manamnam mo ang lasa ng bawat salita salin ng salin, dapat batid ang sariling sulat upan

365 basong karton kada taon

Imahe
365 basong karton kada taon ginagamit ko'y isang baso lamang sa tahanan na matapos magkape'y akin namang huhugasan walang basong kartong itatapon sa basurahan kundi yaon lamang plastik ng kapeng pinagbilhan ginagamit naman sa kapehan ay basong karton kung araw-araw isang beses kang magkape doon bilangin mo't ang nagamit sa isang buong taon ay tatlong daan, animnapu't limang basong karton ikaw pa lang iyon, paano kung ang magkakape ay isang daan bawat araw, di lang ito triple tatlumpu't anim na libo't limangdaang kinape sangkaterbang basurang ito'y suriing maigi kung sa kapehan, basong hugasin ang gagamitin walang basong kartong basurang papatas-patasin kaylaking tipid ng may-ari sa kanyang gastusin nakatulong pa sila sa kapaligiran natin sa ating pagkakape, minsan ito'y pag-isipan mga plastik ng kape'y maiekobrik din naman maaksayang pamumuhay ay dapat nang iwasan at isipin din ang kalagayan ng kalikasan - gregoriovbituinjr.

Ang pangkat ng Alno (PSA)

Imahe
ANG PANGKAT NG ALNO (PSA) bagong kaibigan ni misis ang pangkat ng Alno na sa barangay na iyon ay naging katrabaho ang grupo nila yaong nag-sensus sa buong baryo upang iambag sa populasyon ng bansang ito sa pagse-sensus ay matitinik at mabibilis sa pagkuha ng datos, walang kulang, walang labis bagong kaibigan, bagong kasamahan ni misis masasaya't palakwento, tiyak kang bubungisngis matapos ang trabaho'y nag-iskedyul ng lakaran taniman ng samutsaring cactus ang pinuntahan nag-selfie't iba't ibang cactus ang nilitratuhan sa bahay ng isang katrabaho'y nananghalian sa pangkat ng Barangay Alno, maraming salamat sapagkat kayo'y talagang mahuhusay ngang sukat kahit may ilang problema'y naaayos ang ulat ginawa ang tungkuling makatutulong sa lahat - gregoriovbituinjr.

Huwag iwan sa isang bulsa ang selpon at pera

Imahe
huwag iwan sa isang bulsa ang selpon at pera aba ito'y napagtanto ko lang kani-kanina paghugot ko ng selpon ang mga pera'y sumama agad ko namang nakita kundi ito'y wala na buti't sa gilid ng bangketa ako napaupo nang binunot ko ang selpon na tila hapong-hapo upang i-text si misis upang kami'y magkatagpo at nakita nga ang pera nang biglang mapatungo nasa isip kasi'y ang pariralang kinakatha di namalayang pera sa bulsa'y muntik mawala paano kung may tumawag at naglalakad na nga nalaglag na ang pera't nakakuha'y tuwang-tuwa sadyang nakapanghihinayang kung magkakagayon pasya ko'y ihiwalay ng bulsa ang pera't selpon marahil ito na'y isa sa tumpak kong desisyon upang di ka naman mawalan ng pera paglaon - gregoriovbituinjr.

Pagsusuot ng medyas kay misis

Imahe
oo, kay misis ay ganyan akong magsilbing lubos sinusuutan ko siya ng medyas at sapatos tanda iyan ng pagmamahal, di pambubusabos kusa kong ginawa, di man sinabi o inutos oo, ganyan nga kung magtulungan kaming dalawa lalo't siya ang may trabaho't may tangan ng pera akong bahala sa gawaing bahay, paglalaba, pagluluto, paglampaso, pagtapon ng basura isa man akong dakilang lingkod sa aking misis ayos lang lalo't malaki ang tiyan niyang buntis baka pag nagsapatos siya, tiyan na'y umimpis susuutan ko siyang kusa upang di mainis ako ring magtatanggal ng sapatos niya't medyas pag dumating na sa bahay pagkagaling sa labas payak at kusangloob na pag-ibig ang katumbas at di magmamaliw habang pinapanday ang bukas - gregoriovbituinjr.

Pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula

Imahe
Pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula sa maghapong paggawa'y pahinga na ang pagkatha magninilay-nilay kahit na sa panahong putla agad isinusulat anumang nasa gunita minsan, maghapon ang pagpapako't pagmamartilyo magdidilig, mga tanim ay inaasikaso at minsan naman, maglaba, magluto't maglampaso o kaya'y magsalin ng akdang naroon sa libro habang trabaho'y ginagawa, ay may naninilay ang ina'y nasa piitan, ang anak ay namatay aktibista ang nanay na sa anak napawalay dahil ba aktibista, ang hustisya na'y di pantay pagpupugay doon sa nars na maganda'y ginawa nagpaanak sa kalsada ng inang namumutla di sila dapat makaligtaan sa bawat tula tuloy muna ang trabaho't mamaya na kakatha - gregoriovbituinjr.

Sa anino ng kahapon

Imahe
Sa anino ng kahapon nasa anino man ako nitong aking kahapon ay lagi kong pinagbubutihan ang bawat ngayon sinasabuhay ang angking prinsipyo't nilalayon samutsaring paksa'y inaaral at sinusunson gawin ang bawat ibig ng minumutyang diwata kathain ang pagsintang nilalabanan ang sigwa idarang pa natin sa apoy ang espadang katha upang pumutol sa ulo ng gahamang kuhila nagsisiksik pa rin sa bote ng sanlaksang plastik nag-aalay sa diwata ng rosas na may tinik habang tinatahak ang sangandaang anong tarik at laman ng kalooban ay agad isatitik oo, di ko makikita ang anino sa dilim kundi doon sa liwanag na tumagos sa lilim anino'y natanaw kong naroroong naninimdim hanggang sa kami'y abutan ng bunying takipsilim - gregoriovbituinjr.

Mga paksa sa pagkatha

Imahe
Mga paksa sa pagkatha paano nga bang kinakatha ang hibik ng puso habang naninilay ang mga ugaling hunyango at nanonokhang habang may pinunong kapit tuko di lumpo ang panitik habang iba'y pinayuko inaakdang buong tigib ang samutsaring paksa sinasapuso ang bawat daing ng maralita pinapaksa ang kasanggang hukbong mapagpalaya at paglilingkod kasama ang uring manggagawa matematika, astronomiya, pageekobrik aktibo, aktibismo, tahakin man ay matinik sistemang bulok, hustisyang panlipunan, paghibik makata, tula, nasa loob ay sinasatitik pluma ang gatilyo ng bawat paksang susulatin nasa diwa'y punglong sa mapang-api'y patagusin aklat, sakripisyo't danas ang kaluban kong angkin layuning sistemang mapagsamantala'y kikitlin pakikipagkapwa't pagpapakatao'y nilayon na aking tinataguyod bilang dakilang misyon upang iyang bulok na sistemang tunay na lason ay durugin sa mga akda't mawala paglaon - gregoriovbituinjr.

Patuloy na pagsulat

Imahe
Patuloy na pagsulat di tumitigil sa pagkatha ang makatang tibak sa gitna man ng init, pawis ay tumatagaktak sa gitna man ng lamig at nangangatal sa lambak sa gitna man ng payapang sementeryong pinitak patuloy ang pagkatha kahit mabulid sa dilim itutula pati ulat na karima-rimarim aakdain pati laman ng pusong naninimdim kakatha't kukutyain ang gumagawa ng lagim kanyang ibubulgar ang mga mapagsamantala at patuloy na itutula ang hibik ng masa imbis kiskisin ang kalawang upang mapaganda ang gintong tanikala'y dapat itong lagutin na hindi nahihimbing ang makata sa toreng garing naroon siyang kasama ng dukhang dumadaing sasamahan ang mga manggagawang magigiting  upang bulok na sistema'y tuluyan nang malibing - gregoriovbituinjr.

Ang payo ng kampyong si Triple G

Imahe
"Sometimes the only person that can see your goal is you. Stay focused and you will achieve it. You, yes you, you can do it too. Hard work pays off." ~ world middleweight boxing champion Gennady G. Golovkin bilin ng isang magaling na boksingerong kampyon minsan ang tanging makakakita ng iyong layon ay ikaw lang mismo, kaya isipan mo'y ituon upang mapagtagumpayan mo ang anumang hamon isang magandang payo ni Gennadiy G. Golovkin sa anumang larangan ay pagsikapan at sundin minsan walang ibang tutulong kundi sarili rin kaya kung di ka magsisikap ay walang kakamtin pumokus ka sa iyong inaasam na larangan ito man ay sa palakasan, agham, o sipnayan bawat larang ay aralin at iyong pagsikapan upang matamo ang tagumpay o inaasahan mapipigil mo ang takot na namahay sa dibdib malalagpasan mo ang lungkot sa malayong liblib makakalabas ka rin sa pinaglunggaang yungib matitigpas mo ang ulo ng sawang nanibasib iyan ang isang payong magaling para sa masa lalo sa tulad kong isang makata

Ang nag-iisang mais sa gilid ng kalsada

Imahe
namunga na rin ang mais sa gilid ng kalsada nag-iisa ang mais na iyon, walang kasama nabuhay ng ilang buwan sa kanyang pag-iisa sa kabila ng kalagayan,  nakapamunga pa tulad din ng makatang kumakatha sa kawalan may nakakatha sa umaga man o sa kadimlan may katha sa sinag ng araw o patak ng ulan lagaslas man ng tubig o kalagayan ng bayan ang introvert nga akala mo'y may sariling mundo tulad ko'y kayrami rin palang inaasikaso laging may ginagawa, masaya mang nagsosolo siyang may buti ring ambag sa mundo't kapwa tao O, mais, mag-isa ka mang tumubo sa lansangan subalit namunga ka pa't nagbigay-kasiyahan ako'y nagpupugay sa iyong angking katatagan tanging alaala'y larawan mong aking kinunan - gregoriovbituinjr.

Ang mga bakod na ekobrik

Imahe
nasulyapan ko lang ang mga bakod na ekobrik habang naglalakad sa isang makipot na liblib di papansinin kung di mo ito tinatangkilik na kolektibong ginawa ng may pag-asang tigib sinong nag-isip ng ganitong kapakinabangan kundi yaong gustong malinis ang kapaligiran kundi yaong ayaw na mga isda'y mabulunan ng sangkaterbang plastik sa laot ng karagatan mapapalad ang nakatira sa liblib na iyon na sa tagalungsod na tulad ko'y malaking hamon tambak-tambak ang plastik na sa lungsod tinatapon anong gagawin ng kasalukuyang henerasyon halina't pageekobrik ay ating itaguyod sa mga libreng oras ay dito magpakapagod kay Inang Kalikasan nga'y tulong na nating lugod tayo nang magekobrik kaysa laging nakatanghod - gregoriovbituinjr.

Sa pagwawalis ng kalat

Imahe
Sa pagwawalis ng kalat marapat talagang walisan ang ating paligid upang mawala na ang mga layak at ligalig itapon yaong wala nang pakinabang at yagit pati kalat sa ating loob na dapat malupig oo, dapat ding luminis ang isip sa nagkalat na mga katiwaliang sa bansa'y nagwawarat ungkatin pati basura nilang di madalumat  upang mandarambong ay di lang basta makasibat ibukod mo ang nabubulok sa di nabubulok tiyaking maitapon din ang namumunong bugok magwalis, huwag magsunog, ng nakasusulasok bakasakaling mapalis pati sistemang bulok walis tinting o tambo man ang gamitin mong sukat halina't magwalis ng basurang pakalat-kalat at baka may mapulot na dapat maisiwalat mausig ng bayan ang katiwaliang naungkat - gregoriovbituinjr.

Sa silong ng ating pangarap

Imahe
Sa silong ng ating pangarap minsan, nasa silong lang tayo ng ating pangarap na animo'y di mabata ang kirot na nalasap pagkat nasadlak sa mundong kayraming mapagpanggap na di natin batid anong laging inaapuhap kinaya nating tiisin anumang dusa't hirap sila pa kayang naturingang mabuting kausap lalo't nagpadala tayo sa dilang masasarap na sa puso natin animo'y magandang lumingap gawin ang dapat, patuloy tayong magpakatao at laging tanganan ang adhikain at prinsipyo di tayo patitinag sa mga gawang perwisyo nadapa man ay tatayo't tatayo pa rin tayo titindig tayo upang gawin ang nasasaisip habang pilit inuunawa ang di natin malirip na naroong palutang-lutang sa ating pag-idlip na silong man ay bahain, may buhay pang nasagip - gregoriovbituinjr.

Ang pagsukat sa bilog

Imahe
Pi = 3.14159268... sa ating paligid ay payak na sukat ang bilog na sa palibot ay mapapansing pantay ang hubog iba sa obalong pahaba, kaygandang anyubog kaylaki nang tulong tulad ng gulong sa pag-inog ang pagsukat ba ng bilog na iyan ay paano ang radyus at diyametro nito'y masusukat mo ang haba sa pagitan ng bilog ay diyametro tinatawag namang radyus ay kalahati nito sukat ng palibot ng bilog ay sirkumperensya ang pi ay griyegong titik na sukat na pormula halimbawa'y sa bilog susukatin mo ang erya pi tayms radyus iskwer, pormula'y kabisaduhin na ito'y iyong matatagpuan sa paksang dyometri at pag-aralan mo rin ano ang trigonometri mga paksang nagsusukat kaya dulo'y may metri aralin lalo't kukuha ng indyinering dini pag-aralan mo muna ang pangunahing batayan bago mga abanteng paksa'y iyong mapuntahan marami pa akong gagawing tulang pangsipnayan ngunit dapat pang magsaliksik ang makatang turan - gregoriovbituinjr.

Ang mga cactus na parang terra cotta warriors

Imahe
nilagay sa sanga ng dragonprut ang mga cactus nahahilera silang animo'y kawal na lubos animo'y terra cotta warriors ang pagkakaayos na kung may labanan ay di mo basta mauubos O, kaygandang pagmasdan ng mga cactus na iyon sa pabula nga'y mapagsasalita sila roon na pawang mga mandirigmang naligaw lang doon di upang lumaban kundi magpahinga't limayon napakaayos ng kanilang pagkakahilera bagamat mga cactus ay di naman namumunga mahal man pag binili'y maganda naman sa mata animo sa iyong bahay ay may mga bantay ka mga mandirigmang cactus, huwag munang sumugod alamin muna anong isyung itinataguyod karapatan ba ng kapwa'y sasagasaang lugod kung walang katuturan ay huwag magpakapagod - gregoriovbituinjr. * kuha ang mga litrato sa  Living Gifts Nursery  na hardin ng samutsaring cactus sa Barangay Alno, La Trinidad, Benguet, 10.10.2020

Basurahan para sa plastik na ieekobrik

Imahe
may mga basurahan nang para sa nabubulok panis na pagkain, pinagbalatan ipapasok basang papel, dahong winalis, huwag magpausok magsunog ng basura'y mali, dapat mong matarok may para rin sa di nabubulok na basurahan styrofoam at gawa sa gomang pinaggamitan boteng babasagin, sa pagkain pinagbalutan ibat't ibang uri ng plastik ay ilagay diyan ngunit may basurang mabebenta't magagamit pa boteng di pa basag, tuyong karton at papel, lata aluminum, bakal, at anupang baka mabenta iyan ang tinatawag na  "may pera sa basura" dapat may basurahang pinagbukod ang plastik mayroong basurahang para sa single use plastic ang mungkahi ko namang sa utak ko'y natititik may basurahan para sa mga ieekobrik tuyong plastik at boteng plastik ang lalamnin niyon sa mga eskwelahan ay may karatula doon tuyong plastik at boteng plastik lang doon itapon sa mungkahing ito sana'y maraming sumang-ayon - gregoriovbituinjr.

Kung ako'y isang halaman

Imahe
ani misis, mahilig siya sa mga halaman kaya samutsari ang tanim sa kapaligiran napag-usapan matapos manggaling sa cactusan samutsari nga ang cactus sa aming napuntahan kung ako'y isang halaman, na halimbawa'y cactus na bihira mang makita'y di nagpapabusabos nabubuhay sa malayong liblib, kahit hikahos nasa ilang man, matinik akong dapat matalos kung ako'y isang halamang kapara'y gumamela mga nektar ng bulaklak ko'y ibibigay ko na sa paruparo't bubuyog ng libre't anong saya na kahit munti'y may naitulong din sa kanila baka mabuting itulad sa talbos ng kamote na madali lamang patubuin sa tabi-tabi na lunas sa gutom kung sa kagipitan sakbibi at maaari pang isahog sa ibang putahe kung ako'y isang halamang pipitasin ni misis ang iwing buhay ko'y iaalay nang walang amis halimbawa ako'y ang kamatis na walang hapis anong ligayang ang naranasan ko'y anong tamis - gregoriovbituinjr. * kuha ang mga litrato sa Living Gifts Nursery na hardin ng sam

Dalawang nais kong disenyo sa tshirt

Imahe
dalawang klaseng disenyong nais kong ipagawa tatak sa tshirt na itinataguyod kong kusa na sumasalamin sa pagkatao, puso't diwa baka pag nabasa ng iba'y humanga sa likha sa tshirt ay nakatatak ang tinahak kong daan ang isa'y pagiging vegetarian at budgetarian habang ang isa'y prinsipyong niyakap kong lubusan na unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan una,  "Ang buhay na hindi ginugol sa malaki at banal na dahilan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag" , sa ikalwa'y sabi ako'y isang vegetarian at budgetarian na rin dalawang diwa, dalawang tatak ng pagkatao na kaakibat ng yakap kong adhika't prinsipyo kung ikaw naman, ipalalagay mo kaya'y ano sa tshirt na sumasalamin sa personahe mo - gregoriovbituinjr.

Iekobrik din ang mga cotton bud na plastik

Imahe
anong gagawin sa mga cotton bud na plastik ang tumangan sa bulak, ito ba'y ieekobrik oo naman, bakit hindi, huwag patumpik-tumpik di ba't sa laot, cotton bud din ay namumutiktik dapat lang may disiplina kung popokus din dito baka mandiri sa cotton bud na mapupulot mo kailangan ng partisipasyon ng mga tao upang sila na ang magekobrik ng mga ito tipunin muna ang cotton bud nilang nagamit at isiksik nila ito sa isang boteng plastik sa kalaunan, ito'y mapupuno't masisiksik mabuti na ito kaysa basurahan tumirik simpleng pakiusap, iekobrik mo ang cotton bud lalo't plastik ito't lulutang-lutang pa sa dagat baka kaining isda'y may plastik na nakatambad iyon pala'y cotton bud mong binalikan kang sukat - gregoriovbituinjr. * unang nakita ang litrato ng sea horse mula sa isang seminar na dinaluhan ko noon, at hinanap muli sa internet

Mga tinakdang apakan sa lansangan

Imahe
isang metrong social distancing ay ginawang tanda sa daanan, sa bangketa, kainan, talipapa upang doon tatapak ang tao nang di mahawa pagkat pag napabahing ang katabi, ay, kawawa ito na'y ginawang paraan ng social distancing sa pagpara ng dyip, sa botika kung may bibilhin kahit manliligaw ng dalaga'y di makatsansing apakan mo ang bilog ngunit huwag kang babahing samutsaring bilog, may nakasulat pa sa sahig iba't ibang disenyo, ingat lang sa mang-uusig tumalima na lang, sa payak na bilog tumindig habang sa naka-facemask na dalaga'y nakatitig lipat agad pag may umabante't nakasakay na abante pag sa botika'y nakabili na sila ganyan sa panahon ngayon pagkat may kwarantina para walang gulo, kailangan ang disiplina - gregoriovbituinjr.