Ang katwiran ng bituka

Ang katwiran ng bituka

anila, binigyan na ng bahay ang maralita
nang sa iskwater at barungbarong daw makawala
subalit nang nasa relokasyon na'y biglang-bigla
ibinenta ang bahay, bumalik sa dating lupa

ang ibang nakakaalam ay napapailing lang
lalo't di maunawaan ng kinauukulan
bakit muling pumaroon sa dating karukhaan
di pa ba sapat ang pabahay nilang inilaan

kung tinanong muna nila ang mga maralita
kung bahay ba ang problema kaya mukhang kawawa
upang tamang kalutasan sa problema'y magawa
at di sila itaboy sa malayong parang daga

bakit sila mahirap, hanapin ang kasagutan
bakit bahay na binigay ay kanilang iniwan
pagkat di sapat ang bahay kung walang kabuhayan
kayhirap kung danasin ng pamilya'y kagutuman

sa pinagtapunan sa kanila'y walang serbisyo
mag-iigib sila sa sapa o malayong poso
walang kuryente kaya di makapanood dito
mabuti kung may maayos kang de-bateryang radyo

ospital ay kaylayo, paano pag nagkasakit
walang palengke, paano ka kaya magpapansit
wala ring masasakyan, maglalakad ka sa init
sa daang baku-bako, pawis mo'y tiyak guguhit

walang paaralan, saan mag-aaral ang anak
malayo ang bayan, kilo-kilometrong di hamak
tila kayo dagang sa relokasyon itinambak
may pabahay nga, ngunit gagapang naman sa lusak

makakain ba nila ang ibinigay na bahay
di sapat ang may tahanang doon ka humihimlay
paano kung pamilya'y magutom, doon mamatay
kaya unahin ang katwiran ng bitukang taglay

mabuting may makakain, tahanan mo ma'y dampa
ang pamilya'y di magugutom, di kaawa-awa
dapat lagi kayong busog upang di namumutla
kahit bumalik sa iskwater na kasumpa-sumpa

iskwater kasi'y masakit sa mata ng mayaman
at ito'y inayunan naman ng pamahalaan
dahil daw walang bahay, bahay din ang kalutasan
di nakurong dapat unahin ang kalam ng tiyan

tinawag silang mahihirap dahil hirap sila
tinawag silang dukha dahil walang-wala sila
walang pribadong pag-aari, sarili lang nila
di bahay ang problema, kundi kakainin nila

busog kung may pagkukunan lang ng ikabubuhay
ito ang sa pamahalaan ay dapat manilay
at kung may trabahong sapat, di problema ang bahay
mabibili pa ang pagkaing may sustansyang taglay

ang katwiran ng bituka'y huwag balewalain
sa batas at patakaran, ito'y laging isipin
at sa relokasyon, di dapat mahal ang bayarin
ibatay sa kakayahan ng naninirahan din

pabahay, ikabubuhay, serbisyong panlipunan
sa mga negosasyon ay magkasamang tandaan
tatlong sangkap upang maralita'y di magbalikan
sa dating tirahang sa kanila'y pinag-alisan

- gregbituinjr.
07.09.2020

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil