Ang larawan ng aking diwata

larawan niya'y nakaukit na sa aking diwa
sadyang kayganda ng larawan ng aking diwata
anong pungay ng mata niyang tila lumuluha
kaytamis pa ng kanyang ngiting ang dama ko'y tuwa

kailangan pa ba natin ng isang inspirasyon?
di pa ba sapat ang haraya o imahinasyon?
o mas kailangan nating magsikap, perspirasyon?
o siya'y isang panaginip, di muna babangon?

ano nga ba ang diyalektika ng pagmamahal?
maliban sa naiisip nitong makatang hangal
mula nga ba sa puso, o sa diwa mo'y nakintal?
ang kanyang ganda, pati na mabuti niyang asal?

ano bang inaasam sa kinakathang pag-ibig?
upang magandang diwata'y makulong ko sa bisig?
sa hirap ko, anong isusubo sa kanyang bibig?
bigas ba o bato? magsikap upang may pinipig?

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Usapang manok

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

Paskil