Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Oktubre, 2025

Black Friday Protest, PPM and Edsa Shrine, 10.31.2025

Imahe
Black Friday Protest, PPM and Edsa Shrine, 10.31.2025 huling araw na ng Oktubre bukas ay buwan na ng Nobyembre aba'y wala pa ring nakukulong na TONGresista at senaTONG Ikulong na lahat ng mandarambong! - gregoriovituinjr. 10.31.2025 Black Friday Protest, PPM and Edsa Shrine, 10.31.2025

Pandesal sa bukangliwayway

Imahe
PANDESAL SA BUKANGLIWAYWAY naalimpungatan / ng madaling araw ayaw pang bumangon, / ramdam pa ang ginaw tila ba nasilaw / nang buksan ang ilaw bumangon nang merong / ideyang lumitaw agad isinulat / sa aking kwaderno ang mga ideya't / samutsaring isyu mag-uumaga na, / lumabas na ako bumiling pandesal / doon sa may kanto habang kayrami pa / akong naninilay na ang puso't diwa'y / di pa mapalagay buti't may pandesal / sa bukangliwayway nakabubusog din / bagamat may lumbay adhika ko sanang / tula'y isaaklat bagamat kayraming / tulang bumabanat sa mga kurakot / na aking nilapat sa tula na mithi'y / maglinis ng kalat kalat ng kurakot, / silang mandarambong sa pondo ng bayan, / TONGraktor, senaTONG dapat lamang silang / ikulong! IKULONG! hustisya sa bayan / ba'y saan hahantong? - gregoriovbituinjr. 10.31.2025

Pag-alala

Imahe
PAG-ALALA inaalala kita O, aking sinisinta sa puso'y lalagi ka saan pa man pumunta pag puso ko'y pumintig batid kong nakatitig ka sa akin, pag-ibig nati'y di malulupig pagsinta'y laging bitbit na sa puso'y naukit ngalan mong anong rikit ang sinasambit-sambit sa mga tulang tulay ko sa iyo't inalay sa kabila ng lumbay lagi kang naninilay - gregoriovbituinjr. 10.31.2025

Payak na hapunan ng tibak na Spartan

Imahe
PAYAK NA HAPUNAN NG TIBAK NA SPARTAN sibuyas, kamatis at bawang pinagsama habang tuyong hawot ay ipinirito pa payak na hapunan ng tibak na Spartan na nag-iisa na lang sa abang tahanan nagsaing muna, sunod ay ang paglalaba at naglinis din sa tinahanan ng sinta nagkusot, nagbanlaw, labada'y pinigaan niluto'y hawot pagkagaling sa sampayan simpleng pamumuhay lang kasama ng masa simpleng pagkain lang habang nakikibaka simpleng tulâ lang ang alay sa santinakpan simpleng buhay lang na handog sa sambayanan tara, mga katoto, saluhan n'yo ako sa payak mang hapunan ay magsalo-salo - gregoriovbituinjr. 10.30.2025

Kandilà

Imahe
KANDILÀ nagpakita / ang kandilà / sa palengke nagparamdam / kayâ agad / kong binili tila sinta / sa akin ay / may mensahe h'wag daw akong / sa lansangan / magpagabi taospusong / pasalamat / yaring alay nadama ko / ang pagsinta / niyang tunay may trabaho / o sa bahay / nagninilay tila ngiti / niya'y aking / nasisilay mamaya nga'y / magsisindi / ng kandilà paggunita / sa maagang / pagkawalâ ng asawang / laging nasa / puso't diwà hanggang ngayon / nariritong / nagluluksâ ngayong undas, / pag-alala'y / mahalaga ako'y balo / na't walâ nang / kaparehâ - gregoriovbituinjr. 10 30.2025

Sa pagtulâ

Imahe
SA PAGTULÂ di ko dineklarang bawat araw may tulâ bagamat iyon na ang aking ginagawâ inilalarawan ang samutsaring paksâ saya, rimarim, libog, luha, lupâ, luksâ maralita, kabataan, vendor, obrero kababaihan, batà, magbubukid, tayo pagtulâ na kasi'y pinakapahinga ko mula tambak na gawain, laksang trabaho tulâ ng tulâ, sulat ng sulat ng sulat nagbabakasakaling ang masa'y mamulat kumilos laban sa mga nangungulimbat ng pondo ng bayan, mga korap na bundat ako'y tutulâ ng nasa diwa't damdamin tula'y tulay sa pagtulong sa bayan natin - gregoriovbituinjr. 10.30.2025

Pagkawalâ

Imahe
PAGKAWALÂ ngayong nawalan na / ako ng asawa sinong mag-uulat / na ako'y nawalâ dinukot ninuman / dahil aktibista ika ni Gat Andres, / walâ na ngâ, walâ tuloy pa rin ako / sa bawat pagkilos nang masa'y mamulat / sa prinsipyong yakap upang manggagawà / at kapwa hikahos ay magsikilos na't / makulong ang korap mahahalata mo / pag winalâ ako pag tulang tulay ko'y / di na natunghayan sa umaga't gabi / ng mga katoto oo, tanging tulâ / ang palatandaan may habeas corpus / nang ako'y mahanap o kung di na buhay, / makita ang bangkay bigyan ng marangal / na libing, pangarap  kong tulang kinatha'y / inyo pang matunghay - gregoriovbituinjr. 10.30.2025

Due process

Imahe
DUE PROCESS "At ang hustisya ay para lang sa mayaman..." - mula sa awiting Tatsulok ng Buklod buti ang mayaman, may due process kahit ang ninakaw na'y bilyones pag mahirap, nagnakaw ng mamon dahil anak umiyak sa gutom walang nang due process, agad kulong - gregoriovbituinjr. 10.29.2025 * mapapanood ang pagbigkas ng tula sa kawing na:  https://www.facebook.com/reel/1474105757002674  

Panunuyò at panunuyô

Imahe
PANUNUYÒ AT PANUNUYÔ noon, kasal na kami, patuloy akong nanunuyò ngayon, wala na siya, lalamunan ko'y nanunuyô ganoon ako magmahal, madalas ang panunuyò nagtatrabaho, likod ay madalas ang panunuyô habang siya'y nasa gunita, puso ko't kalooban tandaang kumain ng gulay, bitamina't mineral magdala ng damit pampalit sakaling mapawisan maging malusog upang sa laban ay makatatagal tingni ang kudlit na nilapat sa taas ng salitâ upang mabatid ang tamang bigkas ay ano talaga upang malaman ang kahulugan ng mga katagâ na ang  PANUNUYÒ  at  PANUNUYÔ  nga'y magkaiba suriin, salitang ugat ng panunuyò ay suyò ang salitang ugat naman ng panunuyô ay tuyô madaling maunawaan kahit ka nasisiphayò tulad ng kaibhan sa bigkas ng berdugo at dugô - gregoriovbituinjr. 10.29.2025

Ang babae sa Thrilla in Manila

Imahe
ANG BABAE SA THRILLA IN MANILA kaytagal na ng  Thrilla in Manila nagdaa'y limang dekada na pala kinder ako nang mabalita sila tanda ko pa paglabas ng eskwela binalitang si Ali'y nanalo na ngayong taon, sa  Ali Mall  nakita ang diorama ng labanan nila at sa gitna'y tila may cheerleader pa ang kanyang ngiti'y kahali-halina round girl kayâ ang naturang dalaga? minsan, ginagawa nating masaya ang iba't ibang bagay na nakita labang ito'y inabot kaya niya? o iiling ang dilag na bata pa? na ngiti'y kaakit-akit talaga! - gregoriovbituinjr. 10.29.2025

Buwaya at buwitre

Imahe
BUWAYA AT BUWITRE di ako mapakali sa mga nangyayari buwaya at buwitre pondo ang inatake kawawa ang bayan ko sa mga tusong trapo ninanakaw na'y pondo tayo na'y niloloko sadyang kasumpa-sumpà ang pinaggagagawâ ng mga walanghiyâ kayâ galit ang madlâ  pinagsamantalahan nila ang taumbayan sila pang lingkod bayan yaong mga kawatan pangil nila'y putulin kuko nila'y tanggalin sistema nila'y kitlin kahayupa'y katayin tangi kong masasabi ang punta ko'y sa rali magpoprotesta kami laban sa mga imbi - gregoriovbituinjr. 10.28.2025 * litrato kuha sa baba ng Edsa Shrine, 10.24.2025

Sa bawat pagmu(muning) ginagawa

Imahe
SA BAWAT PAGMU(MUNING) GINAGAWA madalas nagmumuni kasama si Muning pagmu(Muning) madalas gawin, tila himbing nakapikit lang subalit ang diwa'y gising nakatalungkô ngunit di nakagupiling nagmumuni-muning tila nananaginip samutsaring problema't isyu'y nalilirip pangarap ay pag-asang walang kahulillip nang bayang niloloko ng trapo'y masagip mabuti't si Muning, ako'y di nakakalmot habang kalmot ng kalmot ang mga kurakot sa kaban ng bayan, di iyon malilimot ng bayang binabahâ, dapat may managot tulâ ang nililikha pagkat tula'y tulay sa taumbayang talagang di mapalagay kasama ko'y si Muning na alagang tunay nasa bahay matapos sa labas tumambay - gregoriovbituinjr. 10.28.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/reel/2053436362070633

Ang punò at ang dukhâ

Imahe
ANG PUNÒ AT ANG DUKHÂ putulin mo ang punò, may nananahang luluhà paruparo, ibon, inakay na inaarugâ tanggalan mo ng bahay, luluhà ang maralitâ magulang, magkapatid, may tahanang mawawalâ puno'y may ugat, sanga, bunga, dahong malalagô sibakin mo't kalikasan ay tiyak manlulumò bahay ay may ina, ama, anak, pamilyang buô tanggalan mo ng bahay, baka dumanak ang dugô pag nawalâ ang punò, babahain kahit bundok tiyak guguho ang mga lupang magiging gabok pag nawalan ng bahay, di iyon isang pagsubok kundi ginipit ng mga mapaniil at hayok ang punò at ang dukha'y para bagang magkapilas na bahagi ng kalikasang iisa ang landas idemolis mo't may dadanak na dugô at katas kaya dapat asamin natin ay lipunang patas - gregoriovbituinjr. 10.28.2025

Klima at korapsyon

Imahe
KLIMA AT KORAPSYON gusto ko talaga ang panahong di ako nagdadala ng payong kundi sumbrero ang pananggalang sa kainitang nakadadarang ngunit nagbabago na ang klima  ang panahon ay di na matimpla salà sa init, salà sa lamig tag-init ngunit nangangaligkig damang-dama ang katotohanang di pala climate change ang dahilan ng pagbaha kundi ghost flood control bulsa ng kurakot nga'y bumukol naglipana'y buwaya't buwitre pondo ng bayan ang inatake ang krimen nila'y nakamumuhi salbaheng kay-iitim ng budhi kongresong punô ng mandarambong senadong kayraming mangongotong mayaman nating bansa'y naghirap pagkat namumuno'y mga korap  - gregoriovbituinjr. 10.28.2025

Habang lulan ng traysikel

Imahe
HABANG LULAN NG TRAYSIKEL nagninilay / habang lulan / ng traysikel hinahabol / daw ako ng / tatlong anghel ibalik ko / ang hiram na / gintong pitsel papalitan / daw ng isang / gintong pinsel nagkamali / lang daw sila / ng padala dahil ako'y / nagsusulat / pinsel pala katoto ko'y / may natanggap / na lamesa habang isang / kaibigan / ay may silya sa traysikel / may babalang / h'wag umutot 'kako naman / ikulong na / ang kurakot Tongresman man, / senaTONG man, / mga buktot dapat sila'y / di talaga / makalusot  ito'y aking / layon, sadya / kong gagawin ang magsulat / ng totoo't / tuligsain ang gahamang / dinastiya't / mga sakim yaong isip / na tulog pa / ay pukawin - gregoriovbituinjr. 10.27.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/reel/2210334546109737

Pakikinig ng dulâ sa radyo

Imahe
PAKIKINIG NG DULÂ SA RADYO buti't walang telebisyon sa bahay nakasusulat ng mga palagay nakikinig sa radyo, nagninilay kumakatha ng tulang aking tulay pinakikinggan ko'y dulâ sa radyo mula bata hanggang tumanda ako kakayahan ko'y lumagong totoo paano isulat ang naisip ko Simatar, Gabi ng Lagim, Prinsipe Abante, Balintataw, Guniguni nakikinig sa radyo araw-gabi diwa'y nakikiliting di masabi pasasalamat sa radyo talaga ulat ay nababatid kong maaga lalo na sa pakikinig ng drama binubunga'y samutsaring ideya - gregoriovbituinjr. 10.27.2025 * bidyo kuha ng makatang gala mula sa episode ng Dear Love sa Love Radio (90.7 FM) hinggil sa Incubus * mapapanood ang bidyo sa kawing na  https://www.facebook.com/reel/1364254485093922   * Incubus - a male demon in human form in folklore that seeks to have a sexual intercourse with sleeping women (wikipedia)

Nasaan na si Mang Nilo?

Imahe
NASAAN NA SI MANG NILO? kaytagal ko nang binabasa si Mang Nilo sa komiks niyang Bugoy sa isang diyaryo napansin ko na lang nawala ngang totoo ang Bugoy sa Pang-Masa, nalulungkot ako sinesante ba siya sa kanyang patawa? sa ibang diyaryo ba'y lumipat na siya? di makagampan ng trabaho't maysakit na? o namatay na ba ang idolo ng masa? walang balita, saan ka man naroroon nawa'y maayos ang kalagayan mo roon patuloy sa patawa pagkat iyong misyon na pagaanin ang buhay ng masa ngayon salamat, Mang Nilo, at sa komiks mong Bugoy sumaya kami sa likha mong tuloy-tuloy mga patawa mo'y walang paligoy-ligoy na pag aming binasa'y talagang may latoy - gregoriovbituinjr. 10.27.2025 * litrato mulâ sa pahayagang Pang-Masa, p.7, isyu ng Agosto 25, Setyembre 3, Oktubre 5, at Oktubre 25, 2025

Palakad-lakad

Imahe
PALAKAD-LAKAD ay, palakad-lakad pa rin ako parang Samwel Bilibit na Hudyo o sa Ingles ay The Wandering Jew ngunit ako'y maka-Palestino kayraming isyu ang nakikita sa rali'y lumalahok tuwina ang sigaw ng madla'y nadarama kurakutan, sobra na, tama na! tuloy-tuloy lang sa paglalakad lipunang makatao ang hangad at ang tatsulok ay mabaligtad lalo't karukhaa'y nakatambad maraming nakasulat sa pader na panawagan sa nasa poder sobra na, tama na ang pag-marder sa demokrasya ng mga Hit-ler! "Sahod Itaas! Presyo Ibaba!" "Ikulong ang Kurakot sa bansa!" "Panagutin ang mga Kuhila!" sigaw na huwag ibalewala - gregoriovbituinjr. 10.26.2025 * litrato kuha sa Commonwealth Ave., Lungsod Quezon, Oktubre 15, 2025

Ginisang sardinas na may malunggay

Imahe
GINISANG SARDINAS NA MAY MALUNGGAY may dalawang sanga ng malunggay at may isang lata ng sardinas tiyak na namang ako'y didighay muling gaganahan at lalakas may kamatis, bawang at sibuyas nilagay ang kawali sa kalan sabaw ay unab o hugas-bigas kalan ay akin nang sinindihan nilagyan ng kaunting mantikà sibuyas at bawang na'y ginisa pati kamatis at sardinas ngâ unab, malunggay, pinaghalo na tara, katoto, saluhan ako tiyak, masasarapan ka rito - gregoriovbituinjr. 10.26.2025

Sa kagubatan ng kalunsuran

Imahe
SA KAGUBATAN NG KURAKUTAN minsan, daga'y nagtanong sa leyon: "Ano pong suliranin n'yo ngayon baka lang po ako'y makatulong buti't niligtas n'yo ako noon sa buwaya, di ako nilamon." anang leyon sa dagang lagalag: "Kagubatan natin ay madawag proyekto ng tao rito'y hungkag parang flood control, di ka panatag pondo'y ninakaw, batas nilabag." "Anong panglaw ng kinabukasan ng bayang tigib ng kurakutan animo'y tinik sa kagubatan iyang korapsyon sa kalunsuran umuusok hanggang kalangitan" "Parang ahas sa gubat na ito kayraming buwaya sa Senado kayraming buwitre sa Kongreso nabundat ang dinastiya't trapo kawawa ang karaniwang tao." napatango na lamang ang dagâ ngayon ay kanya nang naunawà kung bakit kayraming mga dukhâ sa lungsod niyang tinitingalâ pasya n'ya'y manatili sa lunggâ - gregoriovbituinjr. 10.26.2025

Tanong: Magnanakaw; Sagot: Senador?

Imahe
TANONG: MAGNANAKAW; SAGOT: SENADOR? Tanong - Apat Pababa: Magnanakaw pitong titik ang KAWATAN, SENADOR anong sagot kayang tamang ilagay? di naman pitong titik ang KONTRAKTOR sa tindi ng garapalan sa badyet pinatindi ng isyung ghost flood control sagot dito'y maaaring masakit ngunit bayan ay baka di tututol magagalit ba ang mga senador? sa aking sagot sa palaisipan? o ang ituturo nila'y kontraktor? sadyang kaysakit ng katotohanang: di climate change ang dahilan ng bahâ kundi kabang bayan ay kinurakot ng mga trapong binoto ng madlâ mga kawatang dapat lang managot sa pondo ng flood control, sila'y paldo Senador Kawatan, bundat na bundat pati mga buwaya sa Kongreso dapat mandarambong makulong lahat - gregoriovbituinjr. 10.25.2025 * krosword mula sa Abante Tonite, Oktubre 25, 2025, p.7

Itlog at okra sa inin-in

Imahe
ITLOG AT OKRA SA ININ-IN bago tuluyang main-in ang kanin isinapaw ko ang apat na okra at naglagay ng puwang sa inin-in upang doon itlog ay lutuin pa ang kawali'y di na kinailangan upang mapagprituhan nitong itlog okra'y in-in na ang pinaglagaan sa hapunan ay kaysarap na handog anong laking tipid pa sa hugasin isapaw lang, aba'y ayos na ito sa buhay na payak, may uulamin pag sikmura'y kumalam na totoo mga katoto, tarang maghapunan ulam sana'y inyong pagpasensyahan - gregoriovbituinjr. 10.25.2025

Ikulong na 'yang mga kurakot!

Imahe
IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT! sigaw ng masa'y di malilimot: "Ikulong na 'yang mga kurakot!" na kaban ng bayan ang hinuthot ng buwaya't buwitreng balakyot sa masa'y dapat silang matakot galit na ang masa sa kurakot katarungan sana'y di maudlot kurakot sana'y di makalusot kaylaking sala ng mga buktot na lingkod bayang dapat managot hustisya'y kanilang binaluktot dapat talagang may mapanagot TONGresista't senaTONG na buktot silang mga naglagay ng ipot sa ulo ng bayan na binalot ng lagim nilang katakot-takot kahayupang sa dibdib kaykirot na gawa ng trapong mapag-imbot paano ba natin malalagot ang sistemang bulok at baluktot parusahan ang lahat ng sangkot ikulong silang mga balakyot parusahan ang lahat ng buktot IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT! - gregoriovbituinjr. 10.25.2025

Thermopylae - sa tarangkahan ng apoy

Imahe
THERMOPYLAE - SA TARANGKAHAN NG APOY noon, nakipagdigmaan kami sa tarangkahan ng apoy, sabi nila'y iyon daw ang Thermopylae doon buhay nami'y nakaugnay kabilang ako sa tatlong daang mandirigmang tawag ay Spartan sa matinding labanan bumagsak upang pasibulin ang pinitak sa lupaing ayaw na isukò sa kaaway, dumanak ma'y dugô lumaban at hinawan ang landas tungò sa isang malayang bukas kami ang mandirigma ng apoy muling lalaban kaysa managhoy para sa kapakanan ng lahi para sa kagalingan ng uri sa makabago mang Thermopylae Eurytus akong lalabang tunay upang palayain itong bayan sa mapagsamantalang iilan - gregoriovbituinjr. 10.25.2025 * mapa ng Thermopylae mula sa google

Namili sa palengke

Imahe
NAMILI SA PALENGKE kaunti lang ang pinamili ko sa kalapit na palengke kahit gaano pa ka-busy ay namalengke ang makatâ payak lang ang inihahandâ mas mahalaga'y ang pagkathâ kaya meron nang ilulutò nariya'y santumpok na tuyô sibuyas, kamatis, nagtahô sa daan, sa init kumanlong tatlong taling okra, may talong na santumpok, at sampung itlog pakiramdam ko'y anong saya at mamaya'y magluluto na matapos maligo't maglaba - gregoriovbituinjr. 10.25.2025

Pandesal, salabat at malunggay tea

Imahe
PANDESAL, SALABAT AT MALUNGGAY TEA payak lamang ang aking inalmusal malunggay tea, salabat at pandesal sa iwing resistensya'y pampatagal sa takbuhan, di ka agad hihingal ngunit mamaya, mahabang lakaran tungo sa mahalagang dadaluhan dapat may pampalakas ng katawan at pampatibay ng puso't isipan anupa't kaysarap magmuni-muni pag nag-almusal, nagiging maliksi ang kilos, susulat pang araw-gabi ng akdang sa diwa'y di maiwaksi tarang mag-almusal, mga katoto pagpasensyahan lang kung konti ito - gregoriovbituinjr. 10.25.2025

Tulâ na lang ang mayroon ako

Imahe
TULÂ NA LANG ANG MAYROON AKO tulâ na lang ang mayroon ako hayaan n'yong iambag ko ito para sa maralita't obrero para sa buti ng bansa't mundo huwag sanang hayaang mawalâ ang aking kakayahang kumathâ ang pagiging makatâ ng dukhâ ang pag-ibig ko sa mutya't tulâ ang mayroon ako'y tulâ na lang hayaang masa ang makinabang na parang mga tanim sa parang na parang tanghalian sa dulang tulâ mang sa plakard isinulat upang maraming masa'y mamulat taos akong nagpapasalamat sa mga tumangkilik, sa lahat - gregoriovbituinjr. 10.24.2025 * litrato kuha sa Edsa Shrine, 10.24.2025

Ngayong Black Friday Protest

Imahe
NGAYONG BLACK FRIDAY PROTEST salamat sa lahat ng mga nakiisa sa pagkilos kahit ako lamang mag-isa may nakausap nga ako't ako'y ginisa ngunit di natinag sa kanyang pang-iisa ganyan kaming mga aktibistang Spartan minsan, solong diskarte lang ang may katawan mahalaga, misyon ay isakatuparan tulad ng Black Friday Protest kanina lamang mabuhay kayong lahat, O, mga kasama magpatuloy pa tayo sa pakikibaka at ating baguhin ang bulok na sistema nang kamtin ng bayan ang asam na hustisya - gregoriovbituinjr. 10.24.2025 * litrato kuha sa harap ng NHA, 10.24.2025

Ang plakard na patulâ

Imahe
ANG PLAKARD NA PATULÂ patula ang plakard ng makatâ na sa rali bibitbiting sadyâ pagsingil sa korap at kuhilà narito't basahin ang talatà: Oktubre'y matatapos nang ganap Wala pang nakukulong na korap Trapong kurakot at mapagpanggap Sa bayan ay talagang pahirap - gregorivbituinjr. 10.24.2025 * talata - kahulugan din ay saknong pag tulâ

Inumin ng tibak na Spartan

Imahe
INUMIN NG TIBAK NA SPARTAN tsaang bawang, luya at malunggay ang kadalasan kong tinatagay layon kong katawan ay tumibay kalamnan ay palakasing tunay lalo't araw-gabing nagninilay nagsusulat ng kwento't sanaysay titingala sa punong malabay sa buhawi'y di nagpapatangay kailangan sa mahabang lakbay ay mga tuhod na matitibay uminom ng katamtamang tagay hanggang isipan ay mapalagay pag pakiramdam mo'y nananamlay inom agad ng tsaang malunggay luya't bawang na nakabubuhay aba'y agad sisigla kang tunay - gregoriovbituinjr. 10.23.2025

Payabat at Arô

Imahe
PAYABAT AT ARÔ sa Anim Pababâ:  Pangingitlog ng isdâ at sa Labing-isa Pahalang:  Munting bilog ay, di ko batid ang gayong mga salitâ tila baga kaylalim ng pananagalog sinagot agad ang Pahalang at Pababâ  hanggang lumabas na kung anong tamang tugon PAYABAT pala ang pangingitlog ng isdâ at ARÔ ang maliit na bilog na iyon dagdag kaalaman sa wikang Filipino na dapat kong itaguyod bilang makatâ na nais kong ibahagi kahit kanino upang mapaunlad pa ang sariling wikà maraming salamat sa  PAYABAT  at  ARÔ mga katagang kay-ilap na tila gintô - gregoriovbituinjr. 10.23.2025 * krosword mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Oktubre 23, 2025, p 10 * Payabat in English: Definition of the Tagalog word payabat  https://www.tagalog.com/dictionary/payabat      

Sa bayan ng mga kurakot

Imahe
SA BAYAN NG MGA KURAKOT nakilala ang bayan ng mga kurakot dahil sa buwaya't buwitreng nanunulot ng proyektong flood control na katakot-takot ang bilyones na perang kanilang nahuthot mga bata'y di makapasok sa eskwela dahil dadaanan nila'y bahâ talaga bahâ paglabas pa lang ng tahanan nila bahâ pagpasok pa sa trabaho ni ama ano nang nangyari sa proyektong flood control na sana'y di binabahâ ang mga pipol di sa flood control, sa pansarili ginugol kabang bayan ay dinambong ng mga ulol ang kakapal ng mukhâ ng mga kurakot nagpayaman sa pwesto, kaban ay hinuthot sa bilyones na ninakaw sila'y managot dapat silang makulong at di makalusot nagbabahâ pa rin sa maraming probinsya at kalunsuran dahil sa ginawa nila proyektong bilyon-bilyon ay naging bulâ na sinagpang ng walang kabusugan talaga napakinggan ng bayan ang mga kontrakTONG sa harap ng TONGresista't mga senaTONG inamin nilang sa badyet ay may insersyon sigaw ng bayan: lahat ng sangkot, IKULONG! - gregoriovbituinjr....

Lakbay-nilay

Imahe
LAKBAY-NILAY maglalakad ba o sasakay sa malayo-layo ring lakbay aba'y di na sila nasanay na ehersisyo'y aking pakay subalit kapag sasakay ka may barya ka ba sa umaga? o buô pa ang iyong pera kung di masuklian, pa'no na? destinasyo'y nakasasabik pagkat may ugnay sa panitik lalo't literatura'y hitik sa gunam, libog, libag, barik tumulâ, tumukâ, tumudlâ kwaderno't pluma'y laging handâ daanan man tayo ng sigwâ ay makasusulat ng tulâ - gregoriovbituinjr. 10.23.2025

Minimum Wage sa mambabatas, Living Wage sa manggagawa

Imahe
MINIMUM WAGE SA MAMBABATAS, LIVING WAGE SA MANGGAGAWA saludo kina  Eli San Fernando  at  Renee Co sa panawagang minimum wage na sa solon sweldo tunay silang lingkod bayan ng karaniwang tao sa kanila'y nagpupugay akong taaskamao! kayang mabuhay sa minimum wage ng mambabatas kahit sa kongreso't senado, bangko'y binubutas ngunit magsisipag kayâ ang trapong talipandas? na gawin ay batas na para sa lahat ay patas? kayang mabuhay sa minimum wage ng kongresista tongpats o insersyon sa badyet ba'y mawawala na? o kailangan talagang baguhin ang sistema? nang mawala na ang pulitikal na dinastiya! ngunit di sapat ang minimum wage sa manggagawà lalo't buhayin ang mundo ang tungkuling dakilà silang gulugod ng ekonomya ng bawat bansâ ngunit sila pang manggagawà ang nagdaralitâ kayâ sigaw ng manggagawà ay  SAHOD ITAAS! ay di pa dahil wala sa minimum wage ang sahod kundi mas mataas sa minimum wage ay maabot kayâ  LIVING WAGE  ang sinisigaw nilang madalas iyang  LIVING ...

Salamat, Bianca, sa iyong pag-alala

Imahe
SALAMAT, BIANCA, SA IYONG PAG-ALALA salamat,  Bianca Umali , sa concern mo doon sa NAIA sa laksang pasahero  na nakita mong nakaupo lang sa sahig gayong sementong iyon ay sadyang kaylamig anya, sana'y may pansamantalang upuan para sa nanay, lola't batang kababayan tagos sa buto ko ang kanyang pakiusap na sana namamahala'y gawin nang ganap nakapagtatakang di iyon naiisip ng namamahala, di ba nila nalirip kung saan uupo ang mga bibiyahe sana sila'y di manatiling bulag, bingi silya't gamit ay pansamantalang inalis upang konstruksyon daw ng NAIA'y bumilis subalit nasa sahig, naghihintay ng flight ang mga pasahero't ganyan ang naging plight salamat,  Bianca , sa iyong malasakit at karapatang pantao'y iyong giniit pakiusap na sa gitna ng pagbabago dapat di profit ang tingin sa pasahero - gregoriovbituinjr. 10.22.2025 * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa at Pilipino Star Ngayon, Oktubre 21, 2025

Inuming malunggay

Imahe
INUMING MALUNGGAY sampung pisong malunggay ang binili kong tunay sa palengkeng malapit barya man ay maliit nilagay ko sa baso at binantuan ito ng mainit na tubig na panlaban sa lamig layunin ko'y lumakas ang kalamna't tumigas bisig na matipunô at sakit ay maglahò sa malunggay, salamat dama'y di na mabigat ang loob ko'y gumaan pati puso't isipan - gregoriovbituinjr. 10.22.2025

Aga, iga, ugâ

Imahe
AGA, IGA, UGÂ ilang lindol na ba ang nagdaan? ilang lungsod na ba ang binahâ? ilang senaTONG na ang kawatan? ilang flood control ang di nagawâ? dapat kay-aga nating mabatid anumang sakunang paparating anumang mangyari sa paligid dahil may instrumentong magaling kailan ba baha'y maiiga? kung maayos na ba ang flood control? pag-uga'y dapat paghandaan na ay, dapat makaiwas sa lindol tayo'y marapat magtulong-tulong pag matinding pag-uga'y dumatal paghandaan saan magkakanlong paghahanda'y sa diwa ikintal - gregoriovbituinjr. 10.21.2025

Sa hagupit ng kalikasan at pulitiko

Imahe
SA HAGUPIT NG KALIKASAN AT PULITIKO tumitindi ang hagupit ng kalikasan at pulitikong binoto ngunit kawatan sa baha't lindol, mag-ingat ang taumbayan trapong kawatan na'y dakpin at parusahan sa kalikasan, masa'y may adaptasyon pa at mitigasyon ngunit ingat din talaga maghanda sa mangyayari't mananalasa lindol at pagbaha'y paghandaan ng masa ang kinupitang ghost flood control na proyekto buwis ng bayan ang kinawat na totoo aba'y sabay-sabay nilang dinedelubyo ang bansang Pilipinas, aray ko! aray ko! di lamang basta milyon, kundi bilyon-bilyon ang nakaw ng mga buwayang mandarambong ng mga TONGtraktor, TONGresista't senaTONG kawatang dapat nang managot at makulong! ay, sadyang kaylupit ng kanilang hagupit dapat lang ang bayan ay talagang magalit ibagsak silang sa kabang bayan nangupit at tiyakin ding di sila makapupuslit - gregoriovbituinjr. 10.21.2025