Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Abril, 2025

Dalubkatawan pala'y anatomiya

Imahe
DALUBKATAWAN PALA'Y ANATOMIYA bagong kaalaman, bagong salita para sa akin kahit ito'y luma na krosword ang pinanggalingang sadya tanong sa Una Pahalang pa lang nga Dalubkatawan , ano nga ba iyan? Anatomiya  pala'y kasagutan sa sariling wika'y katumbas niyan at gamit din sa medisina't agham na sa pagtula'y magagamit natin pati na sa gawaing pagsasalin laksang salita ma'y sasaliksikin upang sariling wika'y paunlarin salitang ganito'y ipalaganap di lang sa agham, kundi pangungusap sa anumang paksang naaapuhap sa panitikan ma'y gamiting ganap - gregoriovbituinjr. 04.29.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Abril 28, 2025

Pag di na ako nakatula

Imahe
PAG DI NA AKO NAKATULA sabi ko sa kanila, pag ako'y di na tumulâ mag-alala na't baka may nangyari sa makatâ baka ako'y naospital, patay na, o nawalâ lalo't adhika ko, bawat araw may tulang kathâ ngunit sino ba naman ang nagbabasa sa akin? may pakialam ba sila sa tula ko't gawain? madali lang naman nila akong balewalain makatang laging tulala, na di dapat pansinin nais ko lang sa manggagawa't bayan ay mag-ambag ng kakayahan kong inaalay nang buong tatag lalo na't bawat tula'y tulay sa pagpapahayag upang bako-bakong daan ay tuluyang mapatag maraming salamat sa lahat, maraming salamat habang itinutula ko anumang madalumat - gregoriovbituinjr. 04.28.2025

Asukal na ama

Imahe
ASUKAL NA AMA  ang tanong sa Dalawa Pababa ay  Sugar Daddy , ano nga kaya? Asukal na Ama  ba'y sagot ko? sapagkat tinagalog lang ito lahat muna'y aking sinagutan mga tanong Pababa't Pahalang at sa kalaliman ay nahugot ang di agad natingkalang sagot at di pala  Asukal na Ama kaytamis mang ngiti ng dalaga Palabigasan  ang Sugar Daddy huthutan ng pera ng babae parehong labing-isa ang titik nasagot gaano man katarik sa diwa ang metaporang iyon sa palaisipang mapanghamon - gregoriovbituinjr. 04.27.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Abante, Abril 25, 2025, p.7

Umuwi muna sa bahay

UMUWI MUNA SA BAHAY Sabado, umuwi muna ako sa bahay mula ospital, nang dito magpahingalay naiwan ang dalawang pamangkin ni Libay pati kanyang hipag na sa dalawa'y nanay lumipas ang mahigit na dalawang linggo ngayon lang umuwi sa bahay naming ito agad nagwalis ng sala, kusina't kwarto nagsaing, nagluto, naglaba na rin dito sa umaga balak bumalik ng ospital marahil, matapos kumain ng almusal upang tupdin ang tungkulin sa minamahal kung saan nakaratay na roong kaytagal kailangan din nating magpahingang sadya babangon muli upang loob ay ihanda at sa aming kama'y muli akong nahiga mata'y pinikit nang may inaalagata - gregoriovbituinjr. 04.19.2025

Aparato

Imahe
APARATO dapat ay matuto rin tayong basahin yaong aparato at mabatid kung anu-anong kahulugan ng linya rito mahalaga ang pagmonitor sa pasyente, anong blood pressure, respiration rate, temperature, heart rate, at iba't ibang sensor lalo't si misis naospital kayrami ring dapat maaral lalo't dito pa'y magtatagal habang ako'y natitigagal dapat kong lakasan ang loob ang dibdib ma'y saklot ng takot pag-ibig sa sinta'y marubdob  sana'y paggaling ay maabot - gregoriovbituinjr. 04.18.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/162x48EEmw/  

Ako'y nauuhaw

Imahe
AKO'Y NAUUHAW "Ako'y nauuhaw!"  sabi ni Hesus habang nakabayubay siya sa krus pangungusap na inalalang lubos nang Semana Santa ay idinaos "Ako'y nauuhaw!"  ang pahiwatig ni misis, habang siya'y nasa banig ng karamdaman, akong umiibig pinainom agad siya ng tubig - gregoriovbituinjr. 04.18.2025

Walang pag-aari

Imahe
WALANG PAG-AARI pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan at isa iyang katotohanang matutuklasan pag pinag-aralan ang ekonomya at lipunan katotohanang dapat tumagos sa sambayanan subalit di iyan tinatanggap ng mga sakim sa kapangyarihan at ng may budhing maiitim tulad ng trapo't kapitalistang dulot ay lagim kasamaan at kadilimang karima-rimarim bago pa si Marx ay mayroon nang Marcus Aurelius noong unang panahon ay batid na nilang lubos pribadong pag-aari'y sanhi ng pambubusabos at pagyurak ng dangal ng mga dukha't hikahos halina't katotohanang ito'y ipalaganap baguhin na ang sistema nang malutas ang hirap magagawa kung patuloy tayong magsusumikap upang ating kamtin ang ginhawang pinapangarap - gregoriovbituinjr. 04.17.2025

Bata, batay, bantay

BATA, BATAY, BANTAY bata pa ako'y napag-aralan sinong bayani't kabayanihan kung saan kanilang pinaglaban ang paglaya mula sa dayuhan batay sa kasaysayan ng lahi na kayraming bayaning nasawi na paglaya ng bayan ang mithi kalayaang dapat ipagwagi kaya bantayan natin ang bansa laban sa mga tuso't kuhila tiyaking madla'y maging malaya laban sa anumang pagbabanta patuloy ang pagpapakasakit sa masang ang buhay ay winaglit patuloy tayong magmalasakit upang ginhawa'y ating makamit - gregoriovbituinjr. 04.16.2025

Nebulizer

NEBULIZER animo'y ritwal ng pagpapausok ang nebulizer sa bibig at ilong sa paghinga'y pampaluwag ng daloy at mapaunti ang plema sa loob mula lima hanggang pitong minuto subalit minsan pag may halong gamot abot ng labindalawang minuto tanong ko sa nars ay agad sinagot may side effect daw ito: heart rate increase subalit ito'y ilang saglit lamang ngunit nebulizer ay dapat gawin  kada anim na oras yaong ritwal animo'y insenso subalit hindi kundi siya'y mapalakas ang mithi paggaling niya'y samo kong masidhi labang ito sana'y maipagwagi - gregoriovbituinjr. 04.16.2025

Pagbili ng gamot sa parmasiya

Imahe
PAGBILI NG GAMOT SA PARMASIYA madaling araw, may gamot na namang binili sa pharmacy ng ospital araw-gabi, maghahanap ng pera upang may magastos pag kailangan upang tuluyang gumaling si misis  na naoperahan kamakailan sa ulo't tiyan, abot hanggang langit  samo kong gumaling siyang tuluyan mahal ko, naririto lagi ako upang pangalagaan kang totoo gagawin ko lahat para sa iyo ngunit sana'y dinggin ang aking samo na sa karamdaman mo'y makaligtas at sa problemang ito'y makaalpas - gregoriovbituinjr. 04.16.2025

Bastos na kandidato sia

Imahe
BASTOS NA KANDIDATO SIA may bastos na kandidato na ngayon ay tumatakbo na vlogger ang sinisisi imbes na kanyang sarili binastos ang solo parent na nais na makasiping tila para siyang praning eh, abogado pa man din parang may toyo sa utak nang-aapi't nanghahamak di batid ang Safe Space Act dapat kasuhan ang tunggak sino siya? Ian Sia? iyan siya, bastos siya! di dapat iboto Sia ng mamamayan, ng masa - gregoriovbituinjr. 04.15.2025 * litrato mula sa Philippine Star, Abril 14, 2025, p.C2

Pagdalaw sa puntod

Imahe
PAGDALAW SA PUNTOD dinalaw ko ang puntod ni Ama sa petsang unang anibersaryo ng kamatayan, kaya pamilya ay nagsitungo sa sementaryo matapos ang padasal, kainan at nagsindi roon ng kandila habang inaalaala naman ang sa pamilya'y kanyang nagawa maraming salamat sa iyo, Dad sa pagpapalaki mo sa amin at mabuhay kaming may dignidad sinumang yuyurak, pipigilin sa babang luksa, ako'y naroon tahimik, panatag, mahinahon - gregoriovbituinjr. 04.12.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1C6oe2GsHG/  

Babang luksa

Imahe
BABANG LUKSA ngayon ang unang anibersaryo ng kamatayan ng aking ama kaya bumiyahe muna ako sakay ng bus papuntang probinsya babang luksa raw ang tawag doon pupuntahan ko na rin si Inay at mga kapatid na naroon at kung saan si Ama nahimlay habang pansamantalang iniwan ko muna si misis sa ospital matapos ang babang luksa naman sa probinsya'y di na magtatagal sapagkat agad akong luluwas nang madalaw sa gabi si misis asam kong siya'y maging malakas at ang paggaling niya'y bumilis - gregoriovbituinjr. 04.12.2025

Lugmok

Imahe
LUGMOK paano nga bang sa patalim ay kakapit kung nararanasa'y matinding pagkagipit lalo't sa ospital, si misis ay maysakit presyo ng babayaran ay nakagagalit di sapat ang mamalimos lang sa Quiapo maliitan lang, barya-barya lang, nakupo wala namang kasamang nagnais magpayo gayong alam nilang ako'y natutuliro paano kung tibak ay gumawa ng krimen halimbawa, kidnap-for-ransom, patay ka rin paano kung malaking bangko'y titirahin upang ospital lang ay mabayaran man din aba'y nagpultaym kasi ako ng maaga iniwan ang kolehiyo tungong kalsada sa ospital, walang pambayad, walang pera buti pa yata ako'y magpatiwakal na subalit hindi, paano mababayaran ang ospital, si misis ko'y kawawa naman nais ko lang ay gumaling siyang tuluyan ano nang gagawin, di ako mapayuhan - gregoriovbituinjr. 04.11.2025

Pagpupugay, Chess National Master Racasa

Imahe
PAGPUPUGAY, CHESS NATIONAL MASTER RACASA pagpupugay,  Antonella Berthe Racasa Woman National Master, Arena FIDE Master na kampyon sa paligsahang tinaguriang Battle of the Calendrical Savants Tournament "Calendrical"  o ang  "system for recording time" "Savant"  o  "a very learned or talented person" kumbaga'y labanan ng mga magagaling at mabibilis na mag-isip sa larong chess labingwalong taong gulang na manlalaro na kinabukasan sa chess ay mahahango bawat usad ng pyesa'y may dalang pangako napakahusay pagkat nagkampyon sa buo muli, saludo sa ipinakitang husay na magagaling ang mga atletang Pinay maging Judit Polgar , at muling magtagumpay at sa buong mundo ay maging kampyong tunay - gregoriovbituinjr. 04.11.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 10, 2025, p.12

Pinainom si alaga

Imahe
PINAINOM SI ALAGA bago umalis sa tahanan at tumungo sa pupuntahan ay akin munang pinainom si alagang uhaw na uhaw at sabay din kaming kumain sa akin ang tiyan ng isda sa kanya ang ulo't iba pa na ginagawa sa tuwina sa bahay siya tumatambay sa tahanan ay nagbabantay laban sa dagang sasalakay sadyang alaga siyang tunay madalas ako'y may bitbit na kay alaga kapag umuwi sabay na kakain talaga may bigay ako kahit munti - gregoriovbituinjr. 04.11.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1BdeeK3Vr2/  

Di nakadalaw ngayong gabi

DI NAKADALAW NGAYONG GABI ngayon lamang ako nag-absent sa pagdalaw kay misis sa ospital, dahil ang kandado  sa bahay ay na-lost thread, papunta na sana sa ospital kaninang hapon, alas-singko alas-sais hanggang alas-otso ng gabi ang visiting hours, wala pa rin si Regine kasama ni misis sa bahay at trabaho mabuti't tinawagan ako ng doktora mula sa infectious disease, na may nakita silang dalawang klaseng bakterya sa tiyan ngalan daw ng isang bakterya ay icolai nagbigay silang antibiotic kay  Libay salamat at talagang inaasikaso ang asawa kong dapat magpakatatag pa dumating si Regine bandang alas-siyete at ako'y umalis, pumunta sa palengke hardware ay sarado na, alas-singko pa lang at nag-ikot pa rin ako, walang mabilhan ng susi't kandado para sa tarangkahan mahal ko, sori, at di kita napuntahan - gregoriovbituinjr. 04.10.2025

Pagdalaw kay Libay

PAGDALAW KAY LIBAY tatlo kaming madalas dumalaw kay  Libay ako, ang kaibigan niya, at si bayaw kaming tatlo'y talagang malapit na tunay at sadyang nagtutulungan sa gabi't araw isinugod sa ospital nang siya'y ma-istrok dinala sa mga may alam sa history ng kanyang sakit, ito'y malaking pagsubok kaya madalas ay di ako mapakali naoperahan na siya sa ulo't tiyan ay, anong titindi nga ng tumamang sakit "magpagaling ka!"  sa kanya'y bulong ko naman "magpalakas ka!"  sa kanya'y lagi kong sambit pag visiting hours, kami'y bumibisita umaga'y sang-oras, gabi'y dalawang oras habang iniisip saan kami kukuha ng kaperahan, na pinaplanong madalas mga kaibigan ni  Libay  nagnanais siyang dalawin, ang tangi ko lamang bilin sa visiting hours makikita si misis ang asam ko'y tuluyan na siyang gumaling - gregoriovbituinjr. 04.10.2025

Pagpisil sa kamay

Imahe
muli, nasa ospital ako upang kay misis ay dumalaw siya'y muling tinitigan ko hinawakan ang kanyang kamay pinisil ang mga daliri kamay ko'y pinisil din niya tila pangarap niya't mithi na kami'y muling magkasama siya'y aking sinasabihan nang sa loob ko'y bumubukal: "pagaling ka! kaya mo iyan! magpalakas ka, aking mahal!" visiting hours na'y natapos kaya ako na'y nagpaalam babalikan ko siyang lubos na pagsinta'y di mapaparam - gregoriovbituinjr. 04.10.2025

Pagsulyap

nandito akong muli sa ospital  dinadalaw siya pag visiting hours at tinitigan ko na naman siya ngunit di muna ako nagpakita kagabi, nang siya na'y magkamalay kinausap ko, nagpilit gumalaw luha'y pumatak at nais yumakap buti't nasalo, buti't di bumagsak buti't siya'y agad kong naagapan kaya ngayon ay nakatitig lamang operasyon niya sa ulo't tiyan kahapon ng hapon katatapos lang ayoko muna siyang abalahin dapat muna siyang pagpahingahin ilang araw muna'y palilipasin pag handa na, saka siya dalawin - gregoriovbituinjr. 04.09.2025

Pag-ambag ng dugo

Imahe
PAG-AMBAG NG DUGO nasalinan siya ng dugo ng Oktubre nang maospital si misis hanggang Disyembre ngayong Abril, nasa ospital muli kami muling sinalinan ng dugo si Liberty di na niya maigalaw ang paa't kamay nakailang bag na rin ng dugo si Libay lalo't hemoglobin niya'y kaybabang tunay kaya naisip ko ring dugo'y makapagbigay nang minsang makita ko ang Philippine Red Cross sa isang mall ay nag-ambag na akong lubos dugo ko'y binigay para sa mga kapos five hundred CC lang, di naman mauubos ang dugo kong B na dumaloy sa katawan na nais kong iambag para sa sinuman isang bag man lang sa loob ng tatlong buwan nang may maitulong sa nangangailangan panata ko na ngayong dugo ko'y iambag upang sa pasyente'y may dugong maidagdag upang may kailangan nito'y mapanatag  tulad ni misis na sana'y magpakatatag - gregoriovbituinjr. 04.09.2025 * kinatha sa Araw ng Kagitingan, Abril 9, 2025 * litratong kuha noong Marso 6, 2025

Tatlong Grade 12, nanggahasa ng Grade 11

Imahe
TATLONG GRADE 12, NANGGAHASA NG GRADE 11 krimen itong anong tindi dahil ang tatlong kaklase ang humalay sa babae sadyang napakasalbahe pagkatao na'y winaksi nakipag-inuman pala at nalasing ang biktima saka ginahasa siya nang magmadaling araw na payo sa kadalagahan huwag makipag-inuman sa mga kalalakihan kung puri'y mabubuyangyang nang dahil sa kalasingan sa puri niya'y nasabik ang tatlong kaklaseng suspek buti't sila na'y nadakip at ngayon ay nakapiit - gregoriovbituinjr. 04.09.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 9, 2025, Araw ng Kagitingan

Bastos na pulitiko, huwag iboto

Imahe
BASTOS NA PULITIKO, HUWAG IBOTO bastos na pulitiko  na walang pagkatao huwag SIA iboto di dapat ipanalo ang tulad niyang bastos sa etika ay kapos ay dapat kinakalos nang di tularang lubos tila ba puso'y halang sapagkat walang galang nasa puso't isipan ay pawang kalaswaan ang mga trapong ulol na ugali'y masahol ay dapat pinupukol ng bato ng pagtutol ang tulad niya'y praning  na mababa ang tingin sa mga solo parent abogadong libugin akala'y macho siya ay wala palang kwenta ang pagkatao niya lalo't bastos talaga - gregoriovbituinjr. 04.09.2025 * sinulat sa Araw ng Kagitingan, Abril 9, 2025 * editoryal mula sa Bulgar, Abril 8, 2025. p.3

Biktima'y dalawang bata

Imahe
BIKTIMA'Y DALAWANG BATA sa magkaibang balita biktima'y dalawang bata imbes na kinakalinga ay ginawan ng masama edad dalawa, pinaslang ng stepdad, puso'y halang edad apat pa'y pinaslang mga kawawang nilalang nangyari'y bakit ganito pinaslang silang totoo ng mga hangal sa mundo mental health problem ba ito bata'y sa bugbog namatay aba'y sinaksak pang tunay isa'y ginulpi't kinagat ganito'y di madalumat Mental Health Act  ba'y ano na? may nagawa ba talaga? nasabi ko lang:  HUSTISYA para sa mga biktima! - gregoriovbituinjr. 04.07.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 6, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 * Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Tangi kong asam

Imahe
TANGI KONG ASAM tinitigan kita nang matagal habang nakaratay sa ospital hanggang ngayon ay natitigagal loob ko'y di mapanatag, mahal nakatitig sa iyong paghimbing inaasam ko't tangi kong hiling ay ang iyong agarang paggaling upang kita'y muling makapiling hinawakan ko ang iyong kamay di mahigpit kundi malumanay narito lang ako't nakabantay bagamat di pa rin mapalagay sana'y mapakinggan yaring samo na muli ay magkasama tayo hiling ko'y gumaling kang totoo at mabigyang lunas ang sakit mo - gregoriovbituinjr. 04.07.2025

Dalawang aklat na pumapaksa sa kalusugan

Imahe
DALAWANG AKLAT NA PUMAPAKSA SA KALUSUGAN Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Pagkagaling ko sa ospital kanina nang dinalaw ko si misis na nakaratay sa banig ng karamdaman, ako'y lumisan doon bandang tanghaliang tapat. Mula sa ospital ay sumakay na ako ng dyip puntang Gateway sa Cubao. Naglakad hanggang makarating sa Book Sale sa gilid ng Fiesta Carnival. Pumasok ako doon at agad na bumungad sa akin ang aklat na  "40 Days of Hope for Healthcare Heroes"  ni Amy K. Sorrells, BSN, RN. Ang RN ay registered nurse. Naintriga ako sa mga salitang  "Healthcare Heroes"  lalo na't nasa ospital si misis na pinangangalagaan ng mga doktor at nars. Isa pang aklat ang nakatawag pansin sa akin dahil sa nakasulat na  A. Molotkov Poems , at agad isinama ko sa binili dahil bilang makata, nais kong basahin ang mga tula ng di ko kilalang awtor. Pag-uwi ko na sa bahay, saka ko na napansin ang pamagat,  "Future Symptoms".  Batid kong ang salitang symptoms a...

Walang iwanan, O, aking sinta

Imahe
WALANG IWANAN, O, AKING SINTA ilang ulit na tayong naharap sa anong tinding dagok ng palad subalit tayo'y nagsusumikap na pagsasama pa'y mapaunlad sa altar noon tayo'y sumumpa na walang iwanan, sa kabila ng mga suliranin at sigwa kasama sa hirap at ginhawa tulad ngayon, nasa ospital ka ginagawa ko ang lahat, sinta ako ma'y naluluhang talaga sa nangyayari sa iyo, sinta di kita iiwan ang pangako buong-buo ang aking pagsuyo ang pag-ibig ko'y di maglalaho sa problemang ito'y di susuko sa pagsubok sana'y makalampas sinta ko, ikaw ay magpalakas mabibigyan ka ng tamang lunas suliraning ito'y malulutas - gregoriovbituinjr. 04.06.2025

Ang aklat para sa akin

Imahe
ANG AKLAT PARA SA AKIN pagbili ng libro'y nakahiligan sa bookstore o mga book festival man tungkol sa kasaysayan, pahayagan, tula, kwento, sanaysay, panitikan dahil ako'y makata, manunulat ng mga tula't kwentong mapangmulat na pampanitikan ang binubuklat sari-saring akda'y binubulatlat may dyaryong Taliba ng Maralita kung saan kwento ko'y nalalathala mga pahayag ng samahan, tula na nais kong maisalibro din nga balak kong makagawa ng nobela hinggil sa pakikibaka ng masa wawakasan ang bulok na sistema wawakasan ang pagsasamantala pangarap kong maisaaklat iyon isa iyan sa dakila kong layon na burgesya'y sa lupa maibaon lipunang asam ay itayo ngayon - gregoriovbituinjr. 04.05.2025

Coed, nagpatiwakal

Imahe
COED, NAGPATIWAKAL bakit naisip magpatiwakal? ng isang coed sa paaralan mula ikaapat na palapag siya'y tumalon, anong dahilan? iniwan ba siya ng kasuyo? at labis niyang dinamdam iyon? pagsinta ba sa kanya'y naglaho? aba'y anong sakit naman niyon! sa eksam ba'y mababa ang grado? nahihiyang di makapagtapos? may mental health problem kaya ito? na problema'y di matapos-tapos? nagpapakamatay na'y kayrami pangyayaring ganito'y kaylupit nadagdagan pa ng estudyante kahit may batas na sa Mental Health - gregoriovbituinjr. 04.05.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 5, 2025, p.2 * Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018  

Karahasan ng magulang sa mga anak

Imahe
KARAHASAN NG MAGULANG SA MGA ANAK sa dyaryong Bulgar, dalawang tampok na ulat hinggil sa panggagahasa ng mismong tatay sa mga anak, edad apat, labing-apat, at labingsiyam, OFW ang nanay edad siyam nama'y binubugaw ng ina sa online, matatamong mo na lang ay bakit dahil ba sa kahirapan ay gagawin na upang magkapera'y ibubugaw ang paslit sisisihin ba si Libog at Kahirapan upang malusutan lang ang ginawang krimen paglaki ng bata'y anong kahihinatnan kung tatay mismo ang sa kanila'y umangkin mapapaisip ka bakit ito nangyari libog lang ba o may mental health problem ito imbis mahalin, magulang mismo ang imbi pag lumaki ang anak, kawawang totoo - gregoriovbituinjr. 04.04.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 4, 2025, tampok na balita at pahina 2

Istrok

Imahe
ISTROK di na niya maigalaw ang kanang braso di rin maigalaw ang kanang hita't binti pinagpahinga muna hanggang mag-umaga nang di pa maigalaw, nagpaospital na may bleeding sa pagitan ng artery at vein sa utak, kung dati, may blood clot sa bituka na inoperahan upang dugo'y lumabnaw ngayon, may blood clot namang namuo sa utak pitumpung porsyento raw ang nakaliligtas sa istrok na nangyari sa asawang sinta nawa, ang nangyari'y malusutan ni misis aktibistang Spartan ay ito ang nais naluluha na lamang ang makatang ito tulala sa kawalan, isip ay paano makaligtas si misis sa nangyaring ito nawa'y gumaling pa si misis, aking samo - gregoriovbituinjr. 04.04.2025 * litratong kuha ng makatang gala sa isang ospital

Paglalakbay sa bingit

Imahe
PAGLALAKBAY SA BINGIT lumulutang yaring diwa sa langit ng pang-unawa ang nasa dambana'y tula ang nasa dibdib ay luha nilalakbay bawat bingit ng kahapong di maukit mga planong inuugit sa puso'y inilalapit ang tula'y nakabubusog sa diwa kong nayuyugyog ngunit nagkalasog-lasog nang ilang ulit nauntog wala man sa toreng garing sa pagkatha'y buong giting na ang madla'y ginigising sa mahabang pagkahimbing - gregoriovbituinjr. 04.02.2025 * kinatha sa ika-237 kaarawan ng makatang Francisco Balagtas

Ngayong Araw ni Balagtas, nais kong magpasalamat

Imahe
NGAYONG ARAW NI BALAGTAS, NAIS KONG MAGPASALAMAT ngayong  Araw ni Balagtas , / nais kong magpasalamat sa lahat ng mga tulong / sa oras ng kalituhan nang maospital si misis / sa matinding karamdaman pinaaabot ko'y taos / sa pusong pasasalamat hindi ko man matularan / ang idolo kong makata subalit para sa akin, / bawat kathang tula'y tulay tungo sa pakikibakang / sa tuwina'y naninilay lalo't isyu't paksa iyon / ng manggagawa't dalita di pa mabuti si misis / bagamat pumapasok na sa trabaho bilang  social  /  worker  sa kanilang opis subalit ayon sa doktor, /  rare case  ang kaso ni misis kaya pag-uwi ako'y nars, / at di pabaya sa kanya kwarenta'y nwebeng araw nga / kami noon sa ospital may tumulong, may inutang, / may isinanlang titulo presyong tatlong milyong piso'y / di ko alam papaano unti-unting babayaran, / presyong nakatitigagal sa dalawang NGO nga'y / sinubukan kong mag-aplay subalit di pa matanggap / ang tibak na laging kapos ngayong  Araw n...

Nasisilaw sa ilaw

Imahe
NASISILAW SA ILAW nagtakip si alaga ng kamay habang natutulog ng mahimbing marahil nasisilaw sa ilaw kaya kamay ay ipinantabing mamaya, ako'y matutulog din at ang ilaw ay io-off ko lang isasara lang, di papatayin mahirap ang salita ng tokhang buti tulog ngayon si alaga pagkat gabi ang kanyang trabaho hanggang madaling araw gising nga upang daga'y hulihing totoo - gregoriovbituinjr. 04.01.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1LAWQbT1c8/  

Ang uod ay isang paruparo

Imahe
ANG UOD AY ISANG PARUPARO And just what the caterpillar thought her life was over, she began to fly. ~ Chuang Tzu kaygandang talinghaga'y nabatid na magandang payo sa sinumang nahihirapan at nabubulid sa dusang tila di makayanan sino kaya ang nagsabi niyon ng talinghagang tagos sa puso si Chuang Tzu nang unang panahon at isa sa Taoismo'y nagtayo akala ng uod mamamatay siya paglabas sa nakabalot sa katawan, at nang magkamalay ay naging paruparo ang uod nakalipad na patungong langit sa mga kampupot bumababa noon ay laging minamaliit ngayon kayganda, kamangha-mangha tulad din ng ating suliranin na animo'y di na malulutas may buhay pa palang haharapin tungo sa isang magandang bukas - gregoriovbituinjr. 04.01.2025 * larawan mula sa google

Noli Me "Tangina"

Imahe
NOLI ME "TANGINA" si Rizal daw ang idolo ng ama na hilig magtungayaw o magmura inakda raw ay  Noli Me "Tangina" komiks na patama, kunwari'y kwela sa biro, ako na lang ay natawa iba rin talaga si  Al Pedroche na sinulat ay iba't ibang siste nasa diwa'y gagawan ng diskarte lalo't pasasaringan ay salbahe isusulat anuman ang mangyari meron bang  El "Filibustanginamo" sunod sa  Noli Me "Tangina"  nito kawawa naman ang akda ni  Lolo  Pepe  dahil sa biruang ganito - gregoriovbituinjr. 04.01.2025 * tula batay sa komiks sa unang pahina ng Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2025

Lungad

Imahe
LUNGAD Labingtatlo Pahalang: Pagsuka ng sanggol anim na titik, at ang lumabas na sagot: LUNGAD , salitang ngayon ko lamang nasapol bago lang sa akin ang katagang sumulpot unang araw ng Abril, salita'y bumungad madaling araw nang krosword ay masagutan dyaryo'y kahapon pa, ngayon lamang nalantad sa krosword ang bagong salitang kakaiba sa wikang Ingles,  infant reflux  pala ito iba sa suka, sapagkat kusang lalabas sa bibig yaong gatas matapos sumuso na karaniwan lang, ayon sa mga pantas dagdag na salita itong magagamit din sa pagkatha ng kwento, tula, at sanaysay tila baga nalasap ay bagong pagkain kaya bokabularyo'y nagiging makulay - gregoriovbituinjr. 04.01.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Bulgar, Marso 31, 2025, pahina 11 *  https://ph.theasianparent.com/lungad   *  https://www.facebook.com/UnabellaMC/posts/madalas-bang-lumungad-si-baby-ang-paglungad-ng-sanggol-ay-madalas-na-ikinababaha/2355653711349118/