Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2025

Paglalakbay sa bingit

Imahe
PAGLALAKBAY SA BINGIT lumulutang yaring diwa sa langit ng pang-unawa ang nasa dambana'y tula ang nasa dibdib ay luha nilalakbay bawat bingit ng kahapong di maukit mga planong inuugit sa puso'y inilalapit ang tula'y nakabubusog sa diwa kong nayuyugyog ngunit nagkalasog-lasog nang ilang ulit nauntog wala man sa toreng garing sa pagkatha'y buong giting na ang madla'y ginigising sa mahabang pagkahimbing - gregoriovbituinjr. 04.02.2025 * kinatha sa ika-237 kaarawan ng makatang Francisco Balagtas

Ngayong Araw ni Balagtas, nais kong magpasalamat

Imahe
NGAYONG ARAW NI BALAGTAS, NAIS KONG MAGPASALAMAT ngayong  Araw ni Balagtas , / nais kong magpasalamat sa lahat ng mga tulong / sa oras ng kalituhan nang maospital si misis / sa matinding karamdaman pinaaabot ko'y taos / sa pusong pasasalamat hindi ko man matularan / ang idolo kong makata subalit para sa akin, / bawat kathang tula'y tulay tungo sa pakikibakang / sa tuwina'y naninilay lalo't isyu't paksa iyon / ng manggagawa't dalita di pa mabuti si misis / bagamat pumapasok na sa trabaho bilang  social  /  worker  sa kanilang opis subalit ayon sa doktor, /  rare case  ang kaso ni misis kaya pag-uwi ako'y nars, / at di pabaya sa kanya kwarenta'y nwebeng araw nga / kami noon sa ospital may tumulong, may inutang, / may isinanlang titulo presyong tatlong milyong piso'y / di ko alam papaano unti-unting babayaran, / presyong nakatitigagal sa dalawang NGO nga'y / sinubukan kong mag-aplay subalit di pa matanggap / ang tibak na laging kapos ngayong  Araw n...

Nasisilaw sa ilaw

Imahe
NASISILAW SA ILAW nagtakip si alaga ng kamay habang natutulog ng mahimbing marahil nasisilaw sa ilaw kaya kamay ay ipinantabing mamaya, ako'y matutulog din at ang ilaw ay io-off ko lang isasara lang, di papatayin mahirap ang salita ng tokhang buti tulog ngayon si alaga pagkat gabi ang kanyang trabaho hanggang madaling araw gising nga upang daga'y hulihing totoo - gregoriovbituinjr. 04.01.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1LAWQbT1c8/  

Ang uod ay isang paruparo

Imahe
ANG UOD AY ISANG PARUPARO And just what the caterpillar thought her life was over, she began to fly. ~ Chuang Tzu kaygandang talinghaga'y nabatid na magandang payo sa sinumang nahihirapan at nabubulid sa dusang tila di makayanan sino kaya ang nagsabi niyon ng talinghagang tagos sa puso si Chuang Tzu nang unang panahon at isa sa Taoismo'y nagtayo akala ng uod mamamatay siya paglabas sa nakabalot sa katawan, at nang magkamalay ay naging paruparo ang uod nakalipad na patungong langit sa mga kampupot bumababa noon ay laging minamaliit ngayon kayganda, kamangha-mangha tulad din ng ating suliranin na animo'y di na malulutas may buhay pa palang haharapin tungo sa isang magandang bukas - gregoriovbituinjr. 04.01.2025 * larawan mula sa google

Noli Me "Tangina"

Imahe
NOLI ME "TANGINA" si Rizal daw ang idolo ng ama na hilig magtungayaw o magmura inakda raw ay  Noli Me "Tangina" komiks na patama, kunwari'y kwela sa biro, ako na lang ay natawa iba rin talaga si  Al Pedroche na sinulat ay iba't ibang siste nasa diwa'y gagawan ng diskarte lalo't pasasaringan ay salbahe isusulat anuman ang mangyari meron bang  El "Filibustanginamo" sunod sa  Noli Me "Tangina"  nito kawawa naman ang akda ni  Lolo  Pepe  dahil sa biruang ganito - gregoriovbituinjr. 04.01.2025 * tula batay sa komiks sa unang pahina ng Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2025

Lungad

Imahe
LUNGAD Labingtatlo Pahalang: Pagsuka ng sanggol anim na titik, at ang lumabas na sagot: LUNGAD , salitang ngayon ko lamang nasapol bago lang sa akin ang katagang sumulpot unang araw ng Abril, salita'y bumungad madaling araw nang krosword ay masagutan dyaryo'y kahapon pa, ngayon lamang nalantad sa krosword ang bagong salitang kakaiba sa wikang Ingles,  infant reflux  pala ito iba sa suka, sapagkat kusang lalabas sa bibig yaong gatas matapos sumuso na karaniwan lang, ayon sa mga pantas dagdag na salita itong magagamit din sa pagkatha ng kwento, tula, at sanaysay tila baga nalasap ay bagong pagkain kaya bokabularyo'y nagiging makulay - gregoriovbituinjr. 04.01.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Bulgar, Marso 31, 2025, pahina 11 *  https://ph.theasianparent.com/lungad   *  https://www.facebook.com/UnabellaMC/posts/madalas-bang-lumungad-si-baby-ang-paglungad-ng-sanggol-ay-madalas-na-ikinababaha/2355653711349118/  

May mga pangalan ang mga pinaslang

Imahe
MAY MGA PANGALAN ANG MGA PINASLANG (Tara, pagtulungan natin upang mabatid ni VP Sara) wala nga bang pangalan ang mga pinaslang? tiyak meron, at maraming ina ang luhaan subalit bigyan natin ng mga pangalan upang ang bise, pangalan nila'y malaman si  Kian Delos Santos  ay isa lang diyan ina ni  Aldrin Castillo  nga'y lumuluha na buhay ng kanyang anak ay iwinala bagamat di naman ako nakapagtala subalit ito'y isang hamon sa makata sandaang ngalan ma'y masaliksik kong sadya Jonathan Mulos, "Dagul", Dario Oquialda,  JohnDy Maglinte, Obet Tington, Eugen Llaga,  Vincent Adia, Carlo Bello Villagarcia,  Abdulmahid Mamalumpong, Larry Miranda,  Harriet Barrameda Serra, Noel Ababa, Renato Cajelo Mariano, Alfredo  Orpeza, "Yaba", Alfredo Roy Elgarico, Jeremie Garcia, Emelito Mercado, Harold Tablazon, Jordan Sabandal Abrigo,  Basideles Ledon, Remar Caballero,  Ricky Dinon, Noron Mulod, Larry Salaman, Jocel Salas, Norman Sola, Victor Lawanan, Abrah...

Walang gutom ang Budol Gang

Imahe
WALANG GUTOM ANG BUDOL GANG ang budol ay panloloko, panlalansi, panlilinlang gamit nila'y  anong tamis maasukal na salitâ upang kunin o nakawin ang anumang mayroon ka paano kung ninakawan na'y ang kaban nitong bayan hay, ang masa ang kawawa panlolokong di halatâ mandaraya walanghiya budol-budol tusong ulol walang gutom ang pusakal bulsa't mukha'y anong kapal ingat kayo sa budol gang at labanan ang budol gang - gregoriovbituinjr. 03.31.2025 * batay sa ulat sa pahayagang People's Journal, Marso 31, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Manggagawa ang lumikha ng pag-unlad

Imahe
MANGGAGAWA ANG LUMIKHA NG PAG-UNLAD habang lulan ng bus ay nakita ko yaong mga nilikha ng obrero: ang mga gusaling nagtatayugan mga tulay, paaralan, lansangan na pawang ginawa ng manggagawa maging ng mga kontraktwal na dukha lumikha ng gusali ng Senado, Simbahan, Malakanyang at Kongreso nasaan ang kanilang kinatawan sa parlamento, sa pamahalaan bakit pulitikal na dinastiya yaong mga naluklok, at di sila Manggagawa Naman!  ang aming sigaw obrerong nagpapawis buong araw at gabi upang bayan ay umunlad at bansa ay patuloy na umusad upang masa'y di manatiling lugmok upang mawala ang pinunong bugok upang palitan ang sistemang bulok sina  Leody  at  Luke  ay iluklok - gregoriovbituinjr. 03.31.2025 #21 Ka Leody De Guzman para Senador #25 Atty. Luke Espiritu para Senador * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/18pLAckmcr/  

Rotinaryo

Imahe
ROTINARYO ayoko nang magpaabot ng alas dose upang matulog kundi alas-dyes ng gabi upang diwa'y maipahinga ng mabuti pati na puso't katawan upang umigi pagkat madalas magising ng alas-kwatro iihi lang, pipikit hanggang alas-singko di na makatulog at babangon na ako upang isulat ang isang tula o kwento kahit paano ang tulog ko'y pitong oras upang katawan ay makabawi't lumakas maya-maya, mag-eehersisyo't lalabas bibili ng dyaryo, pandesal, lugaw, sopas at pritong isda para sa alagang pusa ang agahan ko'y pagbabasa ng balita kung walang lakad, maglalaba munang sadya kung may rali, sa kalsada na'y nakahanda sa tula kong ito'y kanilang malalaman ang rotinaryo ng aktibistang Spartan kaya kung may pakana sila at gagawan ako ng masama, madaling madali lang - gregoriovbituinjr. 03.31.2025

Ang labada ni mister

Imahe
ANG LABADA NI MISTER bilin ni misis, maglaba ako kaya di ko dapat kalimutan  ang sa akin ay biling totoo na agaran kong gagawin naman ang labada'y agad nilabhan ko panty, bra, blusa, medyas, pantalon kumot, sweater, kamiseta, polo punda ng unan, brief, short na maong bilin niya'y agad sinunod ko ganyan tayo, di nagpapabaya di gaya sa komiks ni Mang Nilo na naging flying saucer ang batya salamat sa komiks sa Pang-Masa dyaryong sa tuwina'y binibili komiks man ay nagpapaalala kaya sa Pang-Masa'y nawiwili - gregoriovbituinjr. 03.30.2025 - komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 28, 2025, p 7

Meryenda

Imahe
MERYENDA meryenda ko'y pandesal at tsaa habang may naninilay tuwina na samutsaring paksa ng masa na sinusulat ko kapagdaka madaling araw, nananaginip ngayong umaga'y may nalilirip mga isyung aking halukipkip at solusyong walang kahulilip lipunang makatao'y pangarap nang dukha'y makaahon sa hirap na asam na ginhawa'y malasap at maibagsak ang mapagpanggap kayrami pang tulang kakathain mga kwento't isyung susulatin pati nobelang pangarap gawin ay palagiang iniisip din tara, magmeryenda muna tayo habang nagpapalitan ng kwento halina, at saluhan mo ako kahit payak ang meryendang ito - gregoriovbituinjr. 03.30.2025

Tatlong magkakapatid, magkayakap na nasunog

Imahe
TATLONG MAGKAKAPATID, MAGKAYAKAP NA NASUNOG tuwing Marso ay Fire Prevention Month subalit bago magtapos ang Marso ay tatlong paslit ang namatay sa sunog nang magkakayakap kung ako ang ama'y tiyak di ko matanggap mga batang edad tatlo, apat at anim ang namatay sa sunog, talagang kaylagim magkakapatid silang may kinabukasan subalit tinupok ng apoy ang tahanan ay, bakit nangyari ang kalagayang ito? anang ulat, ama't ina'y nasa trabaho nang magkasunog ikasiyam ng umaga nang tatlong magkakapatid ay nadisgrasya: Sachna Lexy, Razan Kyle, at Athena Lexy doon sa Barangay Mambaling, Cebu City mga pangalang di dapat makalimutan paalala sila na ating pag-ingatan at huwag basta iwan yaong ating anak nang sila lang sa bahay nang di mapahamak kung may napag-iwanan lang na responsable sa komunidad, baka di iyon nangyari - gregoriovbituinjr. 03.30.2025 * ulat ng Marso 30, 2025 sa pahayagang Bulgar at Abante Tonite, tampok na balita (headline) at pahina 2 * 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗵 was declared as “𝗙𝗶...

7.7 lindol sa Myanmar at Thailand, 1K patay

Imahe
7.7 LINDOL SA MYANMAR AT THAILAND, 1K PATAY kayraming gumuhong gusali nasa sanlibo ang nasawi sa magnitude seven point seven na lindol sa Myanmar at Thailand  dal'wang libo't apat na raan ang naulat na nasugatan magnitude six point four aftershock pa'y talagang nakasisindak nagpapatuloy pa ang rescue operation baka may buhay pang natatabunan ng lupa o pader ng mga gusali anumang kaya'y ating gawin nang mga buhay pa'y sagipin kung kakayanin, mag-ambagan nang nalindol ay matulungan at ipadala sa ahensyang natalagang magbigay-tulong tulad sa mga na-Yolandang buong mundo yaong tumulong - gregoriovbituinjr. 03.30.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante, Marso 30, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 3

Pumatay na ngunit di ikinulong!

Imahe
PUMATAY NA NGUNIT DI IKINULONG! grabeng balita, may krimen na naman dahil sa make-up na di pinahiram? dahil doon, kaklase na'y pinaslang? pumatay dahil sa make-up na iyan? Grade 8, tinodas ng klasmeyt sa klasrum bakit nga ba nangyayari ang gayon? nadakip naman ang suspek na iyon ngunit sa piitan ay di nakulong hanggang Bahay Pag-asa lang ang bading dalagitang biktima'y nasawi rin binully, tinutukan ng patalim pinagsasaksak ng bading na praning may mental health problem nga ang kriminal baka dapat dalhin siya sa Mental balitang ito'y nakatitigagal kung ako ang tatay ay mangangatal mga pamilya'y talagang luluha kung Mental Health Act ay walang nagawa nang mapigil ang krimeng nabalita dapat batas pa'y patataging sadya - gregoriovbituinjr. 03.29.2025 * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 28, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 * Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of  Enhancing the Delivery of Integ...

Mula World #140, umangat na sa World #75 si Alex Eala

Imahe
MULA WORLD #140, UMANGAT NA  SA WORLD #75 SI ALEX EALA taaskamaong pagpupugay kay  Alex Eala mula sa World Number One Hundred Forty, umangat na siya sa ranking, World Number Seventy Five na siya dahil sa panalo sa mga nakalaban niya aba't tatlong Grand Slam Champion ang kanyang tinalo kasama doon ang World Number Five at World Number Two nasa Top Four sa semifinals, humanga ang mundo siya'y isang inspirasyon sa mga Filipino ipakita mo pa, Alex, ang bilis mo at husay ipakita mo pa ang galing ng atletang Pinay ipinagbubunyi namin ang bawat mong tagumpay maging kampyon ka sa mundo sana'y aming masilay sa mga nagawa mo para sa bayan, salamat kaya,  O, Alex Eala,  isa ka nang alamat mga susunod na henerasyon ay mamumulat susunod sa yapak mo, muli, maraming salamat! - gregoriovbituinjr. 03.29.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 28, 2025, p.8

Nakaabang na sa pridyider si Alaga

Imahe
NAKAABANG NA SA PRIDYIDER SI ALAGA hanap ay pagkain sa pridyider o sa ref o sa refrigirator, at di sa referee ang aming alagang galing lang sa pag-idlip na dito sa amin ay talagang nawili dahil nawiwili ring kaming mag-alaga kay Alaga, may kakain ng tira-tira lalo na't may nagtatago rin ditong daga at bubuwit na dapat ay mahuli niya sa araw-gabi'y nagtitira ng pagkain minsan, sabay kaming kumain ng hapunan sa umaga ay madalas tulog, antukin sa gabi, si Alaga'y pagkasigla naman pagdating ko, pridyider ay bubuksan agad si Alaga'y nakaabang sa pagbukas ko agad bigay ko'y pritong isda niyang hangad lalo't masaya kaming siya'y naririto - gregoriovbituinjr. 03.29.2025 * mapapanoood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/15tiNupCdw/  

Mabuhay ang Letran sa panalo

Imahe
MABUHAY ANG LETRAN SA PANALO kahit wala na sa eskwelahan suportado ang laban ng Letran mula noong hayskul hanggang ngayon sa laro nila wala man doon kaya  Arriba Letran!  ang hiyaw upang sila'y maging matagumpay anumang laro, kahit basketball chess, tennis, track and field, at volleyball ako'y isang simpleng tibak lamang na sa Letran ay napapabilang na noong hayskul doon nagtapos kaya ako'y taga-Intramuros na sa NCAA naglaro rin atleta noong hasyskul pa man din track and field ang laro ko talaga sa Rizal Memorial Stadium pa kaya pag nabasa sa balita ang laro ng Letran, ako'y hanga ang pagsuporta ko'y sadyang buo ngayon man ay wala akong luho - gregoriovbituinjr. 03.28.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante Tonite at Pilipino Star Ngayon, Marso 28, 2025 * NCAA - National Collegiate Athletics Association

Tennis great Nadal, saludo kay Alex Eala

Imahe
TENNIS GREAT NADAL, SALUDO KAY ALEX EALA matapos nitong talunin si Iga Swiatek pinuri ni Rafael Nadal si Alex Eala sabi ni Nadal,  "We are extremely proud of you, Alex." anya,  "What an incredible tournament! Let's keep dreaming!" mensahe sa social media ni Nadal kay Alex na nagsanay sa  Rafael Nadal Tennis Academy sa Mallorca, malaking isla sa bansang Espanya maganda iyong papuri ng isa sa  The Big Three nina  Nadal ,  Roger Federer  at  Novak Djokovic na nangungunang tennis player na kalalakihan kami rin sa Pinas, nagpupugay sa iyo, Alex tunay kang inspirasyon para sa kinabukasan ang hiyaw nga namin,  Alex, mabuhay ka, mabuhay! sa larangan ng tennis ay ipinakitang husay - gregoriovbituinjr. 03.28.2025 * ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 28, 2025, p.12

Alex Eala, tinalo ang World #2

Imahe
ALEX EALA, TINALO ANG WORLD NO. 2 O,  Alex Eala , pagpupugay sa iyo at talagang tinalo mo ang World Number Two na nasaksihan ng maraming Pilipino mula pa sa iba't ibang panig ng mundo laro mo'y kaygaling, di ka patumpik-tumpik at pinataob mo si Iga Swiatek labingsiyam na anyos ka lang ngunit hitik na sa karanasan, kung pumalo'y kaybagsik panatilihin mo ang magandang momentum ang mga tinalo mo'y magagaling doon tunay ngang alamat ka na at inspirasyon para sa mga susunod pang henerasyon tiyak ang pangalan mo'y nakaukit na nga sa kasaysayan ng isports sa ating bansa kaya sa iyo'y maraming tumitingala humayo ka't kampyonato'y kamtin mong sadya - gregoriovbituinjr. 03.28.2025 * ulat mula sa mga pahayagang Tempo, Pilipino Star Ngayon, at Abante, Marso 28, 2025

Ang tatlo kong daigdig

Imahe
ANG TATLO KONG DAIGDIG sa tatlong daigdig umiikot  ang araw at gabi kong pag-inog: sa pamilya, sa pakikibaka at lalo na sa literatura tutula na sa madaling araw sa umaga'y bibili ng lugaw, tsamporado at sampung pandesal ihahanda sa aming almusal pag nasok sa trabaho si misis ako naman ay tutungong opis o kaya'y sa rali sa lansangan gagampan ng tungkulin sa bayan pamilya naman kapag umuwi sanaysay at tula pag naglimi aktibismo man ang nasa dibdib ang pag-irog sa pamilya'y tigib magbabasa ng nabiling aklat magninilay at may isusulat palipat-lipat, papalit-palit sa tatlo kong mundong magkalapit - gregoriovbituinjr. 03.28.2025

Pagpopropaganda versus seguridad?

Imahe
PAGPOPROPAGANDA VERSUS SEGURIDAD? manunulat, makata, kwentista, propagandista iyan ang buhay ko bilang aktibistang Spartan paggawa ng dyaryo, ng polyeto't editoryal pa ginagawa ko ang trabaho't misyon ng lantaran propagandista'y nagpapalakas ng kalooban pag di mapakali sa problema't isyu ang masa pag negatibo ang nasa isip ng kababayan moral nila'y patataasin ng propagandista ngunit anang kasama, isipin ang seguridad tama naman siya, at baka ako'y mapahamak at huwag ipakilala ang iyong identidad tama siya, upang ako'y di ilugmok sa lusak security officer at propagandista'y iba ng gawain, isa'y itago ang pagkakilanlan propagandista'y di maiwasang magpakilala misyon ko'y ipahayag ang adhikain sa bayan sa tula't dyaryo pa lang, nalantad na ang sarili ngunit maaari namang nom de plume ang gamitin ang propagandista'y nagsasalita rin sa rali na tindig ng manggagawa sa isyu'y sasabihin ingat din, para sa seguridad nang di ma-redtag salam...

Alex Eala, dehado raw kay World #2 Iga Swiatek

Imahe
ALEX EALA, DEHADO RAW KAY WORLD #2 IGA SWIATEK may ilang nagsabi, anang ulat sa dyaryo na pambato nating si Alex ay dehado lalo't makakalaban niya'y World Number Two na si Swiatek, siya ba'y mananalo? palagay ko si Alex pa ang magwawagi kung kanyang momentum ay mapapanatili matitinding manlalaro'y kanyang ginapi mananalo siya't makakamit ang mithi sige, Alex Eala, gawin mo ang kaya kami rito'y iniidolo ka talaga ang pangalan ng bansa'y dala mo tuwina pagpupugay, mabuhay ka, Alex Eala! ang World Number Two ay iyo nang pataubin ipakita sa mundong Pinay ay kaygaling - gregoriovbituinjr. 03.27.2025 * ang sanligan o background ay mula sa ulat sa pahayagang Abante at Bulgar, Marso 27, 2025

Bala, balat, balato

Imahe
BALA, BALAT, BALATO hilig kong maglaro ng salita tulad ng BALA, BALAT, BALATO, ITA, KITA, KITAM na kataga tingni ang ALAY, MALAY, MALAYO iba pa rin ang salitang tugma na tulad ng PINTO, GINTO, HINTO na madalas magamit sa tula gaya nitong GUHO, BUHO, LUHO dagdag-titik sa bawat salita kaya tuloy nagmistulang laro tila pagpipilipit sa dila o tongue twister na ating nahango pamagat nitong tula'y suriin ang balato ba'y bala o balat? namnamin kumbaga sa pagkain at kayrami mong madadalumat - gregoriovbituinjr. 03.26.2025

Ang berdugo'y di magiging bayani

Imahe
ANG BERDUGO'Y DI MAGIGING BAYANI tila nais palabasin ng kanyang anak na kung uuwi'y baka mamatay sa tarmak baka mapagaya kay Ninoy sa paglapag ng eroplano, baka siya'y mapahamak iyan ang laman ng mga ulat sa dyaryo naging dilawan na ba ang bise pangulo? idinamay si Ninoy, baka magkagulo? magiging bayani ba ang isang berdugo? gayong may atas paslangin ang libong Pinoy ngayon, ikinukumpara siya kay Ninoy baka mga napaslang, sa hukay managhoy: "hoy! si Ninoy nga'y huwag ninyong binababoy!" dating Pangulo'y kay Ninoy ikinumpara ano? hay, nakakaumay, maling panlasa dahil sa kaso'y nagbabalimbingan sila parang niyakap nila ang diwa ng Edsa sa tindi ng kaso, crime against humanity di makababalik, iyan ang mangyayari umiyak man ng dugo, kahit pa magsisi di siya isang Ninoy, di siya bayani - gregoriovbituinjr. 03.25.2025 * mula sa ulat ngayong araw sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Bulgar at Abante

Makasaysayang panalo ni Alex Eala

Imahe
MAKASAYSAYANG PANALO NI ALEX EALA sa larangan ng isports, sakalam talaga ang ating kababayang si Alex Eala Kanang si Madison Keys pinataob niya  kaya bansa'y ipinagmamalaki siya! unang pinataob ay pawang may number five si Katie Volynets, world's number seventy five Jelena Ostapenko, world's number twenty five at ngayon ay si Madison Keys, world's number five labingsiyam na anyos pa lang nang magwagi ang kanyang mga panalo'y kapuri-puri maging world champion sa tennis ang kanyang mithi sana kalusugan niya'y mapanatili kami rito, Alex, sa iyo'y nagpupugay pinakita mo sa mundo ang iyong husay pinakita sa iba ang lakas ng Pinay kaya hiyaw namin, mabuhay ka, mabuhay! - gregoriovbituinjr. 03.25.2025 * ulat ng Marso 25, 2025, mula sa pahayagang Abante, Pilipino Star Ngayon, at Pang-Masa

Careless ba kaya niya iniwan?

Imahe
CARELESS BA KAYA NIYA INIWAN? sa pamagat pa lang, alam mong iiwan mo "Liza Soberano explains why she left Careless, reveals new management" , sa Caremore kaya ito? iwan mo kung careless, bakit ka magtitiis? bakit ba Careless imbes Careful ang pangalan ng talent agency na pinasukan dati pumokus na raw sa musika o awitan imbes doon sa pagiging talent agency subalit di ako interesado roon kundi bakit pangalan ay Careless talaga negosyo't pagkita ng pera lang ang layon? o careless ang danas sa nasabing ahensya? nakapokus daw ang Careless sa Pilipinas habang nais ni Liza'y magpuntang Hollywood iyan ang sinasabi sa ulat ng pantas si Liza'y nais sa Hollywood mapanood - gregoriovbituinjr. 03.25.2025 * litrato mula sa Philippine Star fb page

Ang pito kong aklat ni Ligaya G. Tiamzon Rubin

Imahe
ANG PITO KONG AKLAT NI LIGAYA G. TIAMZON RUBIN Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Nakabili ako ng pitong aklat ng manunulat na si  Ligaya Tiamzon-Rubin  sa  Philippine Book Festival 2025 . Ang nakatutuwa rito, tigsisingkwenta pesos ang bawat isa. Kaya P350 lahat ito (P50.00 x 7 = P350.00). Ikalawa, nakakatuwa dahil anim sa pitong aklat ang tungkol sa Angono, Rizal. Dahil minsan na rin akong tumira at nagbahay sa isang lugar sa Angono, sa Mahabang Parang, nang halos anim na taon. Baguhang staff pa lang ako ng pambansang samahang  Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)  nang tumira ako roon, dahil isa sa mga lider ng KPML, si Ka Joel na nasa kalapit na barangay na sakop ng Teresa, Rizal, ay kinupkop ako, at doon na rin nagsimulang mag-organisa ng maralita. Bandang taon 2002 hanggang 2007 ako naroon. Nawala lang ako sa Angono dahil sa paghihiwalay ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ng grupong Partido Manggagawa (PM)....

Pagsusumikap

Imahe
PAGSUSUMIKAP kailangan ko ba ng inspirasyon upang makamit ko ang nilalayon? o dapat ko lamang pagsumikapan ang pinapangarap ko kung anuman? pampasigla nga ba ang inspirasyon? paano kung wala? paano iyon? marahil, mas kailangan ay pokus upang kamtin ang pangarap mong lubos sino bang inspirasyon ng makata? upang samutsaring tula'y makatha marahil nga'y may musa ng panitik na ibinulong ay isasatitik oo, nagsusumikap pa rin ako bakasakaling magawa ko'y libro ng tula, maikling kwento't sanaysay o baka nobela'y makathang tunay - gregoriovbituinjr. 03.24.2025 Thomas Edison: "Success is 10% inspiration and 90% perspiration." Albert Einstein: "Genius is 1% inspiration and 99% perspiration."

Pansamantalang paglaya ni Du30, haharangin ng EJK victim families

Imahe
PANSAMANTALANG PAGLAYA NI DU30, HAHARANGIN NG EJK VICTIM FAMILIES tiyak na tututulan ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK o yaong extrajudicial killings kung pansamantala mang makalaya si dating pangulong Digong anang ulat, sakaling may interim release dahil maimpluwensya ang dating pangulo tiyak na marami ang aaktong mabilis upang harangin sakaling mangyari ito may due process si Digong, di yaong winalan ng buhay, pinaslang, kaya sadyang masahol pag pinagbigyan ang mismong may kasalanan tiyak na human rights defenders ay tututol kaya sana'y di ito gawin ng ICC upang inaasam na hustisya'y makamit ng mga biktimang ang buhay ay winaksi ng berdugong ang atas ay napakalupit - gregoriovbituinjr. 03.23.2025 * ICC - International Criminal Court * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 23, 2025, pahina 1 at 2

Mura na ang apat na diksyunaryo

Imahe
MURA NA ANG APAT NA DIKSYUNARYO binili ko'y apat na diksyunaryo na  English-Tagalog  ni  Leo English sa mga pamangkin ay panregalo unang libro'y nabili ng Biyernes at tatlo pa nito noong Sabado National Book Store, Quezon Avenue  lang dating presyo'y animnaraang piso siyamnapu't siyam na piso na lang huling araw na ngayon, kaibigan baka makahabol ka't makabili pulos dayuhang libro karamihan panitikang Pinoy bihira dini diksyunaryong nabili'y mahalaga malaking tulong sa mga pamangkin magagamit sa pag-aaral nila kahit di Pasko, may regalo na rin - gregoriovbituinjr. 03.23.2025

Pagkatha

Imahe
PAGKATHA madaling araw pa lang ay tutula tanghali hanggang gabi ay Taliba ganyan na iniskedyul ng makata ang araw at gabi niyang pagkatha napanaginipan niyang salita ang siyang bumubuo ng talata sa sanaysay o sa kwentong nalikha o saknong at taludtod na nagawa mga napapanaginipang paksa ay mula sa binulong ng diwata musa ng panitik na laging handa sa pag-alalay sa abang makata kaya madalas akong naluluha sa salaysay ng buhay ng kawawa kaya yaring pluma'y di maibaba upang ipagtanggol ang api't dukha - gregoriovbituinjr. 03.23.2025

Nars ako ni misis

Imahe
NARS AKO NI MISIS di naman ako nagtapos ng nursing subalit naging nars ako ni misis lalo't sa sakit ay umaaringking dapat bigay kong gamot ay kaybilis pag sa opisina siya'y pumasok iyon ang panahon ko sa kalsada pag gabi na't sa bahay matutulog nars na ako at di na raliyista mula Lunes hanggang Biyernes ganoon nars naman sa gabi, Sabado't Linggo mga reseta'y aking tinitipon na aking gabay sa pagiging nars ko dahil na rin sa karanasang tunay kwarenta'y nwebe araw sa ospital natuto't nakinig sa pagbabantay kay misis, isang buwan ding kaytagal nakakalabas lang paminsan-minsan halimbawa'y pupunta sa palengke bibili sa karinderya ng ulam o bibili ng gamot sa Mercury oo, naging nars ang tulad kong tibak upang si misis ay gumaling lamang sa isip ko man ito'y tambak-tambak buong suporta ko'y naririyan lang - gregoriovbituinjr. 03.23.2025