Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Agosto, 2022

Ngiti

Imahe
NGITI tila ba iwing puso'y nasa alapaap pagkat taal ang alindog ng nakita ko diwatang aking yapos sa laksang pangarap isang ngiti lang niya'y namutla na ako di ko na nasuri ang kanyang mga ngipin kundi ang hugis ng mapula niyang labi tinangay ako sa di mawaring isipin pagkat kahali-halina ng kanyang ngiti tingni't anong ganda ng kanyang kabuuan pagkatao niya'y bituing nagniningning ako nga'y natulala sa kanyang kariktan animo'y isang artista sa puting tabing saan ako patungo, O, aking diwata kundi sa iyo lamang, ang makita kita anumang karamdaman ko'y agad huhupa sa isang ngiti mo lang, ako'y gagaling na - gregoriovbituinjr. 08.29.2022

Sa basurahan

Imahe
SA BASURAHAN may basurahan palang tapunan ngunit nagtatapon ka sa daan bakit? wala ka bang pakialam? dahil ba di mo iyan tahanan? sa tahanan ba'y maayos naman? di mo ginagawang basurahan? kalat dito, doon, at kung saan para bang wala kang pakiramdam pag walang basurahan, ibulsa huwag magtapon ng basta-basta sa basurahan lang magtapon ka na dapat tayo'y may disiplina tulungan natin ang kalikasan pagandahin ang kapaligiran basura'y doon sa basurahan di sa pasilyo, daan, saan lang - gregoriovbituinjr. 08.25.2022

Tasa

Imahe
TASA painitin na ang sikmura maglagay ng tubig sa tasa isunod ay kape o tsaa nang diwa'y magising tuwina kaninang hapong makulimlim ay sinusulat ang panimdim hanggang napit ang takipsilim at hatinggabing anong dilim magkape o magtsaa naman upang sumigla ang katawan gisingin ang diwang palaban pagkat antok na ang kalaban akda kasi'y dapat matapos hinggil sa buhay ng hikahos at sistemang mapambusabos baka panahon na ay kapos magtsaa kung wala nang kape pag inaantok ay diskarte kita'y magtsaa lamang dine baka sa akda'y makabuti - gregoriovbituinjr. 08.24.2022

Bukambibig

Imahe
BUKAMBIBIG bukambibig lagi nila'y paano ba yumaman maging katulad sila ng bilyonaryong iilan ganito'y naging takbo ng isip ng karamihan upang pamilya nila'y iahon sa kahirapan ang inaasam nila'y pansarili't pampamilya  sa pangarap na tila ba di kasama ang kapwa ano nga ba namang pakialam nila sa iba gayong ang iba'y walang pakialam sa kanila bukambibig ko nama'y ginhawa ng sambayanan kolektibong pakikibaka, walang maiiwan kung mababago ang sistemang para sa iilan ay ating matatayo ang makataong lipunan di pansarili kundi panlahatan ang pangarap ng tulad kong tibak upang makaahon sa hirap ang sambayanan, masa'y makatao't mapaglingap at ang bawat isa'y nakikipagkapwa ng ganap - gregoriovbituinjr. 08.23.2022m

Paglaban

Imahe
PAGLABAN Tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU) i sila'y nakikilaban para sa kalayaan ng tanang mamamayan mula sa kaapihan tanong ni pare bakit sila inapi ng tuso't imbi ii yaong lakas-paggawa'y di binayarang tama; ang bundat na kuhila'y sa tubo nagpasasa doon hinango ng hayok na hunyango ang laksang tubo iii kayraming mahihirap na mayroong pangarap anong gagawing ganap nang dusa'y di malasap mundo'y baguhin tanikala'y lagutin nang laya'y kamtin - gregoriovbituinjr. 08.23.2022 *  TANAGA  - tulang Pinoy, may pitong pantig bawat taludtod *  HAIKU  - tulang Hapon, may pantigang 5-7-5

Pag-ibig ay pag-aaklas

Imahe
PAG-IBIG AY PAG-AAKLAS pag-ibig ay pag-aaklas sa mga lumang palabas ng burgesya't talipandas na sa masa'y nang-aahas pag-ibig ay pag-aaklas sa korupsyong di malutas sa kabang bayan nagwaldas sa inosente'y umutas pag-ibig ay pag-aaklas sa mga pilak ni Hudas sa gawa ng mararahas sa bulong ng balasubas pag-ibig ay pag-aaklas sa mga trapo't madugas salita'y giliw ng ungas na pangako'y laging gasgas pag-ibig sana'y parehas tungo sa magandang bukas asam ay lipunang patas na magpakatao'y bakas pag-ibig sana nga'y basbas sa dalawang pusong wagas sa pagsusuot ng medyas sa pagtitiklop ng manggas - gregoriovbituinjr. 08.23.2022

Magretiro sa edad 80

Imahe
MAGRETIRO SA EDAD 80 ang retirement age ngayon ay sisenta'y singko na naaayon sa batas at kompulsaryo ngunit may nagpapanukala sa Kongreso gawing otsenta ang retirement ng obrero tiyak matutuwa sa panukala niya ang mga matatandang nais pang kumita madaramang nakakatulong sa pamilya senior citizen na sila'y malalakas pa ganado ako sa ganitong panukala upang magkatrabaho kahit matatanda kaya kikita pa rin kahit maralita "tanggalin ang age limit!" ang sigaw ng dukha kumaing wasto nang katawan ay lumusog bitamina'y kainin matapos mabusog upang buto't kalamna'y tumibay, di lamog maglakad lagi't magpapawis, na di bugbog senior citizen man ay manggagawa pa rin nais magretirong maaga'y pwede man din gawin mang otsenta ang edad ng retayrment mungkahing ang trabaho nila'y paalwanin - gregoriovbituinjr. 08.15.2022 * Ulat mula sa Abante Tonite, 08.05.2022, p.3

Nakalalasong butete

Imahe
NAKALALASONG BUTETE nakabibigla ang isang ulat na mula sa malayong probisya nalason sa butete, minalas anim na anak at mag-asawa iniluto ang isdang butete o buriring, siyang inalmusal makalipas ang ilang sandali isinugod sila sa ospital nahilo kasi't nawalang malay pagkat sila na pala'y nalason di mo masabing ganyan ang buhay kung bumagsak ka't di makabangon may nakalalasong bahagi raw ang isdang butete o buriring na dapat tanggalin habang hilaw lutuing mabuti saka kainin maiging ganito'y nabalita upang ito'y mabatid ng bayan upang sa pagkain nito'y handa nang pamilya't kapwa'y maingatan - gregoriovbituinjr. 08.15.2022 * Ulat mula sa Abante Tonite, 08.05.22, p. 2

Ang libro

Imahe
ANG   LIBRO thirty five pesos lang ang libro sa BookSale ko nabili ito bakasakali lang matuto sa taong binabanggit dito pamagat ng libro'y " Boy   Genius " hinggil sa nagpanalo kay Bush anong prinsipyong tumatagos? taktikang ginamit nang lubos? sino si Karl Rove, busisiin baka may matutunan man din ito ba'y magagamit natin upang tayo'y magpanalo rin kabibili lang nitong aklat di pa ito nabasang sukat 'yaan ito muna'y mabuklat pag nabasa na'y iuulat - gregoriovbituinjr. 08.12.2022 * nabili ko ang nasabing libro sa BookSale, Farmers, Cubao

Anim na oras na trabaho kada araw

Imahe
Sigaw ng maralita: ANIM NA ORAS NA TRABAHO KADA ARAW anim na oras na trabaho ang hiling ng dukha upang madagdagan ang labor force, ang manggagawa bukod sa bahay, sinisigaw na rin nilang kusa: “TRABAHO PARA SA WALANG TRABAHONG MARALITA!” sigaw na nila:  TRABAHO'Y GAWING ANIM NA ORAS! kung may tatlong obrero sa paggawang otso-oras sa loob ng isang araw, ah, sa anim na oras ay magiging apat na ang obrero, di ba, patas? mungkahi iyan ng dukha upang magkatrabaho tatlong manggagawa pa'y naging apat na obrero kawalan ng trabaho'y nasolusyunang totoo di na mukhang kawawa pag dukha na'y may trabaho tanggalin din ang age limit, dapat ding ikampanya upang may edad man, magkatrabaho, kung kaya pa sa ganito, maralita'y may dignidad nang kanya at mabubuhay pa nila ang mahal na pamilya - gregoriovbituinjr. 08.12.2022 * litrato mula sa blog ng KPML

Saan daw ako nagsusulat?

Imahe
SAAN DAW AKO NAGSUSULAT? tanong sa akin ng isang kapwa ko manunulat "kaibigan, sa anong pahayagan ka nag-uulat, tumutula, nagsasaysay, o kaya'y nagsusulat?" tila sa kanyang tanong, ako'y bahagyang nagulat pagkat tulad nila'y may dyaryong pinagsusulatan nagmamalaking nagsusulat sa ganito't ganyan kanilang akda'y pinababasa sa sambayanan sinabui ko rin ang dyaryo kong pinaglilingkuran ako'y nagsusulat sa  Taliba ng Maralita na opisyal na pahayagan ng samahang dukha ang K.P.M.L. ay may dyaryong kanilang ginawa dalawampung pahinang dyaryong kayrami ng akda mga ulat ng samahan sa dinaluhang pulong at nag-uulat ng tapat, di fake news o halibyong ang pangulo ng samahan pa'y may sariling kolum may balita't tula, isyu'y paano isusulong salamat sa  Taliba ng Maralita , may dyaryo akong pinagsusulatan, sa kanila'y tugon ko na sa mga akda ko'y naglalathalang totoo na pag nawala pa ito'y ikaluluhang todo - gregoriovbituinjr. 08.11.2022 * K.P

Hugot

Imahe
HUGOT pag nais kunin ay huhugutin ang litaw sa butas na malalim hugot din pag mula sa damdamin na sa diwa'y lalambi-lambitin iniibig kita, aking mahal ibig kita kaya minamahal kahit na hirit mo'y pulos mahal mahal bilhin, presyo'y anong mahal kayraming hugot sa mga pader na isinulat naman sa papel di ko na kailangan ng google nang makita ka, the search is over dilim ka ba? noong dumating ka wala na akong nakitang iba kung ini-SMALL ka naman nila aba'y inii-BIG naman kita kung si pinsan, may asawang Pretty at may Byutipul naman si Pare isang katoto'y mayroong Honey aba, ako nama'y may Liberty kayraming hugot ng dusa't tuwa dulot ay kilig o kaya'y luha may pintig yaong sinasalita minsan, sapul ang bawat patama - gregoriovbituinjr. 08.11.2022 * litratong kuha ng makatang gala sa nadaanan niyang sago't gulaman

Walden

Imahe
WALDEN aba'y laman siya ngayon ng mga pahayagan siyang binabaka yaong nakaambang karimlan siyang lumalaban sa mga kasinungalingan siyang matapang na ihayag ang katotohanan tangan kaya ng anak ng diktador ang pambura? ng kasaysayang nais nilang mabago talaga? katotohanan kaya'y tangan ba naman ng masa? ayaw mabaluktot ang naganap na diktadura? dudurugin ang estratehiya ng mandarambong at mga halimaw na sa bayan ay gumugunggong huwag hayaang kumalat ang fake news o halibyong huwag hayaang bayan ay punuin ng linggatong sa panahon noon ng ama, ikaw na'y napiit kumilos para sa karapatan ng maliliit isinulong ang adhikain at lipunang giit sa panahon ngayon ng anak, muli kang napiit ituloy mo ang laban, inspirasyon ka sa amin habang ipinaglalaban mo'y tinutuloy namin taas-kamaong pugay sa tangan mong adhikain pagkat magkasangga nating lalabanan ang dilim - gregoriovbituinjr. 08.10.2022