Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Mayo, 2022

Tagimpan

Imahe
TAGIMPAN pawang ilusyon, pulos tagimpan na sa ating mata'y mapanlinlang iyon ang tingin mo pag minasdan subalit sa kanya'y iba naman totoo'y iba sa iyong malay namamalikmata ka bang tunay ibang naisip kaysa nanilay may kuro-kuro'y di mapalagay minsan, depende kung nasaan ka ang kita ng iba'y di mo kita kaya di agad makapagpasya kaya problema'y suriin muna ang akala mong magandang dilag pulos kolorete pala't libag tila siya'y may satagabulag muntik nang ang puso mo'y mabihag akala mo'y lolo mo'y naroon iyon pala ang sa kanto'y maton akala mo'y kung sinong simaron kukursunadahin ka paglaon akala mo'y pera na ang hawak aba'y naging bato pa ang linsyak kausap mo pala'y ibang utak buti na lang, di ka napahamak minsan, mandaraya ang paningin ibubulid ka pala sa dilim damhin ang di sukat akalain lalo't tagimpan nang di manimdim - gregoriovbituinjr. 05.31.2022 *  tagimpan  - ilusyon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina

Soneto 29

Imahe
SONETO 29 ni William Shakespeare malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg) Pag kahiya-hiya yaring palad / at sa mga mata pa ng madla, Ay mag-isa kong ipinanaghoy / yaring marawal na kalagayan, At ang langit ay magulo't bingi / sa aking walang kwentang pagluha, At itong sarili'y pinagmasdan, / at sinumpa yaring kapalaran. Na isang pag-asang umaapaw / ang ninanais kong magkaroon, Nilarawang tulad niya, tulad / niyang ang mga katoto'y angkin, Hangad ang sining ng taong ito / at yaong sakop ng taong iyon, Kung saan aking tinatamasa / kahit paano'y kasiyahan din; Datapwat sa pag-alalang ito'y / halos sarili na'y hinahamak, Mapalad nga't inaalala ka, / pati na yaring kalagayan ko, Na tulad ng isang ibong lagsing / sa pagputok ng araw sumikat Mula mundong mapanglaw, inawit / sa pinto ng langit yaong himno; Tungo sa matamis kong pagsintang / tanda ko'y dulot ng yamang iwi Na lagay ko'y ayokong baguhin / ma

Pagmumuni

Imahe
PAGMUMUNI nakatitig muli sa kawalan nakatingala sa kalangitan nangyayari sa kasalukuyan ay may ugnay sa kinabukasan ang tubig sa aplaya'y mababaw ramdam ng katawan ko ang ginaw unang punta ko lang sa Anilao ngunit kayrami ko nang nahalaw aralin sa dinaluhang pulong sa zero-waste na malaking tulong nakasalamuha'y marurunong nagbahagi ng kanilang dunong dinig ko ang alon sa aplaya tila dinuduyan ang pandama buti na lang, kasama ang sinta nagtampisaw doong buong saya - gregoriovbituinjr. 05.29.2022

Sa Anilao

Imahe
SA ANILAO gumaling sa tubig ng Anilao ang matagal kong inindang pilay sa balikat, kaytagal nang ngalay na akin ngayong naigagalaw O, maraming salamat sa dagat sa nakagaling na tubig-alat naitataas na ang balikat na dati'y masakit kung iangat at sa wakas ay nailatag ko sa pulong ng zero waste ang isyu lalo na't yosibrik kong proyekto nang malutas ang upos na ito kahit papaano'y may pumansin proyekto kong munti'y dininig din sa ka-adbokasya'y naitanim ang isang isyung dapat lutasin imbitado'y si misis sa pulong at ako'y salimpusa lang doon subalit sumama na sa layon na yosibrik man ay makatulong O, Anilao, salamat pong muli sa pulong natalakay ang mithi balikat pa'y gumaling ng sidhi habang masid, kariktan mong lunti - gregoriovbituinjr. 05.29.2022 * dumalo ang makatang gala sa dalawang araw na pulong ng Zero Waste Philippines, Inc. (ZWPI) sa Anilao, Mabini, Batangas, Mayo 28-29, 2022 * litratong kuha ni misis

Tag-ulan na

Imahe
TAG-ULAN NA kagabi, ngayong gabi umulan ng malakas sa bubong ay kaytindi tila ba nandarahas misis ay nagbunganga nang nagkalat ang plastik na basurang binaha sa kalsadang nagputik nagugulumihanan sa nasalantang gamit binaha kasi naman tiyan na'y naghihigpit ngayon nga'y tag-ulan na kaya kita'y mag-ingat baka maabutan pa ng tabsing na kay-alat - gregoriovbituinjr. 05.27.2022

Gamugamo

Imahe
GAMUGAMO pinatay ko ang ilaw sa silid nang gamugamo'y nangaglipana kaya di na sa atin nalingid na ulang matindi'y daratal na ganoon sila, aking napansin binuksan ko ang ilaw sa banyo kawan silang nagsisuguran din at bombilya'y pinutakting todo lumabas muna ako ng bahay kayrami rin sa ilaw ng poste tila nagpipyesta silang tunay sa nadamang laya ngayong gabi at maya-maya lang ay umulan naisipan kong agad umuwi ang bubong ay nagkakalansingan nagtungong banyo upang umihi kawang gamugamong naroon animo'y naglanguyan sa timba o nangalunod ang mga iyon anong kanilang ibinabadya - gregoriovbituinjr. 05.27.2022

Sampu

Imahe
SUMPA nanumpang gagawin daw ang lahat para sa bayan ngunit buwis na dalawang bilyon, di mabayaran ganyan ba, ganyan ba ang gagawin para sa bayan? hanggang diyan ba'y puno rin ng kasinungalingan? "ikaw kaya ang magpresidente" ang sasabihin nagbabanal-banalan ang kilalang sinungaling "ikaw kaya ang may Tallano gold" sabihin mo rin "upang tulad mo boto'y mabili rin naman namin" "may ebidensya ka ba? ilabas mo, dalian mo kung walang maipakita'y tumahimik ka, gago!" "lumaban man kami'y wala kaming pulis, sundalo na pwede mong utusan laban sa mamamayan mo" "kung wala pala kayong ebidensya, manahimik kung ayaw ninyong mga mata ninyo'y magsitirik" galit niyang sabi, ito ang tugon nami't hibik: "di kami tatahimik kung diktadura'y ibalik!" datapwat wala pa ring tiwala ang sambayanan sa anak ng pinatalsik noon sa Malakanyang patuloy at mahigpit na magmamatyag ang bayan nang panahong kasumpa-sumpa'

Inuman

Imahe
INUMAN naroon ako sa tunggaan at nakipagbalitaktakan ng ideya ng kasawian, ng kasiyahan, ng kawalan habang kabalitaktakan ko'y kung anu-anong binabato aba'y di naman bote't baso kundi ideya sa diskurso bakit ba puso'y nangangatal pag nakita'y dalagang basal bakit may nagpapatiwakal sa pag-ibig nagpakahangal patuloy ang aming pagtungga nang paksa'y mapuntang kaliwa na makatao ang adhika ang kanan ba'y pasistang sadya ang tanggero'y nawiwili rin sa marami naming usapin bago mag-uwian, nagbilin bayaran ang ininom namin - gregoriovbituinjr. 05.26.2023

Soneto 98

Imahe
SONETO  98 ni William Shakespeare malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 15 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg) Mula sa iyo na sa tagsibol ako'y nawalay Ipagyabang man ni Abril sa kanyang buong gayak Diwa ng kabataa'y nilapat sa bawat bagay Malaking Saturno'y kasamang tumawa't lumundag. Gayunman, salay ng ibon o amoy na kaytamis Ng samutsaring bulaklak sa samyo't kulay niyon Baka sa akin malikha ang kwento ng tag-init O bunutin sa kandungan nila kung laki roon; Ni sa kaputian ng liryo'y di ako nagtaka Ni purihin ang rosas sa pagkapulang kaytindi Silang anong tamis bagamat anyo'y kaysasaya Iginuhit matapos mong ayusing makandili Datapwat taglamig pa rin, malayo ka na't wala At sa anino mo'y naglaro akong walang sawa - gregoriovbituinjr. 05.26.2022 Tugmaan: abab - katinig na mahina a; katinig na malakas a; cdcd - katinig na malakas i; katinig na mahina o; efef - patinig na walang impit a; patinig na walang impit i; gg - patinig na may

Dignidad

Imahe
DIGNIDAD wala sa pagsasalita ng Ingles ang dignidad kundi sa pagpapakatao't kabutihang hangad kaygandang payo ni Lola Flora ay inilantad ni Carlo Dalisay, sa burol nito'y inilahad ang dignidad ay nasa pakikipagkapwa-tao di iyon nakikita sa pagiging Inglesero kunwa'y may pinag-aralan, Ingles doon at dito ngunit ganid, sa Ingles nanghihiram ng respeto kapwa Pinoy ang kaharap ngunit pa-Ingles-Ingles nasaan na ang dignidad kung ganito ang nais mayabang, palalo, sukaban, ah, nakakainis sa Kartilya ng Katipunan, ito:y nagkahugis kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari nga o sa pagkapari, tangos ng ilong, puting mukha; kahit laking gubat, batid lang ay sariling wika ngunit nakikipagkapwa'y may dignidad ngang sadya ang payong iyon ni Susan Roces kay Coco Martin ay magandang aral para sa henerasyon natin ang Kartilya't payo ni Susan pag sinabuhay din tunay na malaking tulong sa bayan at sa atin - gregoriovbituinjr. 05.26.2022

Nilay

Imahe
NILAY naroong makata'y tumatagay habang nakaupo't nagninilay kailan kakamtin ang tagumpay nang maitayo'y lipunang pantay makata'y matipid mang bumarik puso'y punong-puno ng himagsik mga alaala'y nagbabalik nang mabuting binhi'y naihasik madalas na ulo'y nakasubsob habang kumakatha nang marubdob mistulang kalabaw na naglublob sa putikan ng maraming kutob nalasing na ang makatang gala subalit patuloy sa pagkatha habang alak sa nguso'y bumula buti na lang ay di nasungaba - gregoriovbituinjr. 05.25.2022

Hintay lang

Imahe
HINTAY LANG nagsusumamo ang kanyang mata "Hintay lang"  ang sabi ko sa kanya matapos kumain ay nagpasya ulo ng isda'y binigay ko na ganyan ako sa mga alaga aso man iyan o kaya'y pusa askal, aspin, kahit asong gala animo'y kaibigan kong sadya nakakatuwa't nakakainis kumakain kang sapat, di labis baka makagat ka pa't may rabis sa huli ka na lang bubungisngis kay-among mukhang iyon na'y sapat upang bigyan ng makabubundat aso'y sadyang kaibigang tapat kaya ating alagaang sukat - gregoriovbituinjr. 05.25.2022

Bagong tibuyô

Imahe
BAGONG T ÍBUYÔ punô na ang isa kong tíbuyô bago'y pinag-iipunang buô upang sa dusa'y di mapayukô ilang buwan man bago mapunô kailangan kasing pag-ipunan ang kalusuga't kinabukasan ang edukasyon ng kabataan at paghahanda sa katandaan dapat talagang makapag-ipon upang may maihanda paglaon sakaling kailanganin ngayon may pandagdag, di man sapat iyon pagbabakasakali ngang sadyâ itong bagong tibuyong ginawâ magtíbuyô ta nang may mapalâ upang anumang mangyari'y handâ - gregoriovbituinjr. 05.25.2022 *  tíbuyô  - Tagalog-Batangas sa wikang Kastilang alkansya

Ang kwento ng nuno

Imahe
ANG KWENTO NG NUNO mahirap maghanap ng karayom sa dalampasigan yaong sabi ng nuno sa apo kamakailan kahit na isa kang mananahi sa kapatagan maliban kung may dala ka na mula patahian namimilosopo rin paminsan-minsan ang nuno upang mabigyang aral ang apong nakatalungko pinagmamasdan ang alon sa di naman malayo kanyang nuno'y pinakinggan ng buong diwa't puso nagkwento ang nuno ng karanasan niya noon mula bata, magbinata, mag-asawa paglaon sinariwa ang mga saya't dusa ng kahapon ng digma, ng unos, ng pagtutunggali sa alon kanya bang mga kwento'y karunungang masasabi? upang sa panahon ngayo'y may aral at may silbi? lumang panahon ba'y ating basta isasantabi? o hahalawan ng aral ang karayom ng sastre? - gregoriovbituinjr. 05.23.2023

Soneto 138

Imahe
SONETO 138 ni William Shakespeare malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 20 pantig bawat taludtod (tugmang abab-cdcd-efef-gg) Pag ang aking mahal ay sumumpang / siya'y katha sa katotohanan, Siya'y pinaniniwalaan ko / kahit siya'y nagsisinungaling, Baka ako'y isipin pa niyang / di pa edukadong kabataan, Di na natuto sa mga maling / kadalubhasaan sa daigdig. Na walang katuturang isipin / niyang ako'y ituring na bata, Danga't mga nagdaang araw ko'y / batid niyang pinakamaganda, Payak kong pinupuri ang kanyang / nagsalitang sanga-sangang dila; Kaya ang katotohanang payak / sa bawat panig ay napigil pa. Pagka-di-makatarungan niya'y / bakit kaya di niya inusal? At kahit pagiging matanda ko'y / di ko rin naman mabanggit-banggit? O, nasa tiwala yaong ano't / kaygandang gawi ng pagmamahal, At di masambit ng mga taon / kahit na ang gulang ng pag-ibig. Samakatwid ay nagsinungaling / siya sa akin, gayon din ako, Mali mang kami'y magsinungaling / ay nag

Manggagawa

Imahe
MANGGA GAWA manggagawa, mundo'y likha ninyo kayo ang bumubuhay sa mundo ngunit dahil sa kapitalismo kayo'y api, kinawawa kayo ito'y dahil kayo'y naisahan nitong kapitalistang iilan ginawa kayong tau-tauhan kayo'y napagsasamantalahan sa ganyan, huwag kayong pumayag magkapitbisig kayo't pumalag ang sistema kunwa'y di matinag kaya kayo ang unang bumasag kung wala kayo, walang Kongreso walang gusali, tulay, Senado Simbahan, at Malakanyang dito walang pag-unlad kung wala kayo binubuhay ninyo ang daigdig ekonomya'y umunlad ng liglig likha ninyo'y dapat isatinig lipunang asam ay iparinig: lipunan ng uring manggagawa na ang pagsasamantala'y wala walang kapitalistang sugapa sa tubo, walang api't dalita - gregoriovbituinjr. 05.23.2022

Kalikasan

Imahe
KALIKASAN ating kalikasan at kapaligiran ating alagaan huwag pabayaan upang salinlahi at iba pang lipi dukha't ibang uri ay di mangahikbi pagkat nawala na kalikasang sinta tila itinumba ng kapitalista at tusong hunyango para lang sa tubo paano mahango ang mundong siphayo kinalbo ang bundok gubat ay inuk-ok sa kita tumutok sa bulsa sinuksok gawin ang marapat upang yaong bundat sa tubo'y mapuknat at maisiwalat - gregoriovbituinjr. 05.23.2022

Pagtatanim

Imahe
PAGTATANIM tara, kita'y magtanim sa paso ng binhing tagos sa diwa't puso tara, kita'y magtanim ng puno alagaan ng buong pagsuyo tara, kita'y magtanim sa parang ng binhi ng kalayaang asam tara, kita'y magtanim sa ilang ng binhi ng buti't may katwiran pwede kayang magtanim sa gulong habang sa trompa'y dinig ang bulong subukan kung ito'y ikasulong ng bayang problema'y patong-patong ah, kaygandang gawa ang magtanim lalo't lumago'y punong may lilim tinikang rosas man ang masimsim may ihahandog sa sintang lihim tara, kita'y magtanim ng gulay upang may maiulam sa bahay di ba't ganito'y kaygandang pakay upang walang magutom na tunay balang araw ay may maaani lalo't inalagaang mabuti pagtatanim ay sadyang may silbi sa bayan, sa pamilya't sarili - gregoriovbituinjr. 05.23.2022

Kandila sa Bantayog

Imahe
KANDILA SA BANTAYOG sa Bantayog ay nagsindi't nagtulos ng kandila kasama ng ibang sa mahal nila'y nangulila hanggang ngayon, bayani, martir, mga iwinala ay di nililimot, naririto't ginugunita lalo't anak ng diktador sa halalan nagwagi yaong damdamin sa diktadura'y namuo muli animo'y muling nadama ang naranasang hapdi ng mga kaanak ng iwinala't nangasawi nagtulos ako ng kandila bilang pagpupugay sa mga bayaning sariling buhay ang inalay para sa lipunang makataong kanilang pakay para sa lipunang patas, pangarap nilang tunay ang kandila'y nauupos subalit naging tanglaw upang panibagong pag-asa'y ating matatanaw simbolong sa dumatal na karimlan ay may ilaw panahon nang magkaisa, mag-usap, at gumalaw - gregoriovbituinjr. 05.22.2022 * nasa Bantayog ng mga Bayani ang makatang gala, at nakiisa sa programang puno ng pagtatanghal ng tula, awit at talumpati, 05.21.2022 * may bidyo na mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/103909035577656/posts/132546

Pambura

Imahe
PAMBURA buburahin ba nila ang totoong kasaysayan ng bayan upang isulat ang kasinungalingan? buburahin ba nila ang naganap sa kahapon upang mag-imbento ng bagong kasaysayan ngayon? buburahin ba nila ang nakaraang nangyari na kalagayan daw noong diktadura'y mabuti? buburahin ba nila yaong totoong salaysay na panahong yao'y walang iwinala't pinatay? buburahin ba nila ang himagsik na sumilang dahil sa galit ng bayan sa diktadurang halang? anong klaseng pambura ang kanilang gagamitin upang nakasulat na kasaysayan ay pawiin? napupudpod din ang pambura sa dulo ng lapis pag sa kasinungalingan madla'y di makatiis di nila hahayaang mangyari ang mga ito di payag burahin ang kasaysayan ng bayan ko - gregoriovbituinjr. 05.22.2022

Halibyong

Imahe
HALIB YONG nagwagi nga ba dahil sa matitinding halibyong o fake news nang mismong masa ang ginawang panggatong daranasin bang muli ng baya'y pawang linggatong kasinungalingang kunwa'y totoo ang uusbong ah, sumasapit muli sa ating bayan ang dilim nasa dapithapon tayo't mamaya'y takipsilim matatalos ba natin bawat nakaamba't lihim mangyayari bang muli ang nagbabantang rimarim papayag ba tayong yurakan ang katotohanan hawak nila ang pambura tungo sa kadiliman anumang marapat gawin ay ating pag-usapan nang di nila mapawi ang bakas ng  nakaraan mga halibyong ay patuloy na labanan natin pati nagbabantang historical revisionism huwag nating hayaang ito'y kanilang baguhin na kunwari'y di nangyari ang diktadura't lagim - gregoriovbituinjr. 05.21.2022 * HALIBYONG - fake news, pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Usapan sa 2150

Imahe
USAPAN SA 2150 tara, kunan natin ng litrato yaong puno doon sa museyo kawili-wili raw tingnan ito nanlumo naman ang aking lolo di kasi ito inalagaan hanggang puno'y nawalang tuluyan mundo'y kay-init, walang pagtamnan ng punong sa init pananggalang kung di nagpabaya ang ninuno disin sana'y mayroon pang puno paano na? ito na'y naglaho O, tao, saan tayo patungo? BALIK SA 2022 tumitindi ang banta ng klima bagyo'y kaytindi kung manalasa bundok at gubat ay nakalbo na tuyot na ang lupang sinasaka tara, magtanim tayo ng puno diligan ito upang tumubo kumilos tayo't magtagpo-tagpo mag-usap ng puno'y di maglaho gawin natin sa kasalukuyan ang para na sa kinabukasan ng sunod na salinlahi't bayan tara, kumilos na, kaibigan - gregoriovbituinjr. 05.20.2022 * tula para sa International Museum Day, 05.18.2022 * 2 litrato mula sa google

Kahayupan

Imahe
KAHAYU PAN ang padatal bang bagong rehimen ay mapangutya't mapang-alipin matay ko mang nilayin, dibdibin ay di ko pa matanto sa hangin mababalik ba sa dating ayos na karapatan ay binabastos na mga dukha'y nabubusabos ng sistemang di ka makaraos yumayaman ang dating mayaman at dukha'y lalong nahihirapan paano ba haharapin iyan kung sistema'y pulos kahayupan marami bang muling mawawala nagprotesta'y huhulihing bigla karapata'y binabalewala hustisya'y muling ikakaila kahayupang ganyan ay masahol ah, paghandaan ang pagtatanggol magkaisa tayo sa pagtutol laban sa kahayupang bubundol sa atin, sa lupang tinubuan kung lipunang makatao'y asam may tungkulin tayong gagampanan sa panahong kinakailangan - gregoriovbituinjr. 05.19.2022

Tau-tauhan

Imahe
  TAU-TAUHAN sa pagdatal ng bagong lipunan masa'y magiging tau-tauhan ba ng halimaw na dinuduyan sa gintong nahukay ng sukaban? bagong historya'y ipalalamon sa diwa ng bagong henerasyon babalewalain ang kahapon ng bayang sa Edsa nagkatipon isusubo'y tabletang mapait upang sa ama't ina'y magalit ni ayaw iparinig ang impit ng masa sa rehimeng kaylupit bagong kasaysayan ang pagkain sa laksang diwang pabubundatin ng historical revisionism ah, nilulusaw ang diwang angkin tila tinarak sa ating likod ay matinding kamandag ng tunod nais nilang tayo'y manikluhod sa bagong poon na kunwa'y lingkod bayang ito'y ipagtanggol natin habang sinisigaw: Never Again! at sa paparating na rehimen ay muling ihiyaw: Never Again! - gregoriovbituinjr. 05.19.2022 * litratong kuha ng makatang gala sa harap ng CCP, Roxas Blvd., 05.13.2022

Tula 101

Imahe
TULA 101 nais kong matuto ng pagkatha mula sa kilala kong makata na ang layon at inaadhika ay bayang may hustisya't paglaya diona, tanaga, dalit, gansal hanguin ang salitang may busal at mga katagang isinakdal upang ihampas sa mga kupal na sa bayan ay nagpapahirap pagsasamantala'y anong saklap; habang buhay na aandap-andap ng dukha'y mapaunlad, malingap tugma't sukat na di makabikig musa ng panitik ang kaniig kahit na nagbibilang ng pantig ang asam: obrero'y kapitbisig lipunang makatao'y itayo isulat ang nadamang siphayo simbolo ng salita'y simbuyo ng damdami't diwang di natuyo iyan ang niyapos kong tungkulin sa bawat taludtod na gagawin sa mga saknong na lilikhain kahit sa kangkungan pa pulutin - gregoriovbituinjr. 05.19.2022

Pluma

Imahe
PL UMA buti, may tinta pa ang pluma ko nakapagsulat pa sa kwaderno ng samutsaring isyu at kwento pati mga paksang napagtanto tulad na lamang ng paglalakbay singhalaga'y ang lugar na pakay kahit na matagal kang nagbakay ng masasakyan ay di sumablay tulad din ng minsan kong pag-idlip ay nasalubong ang di malirip na mga katagang kung mahagip ay maunawa ang naiisip nakaupo pa rin sa bangkito kahit naninilay ay singlabo ng tubig sa kanal na mabaho ngunit mayroon ding mabubuo tulad na lang ng tula ng banal o baka kaya'y katha ng hangal magkumahog man ay di hiningal sa pagtunganga'y nakakatagal - gregoriovbituinjr. 05.18.2022

Sa Bantayog

Imahe
SA BANTAYOG sa Bantayog ng mga Bayani'y pasasalamat pagkat isa kong tula'y ipinaskil nilang sukat sa Museyo ng Manggagawà na kanilang likha para sa Mayong tinuring na Buwan ng Paggawâ pamagat ng tula'y "Lisa Balando, Unyonista" talambuhay sa pabrika hanggang pinaslang siya noong Mayo Uno, santaon bago mag-martial law na sa paraang patula ay isinalaysay ko napadalaw sa Bantayog dahil sa aktibidad ano nga bang nangyari't bansa'y tila ba sumadsad? ah, bakit nga ba nanalo ang anak ng diktador? historical revisionism na ba'y imomotor? ng parating na rehimen ng ikalawang Macoy bayan ba'y malulunod muli sa laksang kumunoy? - gregoriovbituinjr. 05.16.2022

Sa Solidaridad Bookshop

Imahe
SA SOLIDARIDAD BOOKSHOP kaisa ako ng Solidaridad Bookshop sa pagbubuo ng samutsaring pangarap para sa bayan at sa kapwa'y mapaglingap lipunang makatao'y pinalalaganap nabili ko rito'y librong mahahalaga hinggil sa kasaysayan at literatura hinggil sa sambayanan, sining at kultura hinggil sa karunungang tunay na pangmasa kinalakihan ko na ang bookshop na ito pinuntahan na mula noong kolehiyo sa pagbabasa'y natuto, nagpakatao pinaglingkuran ang bayan, uring obrero maraming salamat kay F. Sionil Jose sa mga binahaging kaalaman dine tumibay ang prinsipyo't ako'y nakumbinsi magsulat para sa masa, di pangsarili sadyang sulit ang pagbabasa't pagsisikap sa mga aklat at kaalamang natanggap muli, mabuhay ang Solidaridad Bookshop salamat, noon pa'y natagpuan kong ganap - gregoriovbituinjr. 05.16.2022

Talaghay

Imahe
11. Talaghay - Resilience * tara, gamitin na natin sa pagtulâ noong panahon ng Yolanda ay napakita raw na tunay yaong resilience o talaghay at doon tayo'y kinilala ano naman ang opinyon mo o pananaw o pagninilay taglay nga ba ng Pilipino itong resilience o talaghay - gregoriovbituinjr. 05.15.2022 * saliksik mula sa kawing na: https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/50-beautiful-filipino-words-a00293-20210816-lfrm3

Magkatoto

Imahe
MAGKATOTO I sa saknong bilang isangdaan apatnapu't siyam: tila si Florante'y inabot na ng siyam-siyam nakagapos sa puno't baka papakin ng langgam nang dumating si Aladin, mabuti't di nasuklam si Florante ay Kristyano, si Aladin ay Moro subalit nangyari sa kanila'y tila pareho sabi pa'y "taga-Albanya ka, at ako'y Persyano" dagdag pa "ikaw ay kaaway ng baya't sekta ko" "sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo" ang sabi ni Aladin sa nakagapos doong si Florante itinuring na katoto, kaibigan, kumpare iniligtas si Florante sa leyong sisila dine II katatapos lamang ng halalan sa aking bayan at tila ba may nagbabanta sa katotohanan mawawasak nga ba ang historya't paninindigan kinakaharap na ito'y paano lalabanan sa panahon ngayon, nais kitang maging katoto upang katotohanan ay ipaglabang totoo historical revisionism ba'y makakapwesto upang baguhin ang kasaysayan ng bansang ito O, mga katoto, ano bang dapat nating gawin up

Sa dyip

Imahe
SA DYIP "kalimutan na ang mag-cellphone, wag lang ang pamasahe" sa dyip na aking nasakyan, paalala sa marami habang nasa tabi ng tsuper ang isang binibini na gamit ang cellphone, dapithapon noon, maggagabi sige, mag-cellphone ka, ngunit pamasahe'y bayaran na animo sa isipan ko'y sinasabi kong talaga baka bigla kang singilin ng tsuper, bababa ka na "Hoy,   bayad mo!'  aba'y nakakahiyang masigawan ka - gregoriovbituinjr. 05.15.2022

47 T-shirt

Imahe
47 T-SHIRT apatnapu't pitong t-shirt din ang nahagod namin mula sa aming pinagawa't nag-iisang silkscreen at ngayon, silkscreen na iyon ay nagretiro man din na sa halalang ito'y sadyang nagsilbi sa atin pitong Luke t-shirt ang tinatakan namin sa likod labinglimang P.L.M. t-shirt ang aming hinagod anim na mga pulang t-shirt naman ang sumunod aba'y kaysayang maghagod kahit nakakapagod sa Welfareville People's Assembly ay labingdalawa may dalawang puting t-shirt mula kay Ate Emma may dalawang puti't isang itim mula kay Willa isama pa ang sando kong puti't sando kong pula kung apatnapu't pitong Ronin kaya ang nagsuot kasaysayan ba'y masasagip sa mga baluktot maibabagsak ba natin ang mga trapo't buktot sistemang bulok ba'y palitan ang agad na sagot apatnapu't pitong t-shirt ang aming natatakan nang makilala'y pambáto ng  Manggagawa Naman sa mga nagpatatak, salamat po ng lubusan natalo man tayo sa halalan,  TULOY ANG LABAN! - gregoriovbitui

Pagboto

Imahe
PAGBOTO Mayo a-Nwebe, magkalayo kami ni misis ko tuwing halalan, sa Maynila ako bumoboto nasa probinsya naman ang maybahay kong totoo magkahiwalay man, nagkakaisa sa pagboto ninong namin sa kasal si Ka Leody de Guzman na tumatakbo't pambáto namin sa panguluhan sina Walden at Luke ang sigaw ng puso't isipan sila'y ikinampanya't binoto naming tuluyan nagkita kami makaraan ang dalawang araw bigla akong sumaya't nakapiling ang maybahay iba man sa iba ang pananaw at natatanaw samahan namin bilang mag-asawa'y tumitibay bagamat mga pambáto namin ay di nagwagi lipunan ay patuloy pa rin naming sinusuri si misis ay mahusay manindigan at pumili at ang sistemang bulok ay ayokong manatili - gregoriovbituinjr. 05.14.2022

Medyas na butas

Imahe
MEDYAS NA BUTAS ilang araw nang suot ang medyas at talampakan ko na'y nagpaltos kaya pala, medyas na'y nabutas na ramdam sa suot kong sapatos ganyan natalo si Pacquiao noon kay Eric Morales, unang laban medyas na butas, sinisi roon na animo'y naghudas kay Pacman mahirap maglakad kapag butas ang medyas, baka paltos ang labas mahirap kung namumuno'y hudas ibebenta ka't di paparehas medyas na'y palitan o tahiin nang paltos ay maiwasan na rin kapara'y sistemang bulok man din dapat palitan, di lang ayusin - gregoriovbituinjr. 05.14.2022

Muling pagbabasa

Imahe
MULING PAGBABASA nais kong magbasa-basa, matapos ang halalan kahit mag-isa, basahin muli ang kasaysayan di lang kabisaduhin kundi ang maunawaan bakit ganito o ganyan ang naganap sa bayan historical revisionism ba'y papalaot na? babaguhin ba ang kasaysayan para sa kanila? iwawaksi ba ang totoong naganap sa Edsa? at ipagmamalaki'y Golden Age ng diktadura? dapat paghandaan ang mga labanang susunod pag-isipang mabuti, di basta sugod ng sugod dapat batid lumangoy, sumisid, nang di malunod sa sagupaang ang kaalaman ang bala't buod tara, muli tang magbasa ng ating kasaysayan, panitikang proletaryo't aralin ang lipunan bakit laksa'y mahihirap, sandakot ang mayaman kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan - gregoriovbituinjr. 05.13.2022

Lipunang Makatao: Sagot sa Kantang "Bagong Lipunan"

Imahe
LIPUNANG MAKATAO: SAGOT SA KANTANG "BAGONG LIPUNAN" Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Kampanyahan pa lang ay pinatutugtog na sa trompa o MPT ng BBM ang "Bagong Lipunan". Ang kantang pinauso noong panahon ng batas-militar, noong panahon ng diktadura. At ngayong malaki ang kalamangan ni BBM kay Leni sa halalan, at pag sumumpa na bilang pangulo si BBM, tiyak muling iilanglang sa himpapawid ang kanta ng diktadura - ang "Bagong Lipunan". Nakakasuka, pag alam mo kung ano ang awiting iyon. Ideyolohikal, kanta ng panahon ng diktadura, noong panahong maraming paglabag sa karapatang pantao, maraming tinortyur, kinulong at iwinala na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Kumbaga, labanan din ito ng kultura. Kaya balikan natin ang isa pang awiting mas nararapat na kantahin ng ating mamamayan, ang "Lipunang Makatao". Lagi itong inaawit sa mga pagtitipon ng manggagawa't maralita. Lagi itong inaawit ng grupong Teatro Pabrika sa mga pagkilos, bagam

Huwag makalimot

Imahe
HUWAG MAKALIMOT binagsak ng taumbayan ang diktadura noon huwag tayong makalimot sa kasaysayang iyon pinalaya ang bayan sa bangungot ng kahapon muli nating gawin sa kasalukuyang panahon huwag nating hayaang baguhin ang nakaraan na rerebisahin nila ang ating kasaysayan mga aral ng historya'y muli nating balikan at ating labanan ang mga kasinungalingan tuloy ang laban, di tayo basta magpapahinga ating lalabanan ang pagrebisa ng historya upang katotohanan ay di  mawawasak nila upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya huli na ito, buhay ko na'y aking gugugulin para sa manggagawa, upang tagumpay ay kamtin para sa makataong lipunang pangarap man din para sa katotohanan, ipaglalaban natin - gregoriovbituinjr. 05.11.2022 * ang litrato'y selfie ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani noong 02.25.2022, ika-36 na anibersaryo ng unang pag-aalsang Edsa

Tula sa mutya

Imahe
TULA SA MUTYA ako'y tumutula para sa natatanging mutya niring aking buhay, para sa magandang diwata buhay ko ang aking kabiyak, ang buhay ko'y tula di alintana anumang rumaragasang sigwa basta kaming dalawa'y tigib sa pagmamahalan lahat ay gagawin sa ngalan ng pag-iibigan para kaming asukal sa tamis, tulad ng langgam na ang pagsusuyuan ay tila ba walang param ang anumang problema'y pinag-uusapan namin mga napagdesisyunan ay huwag daramdamin kinabukasan ng mga bata ang iisipin kinabukasan naming pinagninilayan pa rin maraming salamat, Libay, tula mang ito'y munti kinatha dahil sa iwing puso'y namamalagi upang bigkasin, bawat salita ay piling-pili pagkat ikaw ang nasa puso ko't ipinagwagi - gregoriovbituinjr. 04.17.2022 * tulang binigkas sa pagtitipong dinaluhan namin ni misis

Boto

Imahe
B OTO pinagmamalaki kong lubos di ko ibinoto si Marcos kahit sa buhay ako'y kapos prinsipyo'y tinanganang taos may pag-asa pa rin ang bukas di man ito magkulay rosas sa puso't diwa'y mababakas binoto ko'y lipunang patas oo, tapos na ang halalan tumatak: Manggagawa Naman di man nanalo si De Guzman pagboto'y isang karangalan tandaan n'yong pluma ko'y sigwa lumaban sa trapo't kuhila ibinoto ko'y manggagawa at ang dignidad ng paggawa di pa tapos ang laban, di pa tuloy pa sa pakikibaka tungong panlipunang hustisya tungong pagbago ng sistema - gregoriovbituinjr. 05.10.2022 (sa anibersaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio)

Plataporma

Imahe
PLATAPORMA NG ATING MGA KANDIDATO minsan, isang hamon ang pagsusulat ng plataporma ng patula, lalo na sa pantigang labinlima upang maisagawa ito'y talagang binasa ang plataporma ng ating kandidatong talaga hinabi ang mga salita habang nakatitig sa mga patay na letrang bubuhayin ng tinig ng pasulat, ng pabigkas, ng pagkakapit-bisig upang mabatid ng bayan ang isyu't ating tindig disente't abot-kayang pabahay sa mamamayan sapat na panlipunang serbisyong pangkalusugan pagbaka sa diskriminasyon sa kababaihan may kumprehensibo't sustenableng City Land Use Plan abot-kaya ang presyo ng pangunahing bilihin suporta sa mga kababaihan, single parent suporta sa may kapansanan at senior citizen murang tubig at kuryente sa mamamayan natin buwagin ang mga manpower agencies na iyon upang tiyak na matigil ang kontraktwalisasyon buwagin ang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na dulot ng globalisasyon tunay na security of tenure law ay gawin na proteksyon sa unyon, karapatang ma

Dalawang aklat ng tula

Imahe
DALAWANG AKLAT NG TULA 100 Pink Poems para kay Leni , ng 67 makata 101 Red Poetry para kina Ka Leody, Walden, at sa kanilang line-up , ng 6 na makata dalawa itong magkaibang aklat ng tula katha ng mga hinahangaan kong makata marami man sa kanila'y nasa toreng garing ilan nama'y dukha't manggagawa ang kapiling tinatahak man nila'y magkakaibang landas ay magkakampi sa asam na magandang bukas kathang mula sa puso, nangangarap ng wagas ng isang lipunang pamamalakad ay patas di lipunan ng bilyonaryo't trapong kuhila di bayang kapitalistang sa tubo sugapa kundi bansang matitino ang namamahala at marahil, gobyerno ng uring manggagawa magkaiba man, may respeto sa bawat isa may rosas ang bukas, mayroong tunay na pula di dilim ng diktador, di kawalang pag-asa kundi liwanag sa dilim, may bagong umaga pagpupugay sa mga makatang naririto iba'y idolo ko, ilan ay kaibigan ko magkaiba man ng kulay, nagkatagpo tayo sa panahong hanap nati'y matinong pangulo - gregoriovbituinj

Pagkatha

Imahe
PAGKATHA katatapos lamang ng Araw ng Paggawa ngunit nagpasyang tumigil munang tumula upang ipahinga ang katawan at diwa sa mga landasing dinaanan ng sigwa ah, wala munang tula sa buwan ng Mayo magsisimula muling kumatha sa Hunyo ngunit baka di matupad ang planong ito pag Musa ng Panitik muli'y pumarito payak na salita sa mutyang tinatangi piling mga kataga sa bawat kong mithi sa mga isyung pambayan, ano ang sanhi maging handa't talasan din ang pagsusuri hintay kong lagi ang bulong ng guniguni tila sa balintataw ay may hinahabi langay-langayan akong di maisantabi pagkat sa uring manggagawa nagsisilbi mabuhay ang mga katagang nasa isip pagpugay sa mga salitang di malirip wala man sa toreng garing ay masasagip din ang makatang parikala'y halukipkip - gregoriovbituinjr. 05.02.2022