Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Setyembre, 2020

Ang karatula sa dyip

Imahe
"No face mask, no ride"  ang mas lohikal nitong mensahe nakapaskil sa dyip kaninang ako'y namasahe malaking NO't tig-apat na letrang magkakatabi disenyo nito'y tila may kaibang sinasabi tingnan muli ang ayos ng letra't baka matawa "No face" , aba'y wala ka bang mukhang ipapakita? "No mask" , anong tingin nila sa mukha mo, maskara? "No ride" , di ka makakasakay, pag wala kang pera? minsan, natatawa lang tayo sa ating sarili lalo't disenyo sa karatula'y kaiba kasi "No face mask, no ride" , pwede pag magandang binibini? pag walang face mask, bawal sumakay, kahit ang seksi! pag  "no face, no mask, no ride" , iba na ang kahulugan matatawa ka na lang pag disenyo'y inayunan malamig, di malagim, ang pusikat na karimlan buti't sa pag-uwi'y may dyip pa rin akong nasakyan - gregoriovbituinjr.

Imbudo para sa pageekobrik

Imahe
mas madali nang magpasok ng ginupit na plastik sa maliliit na bunganga nitong boteng plastik gamit ang imbudo upang plastik ay maisiksik upang bumilis ang trabaho sa pageekobrik kaya nang makita ko ang imbudo sa groseri kasama ko si misis, ito'y amin nang binili at dahil na rin sa imbudo, mas nakawiwili ang gawaing pag-eekobrik, ako mismo'y saksi noon, natatapon sa sahig ang mga ginupit na plastik, ngayong may imbudo, kaydaling isingit walang nahuhulog na plastik lalo't maliliit tila mas may inspirasyon sa panahong malupit panahong kaylupit dahil sa kwarantina't COVID kaya sa pageekobrik ang buhay nabubulid subalit ayos lang habang may trabaho pang lingid hintay pa ang patawag, magsimula pag nabatid - gregoriovbituinjr.

Huwag magtapon ng basura sa karagatan

Imahe
kayganda ng payo sa kwadernong aking nabili kwadernong dapat gamitin ng mga estudyante madaling maunawaan, sadyang napakasimple halina't basahin:  "Do not throw garbage into the sea." pakatitigan mo pa ang mga dibuho roon isdang may plastik sa tiyan pagkat kumain niyon kahihinatnan ng tao pag nangyari'y ganoon kakainin natin ang isdang plastik ang nilamon nabubulunan na nga ang karagatan sa plastik kagagawan iyon ng tao, dagat na'y humibik paano malulutas ang basurang inihasik ng tao sa dagat, kilos, huwag patumpik-tumpik ngunit ngayong nananalasa ang coronavirus lumaganap muli ang plastik, di na mabatikos ngunit sino bang lulutas sa problema'y aayos sa daigdig na sa plastik nalulunod nang lubos hangga't di pa huli ang lahat, tayo'y magsigalaw bago pa tayo balingan ng plastik na halimaw plastik ay di nabubulok, tila ito balaraw sa ating likod, kumilos na tayo, ako, ikaw - gregoriovbituinjr.

Ang mutya sa balintataw

Imahe
nakikita ko ang mutyang nakangiti sa hardin sa aking balintataw ay naroong anong hinhin ako ba'y namalikmata o nanaginip man din pagkat bigla siyang nawala't tinangay ng hangin anong ganda ng mutya kung ipipinta sa kambas habang tinutula ko ang kariktan niyang wagas baka ngiti niya ang sa sakit ko'y makalunas habang aking haraya'y paduyan-duyan sa taas tila ako isang raha doon sa daigdigan na laging nakikipaghuntahan sa mamamayan pag sumagi sa isip ang mutya'y natitigilan subalit panibagong tula'y nalilikha naman ang mutya kayang iyon ang musa nitong panitik pag nariyan siya, pluma ko'y sa papel hahalik habang tinutulungan yaong masang humihibik ng kawalan ng hustisya kaya naghihimaghik - gregoriovbituinjr * kinatha matapos basahin ang  "Notorious Literary Muses from Best to Worst"  na nasa kawing na https://lithub.com/notorious-literary-muses-from-best-to-worst/

Kaygandang islogan sa kwaderno

Imahe
"The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves." - islogan sa isang pabalat ng notbuk kayganda ng islogan sa kwadernong nabili ko wala nang alinlangang binili ko agad ito sinasalamin nito ang yakap kong prinsipyo na niyakap ko't umukit sa aking pagkatao bilang makata, bilang aktibista, bilang ako ako'y isang lingkod ng uring manggagawa't masa sa pagkilos, pagtula, pagkatha, pagpropaganda upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya lumalaban sa mapang-api't mapagsamantala inaadhika'y palitan ang bulok na sistema oo, nagsasalita ako para sa dalita para sa karapatan, hustisya, api't kawawa lalo pa't pipi't bingi ang namumunong kuhila sa burgesya'y una ang tubo't negosyo, di dukha sa tibak na tulad ko'y lipunang mapagkalinga patuloy pa ako sa pakikibaka ng uri upang sistemang bulok ay di na mananatili para sa dukha, obrero, api'y nagpupunyagi para sa magsasaka, babae, bata, kalahi upang ilagay sa tukto

Pageekobrik muli

Imahe
isang linggo rin akong tumigil na mag-ekobrik di dahil walang plastik kundi dama'y tumitirik pulos iyon na lang, araw-gabi nang nagsisiksik kahungkagan ng buhay-kwarantina'y dumidikdik tila ba pageekobrik ko'y isang pagmumukmok damang kahungkagan sa akin nakapagpalugmok ang kahungkagang ito'y nakasisira ng tuktok bagamat di ko masabing sa puso'y umuuk-ok pageekobrik na ito'y magandang adhikain nabubulunan sa plastik ang ilog, dagat natin dahil nga sa coronavirus, balik-plastik pa rin kampanyang anti-plastik ay tila ba natigil din subalit ngayon, sinimulan ko muling maggupit ng maraming plastik na naiipon kong malimit hungkag man ang dama'y mageekobrik pa ring pilit magekobrik hangga't sa kwarantina'y nakapiit - gregoriovbituinjr.

Sa sementeryo ng Malabon

Imahe
dalawang kwento itong nabatid ko't nasaliksik sa sementeryo ng Malabon ay may natititik napag-usapan lamang namin habang bumabarik na marahil din sa iba'y kwentong kahindik-hindik may rebulto roong tulad ng drowing sa hinyebra subalit baligtad ang pag-ukit ng matapos na nasa ibabaw si Taning, nag-ukit nga'y lasing ba? habang nasa ilalim si San Miguel sa dalawa sa lapida ni Ben Tumbling ay may ukit na tula kriminal mang naturingan, siya'y pinuring sadya binasa ko ang buong tula't ako'y napahanga kaykinis ng katha, pantig pa'y bilang na bilang nga ito'y nasaliksik ko lang, di ko pa nadadalaw nais ko itong puntahan, makita balang araw ang sementeryo ng Malabon kung makita ko raw sisigla ang haraya't mga diwata'y sasayaw - gregoriovbituinjr.

Ang una kong tagay sa anim-na buwang kwarantina

Imahe
ang aking bahay-alak ay muli kong napalamnan sa unang pagkakataon nitong anim-na-buwan ng panahong kwarantinang uhaw sa kalasingan tila ba nagsaya ang mga bulati sa tiyan katagay ko'y dalawang bayaw na pinsan ni misis di man madaldal, bangka ako sa kwentuhan, tsismis nagiging matabil pag may tagay, di makatiis samutsaring paksa'y napag-usapan, di man labis isang malaking Red Horse, dalawang boteng hinyebra pulutan ay fish cracker at may munting kamatis pa drowing sa hinebra'y napag-usapan, anong saya pati ang unang tagay na dinasalan pa nila samutsari raw ang seremonya sa unang tagay sa iba't ibang tribu raw, may seremonyang taglay para sa kaligtasan sa pag-uwi, walang away may bagong saliksik na namang akong naninilay salamat sa tagay malipas ang anim na buwan muling sumigla ang imahinasyon at kwentuhan may mga bagong saliksik, plano't napag-usapan na isusulat ko't ilalathala kalaunan - gregoriovbituinjr.

Dalhin mo ang basura mo

Imahe
"Bring your trash with you when you leave"  ang nasa karatula ang basura mo'y di itatapon, dadalhin mo na kaya ba ng dibdib mo ang ganitong disiplina? na basura mo'y basura mo, dapat mong ibulsa "Return packaging materials to the store of purchase." ang bilin ba nilang ito sa palagay mo'y labis? pinuntahan mo'y  "garbage-free zone" , di ka ba nainis? di ba't kaygandang sariling basura'y iniimis? tama bang basura mo'y sa bulsa muna isuksok? ganitong gawi ba'y masisikmura mong malunok? ihiwalay ang nabubulok sa di nabubulok magsunog ng basura'y bawal, nakasusulasok "Kung di mo kayang maglinis, huwag ka nang magdumi." ang biling ito sa bayan at sarili'y may silbi di ba't ang malinis na lugar ay nakawiwili? "Tapat ko, linis ko"  ay islogang dulot ay buti - gregoriovbituinjr.

Paglalaro ng math games sa selpon

Imahe
madalas, kaysarap maglaro ng math games sa selpon lalo na't napagod sa ginawa buong maghapon pahinga'y maglaro nito kaysa paglilimayon nahasa ang utak, baka humusay pa paglaon larong nagagamit ang kaalaman sa aldyebra o dyometriya, mga sangay ng matematika lalo na't mga numero'y lagi nating kasama baka matuto ka pa ng samutsaring pormula mayroong pabilisan ng adisyon at subtraksyon may patalasan sa multiplikasyon at dibisyon pormulang M.D.A.S. ay masusubok mo doon sa mundo ng sipnayan ay tila ka naglimayon sinong maysabing matematika'y nakakatakot kung sa math games sa selpon ay natutong pumalaot madali mo pang mabura't maiwasto ang sagot ang saya-saya na, laro pa'y di nakakabagot - gregoriovbituinjr.

Ginisang kamatis at hibe

Imahe
madalas, upang makamura'y di na magkakarne tulad ngayon, ginisa ko ang kamatis at hibe lalo't kwarantina, walang kita, di mapakali nagkasya man sa murang ulam, di ka magsisisi kung may serbesa't alak lang, kaysarap na pulutan habang bumabangka ka sa samutsaring kwentuhan sa sarap ng luto, baka ngalan mo'y malimutan haha, aba'y grabe, hibe't kamatis pa lang iyan sa panahon ngayon, kailangang magtipid-tipid magtanim-tanim din ng gulay sa pali-paligid malay mo, masagip sa gutom ang iyong kapatid at pamilya dahil nagsipag ka, di mo ba batid? mag-ulam din ng hibe't kamatis paminsan-minsan lalo na't tulad ko'y vegetarian at budgetarian kung maiksi ang kumot, mamaluktot ka rin naman saka umunat pag kinikita na'y kainaman - gregoriovbituinjr.

Payong

Imahe
tila dwende ang naroong nakasandal sa dingding na marahil agad reaksyon mo sa biglang tingin baka matakot ka agad pagkat mapamahiin iyon pala'y payong lang kung lapitan mo't suriin bakit kasi doon sa pader sinandal ang payong nahintakutan tuloy yaong nakakita niyon paumanhin kung natakot ka, amin iyang payong basa iyan kanina't nilagay ko iyan doon gayunman, sa matatalas at mapanuring mata tanong agad: "Kaninong payong 'to? Pahiram muna." malakas pa naman ang ulan, di siya nagdala ng payong na magagamit pagtawid ng kalsada kaya dapat maging mapanuri kahit nasaan sinabi ng mata'y huwag agad paniwalaan dapat may kongkretong pagsusuri sa kalagayan upang malayo sa anupamang kapahamakan - gregoriovbituinjr.

Talbos ng kamote't sardinas

Imahe
sa bakuran sa umaga'y kaysarap ding mamitas ng talbos ng kamoteng igigisa sa sardinas ulam din itong sa kwarantina'y pagkaing ligtas payat man ay nadarama ring ito'y pampalakas sa sibuyas at bawang ito'y aking iginisa o, kaybango ng bawang na nanuot sa sikmura hanggang nilagay ang sardinas na dinurog ko na at hinalo ang talbos, O, anong sarap ng lasa hanggang maluto na ito't sa hapag na'y hinain nilantakan din nila ang masarap kong lutuin tanghalian iyon, sa linamnam ay nabusog din sa sarap, pangalan ko'y tila nalimutan ko rin habang kumakain ay aking napagninilayan ang mga paruparong naglilibot sa lansangan at sa puno ng gumamela'y nagkakatuwaan tila kaytamis ng nektar doong masarap tikman natapos ang aming kain, tiyan din ay nabundat sa napagninilayan ay bakit napamulagat habang nililikha ang mga tulang nadalumat mula sa pintig ng puso, danas, at diwang mulat - gregoriovbituinjr.

Sabong

Imahe
ang mga manok naming alaga'y malalaki na nakikipagsabong na sa mga kapatid nila di man sila nagpapatayan, animo'y tupada di ko naman maawat, may sariling buhay sila sila'y tatlong buwang higit pa lamang nabubuhay nasubaybayan ko sila mula itlog sa salay hanggang maglabasan na ang labing-isang inakay ngayon, malaki na silang animo'y nagsasanay kung susuriin, iba ang buhay nila paglaon at pag ginusto ng tao, sila na'y isasabong buhay nila'y pagpupustahan ng mga sugarol wala silang malay na buhay nila'y binabaon inaalagaan sila upang sila'y kainin iyon ang pakinabang nila sa daigdig natin ngunit ang sugal na sabong ay inimbento man din baka magkapera kung alaga'y papanalunin - gregoriovbituinjr.

Liham

Imahe
Liham sinta ko't aking katalamitam natanggap mo ba ang aking liham sa iyo'y nais kong ipaalam ang tulang nilikha kong kay-inam kung hindi pa'y bakit magdaramdam ang pusong pagsinta'y di maparam baka sa koreo pa'y nabalam ngunit ako'y walang agam-agam sana sa koreo'y di masamsam sino bang sa tula ko'y kakamkam nagmamakata kahit di paham sana tula ko'y di mauuyam tula'y tunghayan mo'y aking asam tulang pag binasa'y kaylinamnam tulang sa tamis ay nilalanggam kung mainit man ay maligamgam - gregoriovbituinjr.

Basura

Imahe
Basura masdan mo't kayrami pa ring nagtatapon sa kalye wala bang naninita kaya sila'y nawiwili? kung di mo kayang maglinis, huwag ka nang magdumi di ba't ganitong panuntunan ay napakasimple? itapon mo ang basura mo sa tamang tapunan ibulsa muna kung walang makitang basurahan di ba't ang mundo o bansang ito'y ating tahanan? bakit mo naaatim na tahanan mo'y dumihan? bakit simpleng disiplina'y di mo pa rin magawa para kang dagang anong saya nang wala ang pusa subukan mo kayang maging magandang halimbawa na mga basura mo'y binubukod mo pang tama ang nabubulok sa hindi'y iyong paghiwalayin maeekobrik mo pa ang plastik na iipunin ang papel ay maaaring ibenta't kikita rin nabubulok ay ibaon sa lupa't pataba rin iresiklo mo ang basurang kayang maresiklo may karatula pa ngang "Basura mo, linisin mo!" at mayroon ding paalalang "Tapat ko, linis ko!" mga simpleng payo lamang ito't kayang kaya mo - gregoriovbituinjr.

Bakit dapat malinis at tuyo ang ekobrik?

Imahe
natirang sarsa sa balutang plastik ay kaytindi kaya hugasan at tanggalin ang basurang kayrami at patuyuin itong nalutan ng ispageti upang iekobrik, ito ang aking sinasabi imbes itapon sa basura'y gupit-gupitin ang malinis at tuyong plastik nating sisiksikin sa boteng plastik na dapat tuyo't malinis man din bakit dapat tuyo't malinis? aking sasagutin kung may tira-tirang kanin, latak, amag o sarsa doon sa ekobrik, may mabubuhay na bakterya paano kung ekobrik ay ginawang istraktura tulad halimbawa'y plano nating silyang panlaba ekobrik mo'y gawing brick na sadyang patitigasin pulos plastik ang laman, walang bato o buhangin upang maging silya, pitong ekobrik pagdikitin ng silicon sealant na sa dugtungan, kaytibay din kung may bakterya, silya mo'y madaling masisira unti-unti nilang sisirain ang iyong gawa baka sa paglalaba mo'y mabigatan, magiba masasaktan ka o kaya'y pag naupo ang bata kung di man silya o lamesa ang iyong gagawin kundi ipandidispley mo lama

Makakalikasang misyon ang pageekobrik

Imahe
parami ng parami ang mga basurang plastik wala bang katapusan ang paglalambing ng lintik kaya ako'y patuloy pa rin sa pageekobrik di rin ito matatapos hangga't may isisiksik di dapat natitigil kaya dapat may gumawa lalo't pagsagip sa kalikasan yaring adhika kayhirap ding mag-ekobrik, baka di ka matuwa ang misyong ito'y dapat nasa iyong puso't diwa ang pag-eekobrik ko'y di pampalipas-oras lang ayoko kasing pulos salita ng salita lang nais kong makitang may ginawa't pinagpawisan may produktong ekobrik na sadyang pinagsikapan plastik lang iyan, basura, bakit mo iniipon tanong ng isa sa kabaliwan ko raw na iyon ngunit kung sa laot, mga plastik na'y nilalamon mabuting na-eekobrik, ito na'y aking misyon - gregoriovbituinjr.

Nagkalintog dahil sa gunting

Imahe
madalas ding kasama ang lintog sa sakripisyo dahil sa pagkadikit ng gunting sa daliri ko habang nageekobrik, gupit doon, gupit dito upang nagupit sa bote'y maisiksik ng todo maglintog man sa daliri'y patuloy sa paggawa na para sa kalikasan animo'y mandirigma na sa labanan anumang sugat ay balewala nasa gitna man ng sagupaang di humuhupa tumalima agad nang kalikasan na'y humibik mga isda raw sa laot, kinakain na'y plastik kanal na'y nagbabara't lansangan na'y nagpuputik kaya heto't kinakampanyang tayo'y magekobrik magkalipak man sa palad sa pag-ekobrik niyon magkalintog man sa daliri sa gawaing iyon balewala ang sugat basta't makamit ang layon na para sa kalikasan ay gagawin ang misyon - gregoriovbituinjr. *  lintog  - tagalog-Batangas sa paltos *  lipak  - tagalog-Batangas sa kalyo

Pagsama sa petisyon

Imahe
Pagsama sa petisyon isang karangalan ang makasama sa petisyon laban sa Anti-Terror Act na sadyang lumalamon sa karapatan at dignidad ng bayang hinamon animo'y balaraw itong sa likod nakabaon buhay at dangal ay itinaya, naninindigan nang tayo'y magkaroon ng makataong lipunan sa batas kasi'y pag lumaban sa pamahalaan kahit hindi terorista'y tiyak aakusahan pag nagrali ka para sa karapatang pantao pag nagpahayag ng saloobin sa gobyerno pag may taliwas ka mang opinyon o kuro-kuro baka hulihin ka't kalaban ang turing sa iyo lipunang makatao'y hangad kaya aktibista lumalaban sa mapang-api't mapagsamantala kakampi'y manggagawa't dukha, karaniwang masa nakikibaka para sa panlipunang hustisya kasapi ng United Against Torture Coalition hangad kong minsan ay maidepensa ang petisyon sa korte, at magpapaliwanag ng mahinahon at husgado'y makumbinsi sa katumpakan niyon maraming salamat sa pagkakataong binigay ako'y naritong sa mga kasama'y nagpupugay ka

Pagpupugay sa ika-27 anibersaryo ng BMP

Imahe
Pagpupugay sa ika-27 anibersaryo ng BMP ako'y nagpupugay sa mga kasaping obrero, kasaping samahan, staff, at pamunuan nito ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa pangdalawampu't pito nitong anibersaryo nakikibakang tunay bilang uring manggagawa marubdob ang misyon bilang hukbong mapagpalaya sadyang matatag sa pagharap sa anumang sigwa lalo na't bulok na sistema ang sinasagupa pangarap itayo'y isang makataong lipunan nilalabanan ang mapagsamantala't gahaman nakikibaka para sa hustisyang panlipunan hangad ay pantay na kalagayan sa daigdigan ninanasa'y isang lipunang walang mga uri wala ring elitista, asendero't naghahari isang lipunang walang pribadong pagmamay-ari magkasangga ang manggagawa, anuman ang lahi kaya hanggang kamatayan, ako'y inyong kakampi lalo't kayo'y kasangga ko sa labanang kayrami di pagagapi, kalagayan man ay anong tindi tuloy ang laban, sa pakikibaka'y magpursigi ako'y taaskamao't taospusong nagpupugay sa B.M.

Pag-iipon ng balutan ng tabletas

Imahe
oo, iniipon ko ang balutan ng tabletas isasama sa plastik na gugupitin ko bukas oo, tama ka, sa ekobrik nga'y di ito ligtas ipapasok sa boteng plastik, ekobrik ang labas kayraming balutan ng tabletas na nakita ko may gamot sa sakit at may bitamina rin dito sayang kung ibasura lang, plastik din naman ito sa ekobrik isama pag ginupit ko nang todo tabletas nga ang iniinom ng mga maysakit na nais malunasan ang katawang nagigipit nais gumaling, kontrahin ang sakit na kaylupit iinom sa tamang oras nang gumaling ding pilit habang ako naman ay iipunin ang balutan ng tabletas bago pa mapunta sa basurahan sabi lang sa kanilang ako'y may paggagamitan iyon pala ito'y ieekobrik kong tuluyan - gregoriovbituinjr.

Suportahan ang ating mga pambato sa Math Olympiad 2020

Imahe
"Kaya n'yo iyan!" Ito ang sigaw naming narito sa ating mga magagaling na matematiko na muli pong lalaban sa Math Olympiad sa mundo nariritong sumusuporta sa ating pambato dapat daw gagawin ito ngayong taon sa Rusya subalit di na iyon tuloy dahil sa pandemya kundi gagawin na ang paligsahan sa online na  sadyang patalasan ng ulo sa matematika labanan ng estudyante sa hayskul ang Olympiad sa matematika't sana sila'y maging mapalad anim na estudyanteng kaybabata pa ng edad kinatawan ng Pilipinas, medalya ang hangad nakaraang taon, anim na medalya'y sinungkit sa United Kingdom ng mga Pinoy na nagsulit at ngayong taon, "Kaya n'yo iyan!" ang aming sambit  sana'y anim na medalyang ginto'y inyong makamit - gregoriovbituinjr * Pinaghalawan: LOOK: Young Pinoys Mathemagicians To Join First-Ever Online Int’l Math Olympiad In 2020 https://www.flipscience.ph/news/pinoy-2020-imo-math-olympiad/ PHL to compete in first online International Math Olympiad ht

Paglalagay ng floor tiles sa kubeta

Imahe
labingdalawang floor tiles ang nilagay sa kubeta inayos ayon sa disenyo nitong anong ganda tatlong sakong buhangin at medya semento'y minasa bago ko ilagay ang tiles sa sahig isa-isa ang pagsesemento'y inaral din kahit paano kaya nakapaglagay rin ng tiles doon sa banyo ayos lang trabahuhin kahit na may inidoro kaya nilinisan ko iyon bago magtrabaho sinimulan iyon ng hapon, natapos ng gabi mabuti't trinabaho ko iyon at nagkasilbi nagamit ko rin ang napag-aralan sa dyometri sa paglalapat ng floor tiles nang walang atubili buong magdamag din iyong patutuyuin muna lilinisin ang floor tiles sa umaga pag naiga saka lagyan ng grawt sa pagitan ng awang nila pag natuyo'y iis-isin ko ang tiles bawat isa patuloy akong nagninilay habang gumagawa inaanalisa ang gawang parang kumakatha matapos balangkasin ang planong nasasadiwa salamat, natapos din ang bagong obrang nalikha - gregoriovbituinjr.

Ang gunting na iyon

Imahe
kaytagal ko ring nakasama ang gunting na iyon higit limang buwan ding kasa-kasama maghapon sa paggupit-gupit ng mga plastik kong tinipon na ipapasok ko sa boteng plastik na naipon halos ganyan na araw-gabi itong ginagawa habang may pandemya kaysa naman nakatunganga ang gunting na iyong nagsilbi't kasangga kong pawa habang nageekobrik ng kusa sa aking lungga ang gunting na iyong talagang kaylaki ng silbi sa panahon ng pandemyang di ako mapakali para sa kalikasan, dito ako nawiwili kaya patuloy sa pageekobrik araw-gabi salamat sa gunting na iyong aking nakasama sa mag-aanim na buwan na ngayong kwarantina sa higit dalawampung ekobrik, nagsilbi siya salamat sa gunting na hanggang ngayon ay buhay pa - gregoriovbituinjr.

Ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan

Imahe
ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan sa anumang nangyayaring karahasan sa bayan kung bawat tula ko'y dapat iambag sa labanan ay gagawin ko para sa hustisyang panlipunan iyan ang panata ko sa karapatang pantao dapat laging iginagalang ang due process of law isusulat ko ang katiwalian sa gobyerno at itutula ko ang karahasan ng estado "Iisa ang pagkatao ng lahat,"  ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto na dakilang bayani ang akda niyang Liwanag at Dilim ay sakbibi ng makatarungang aral na sa kapwa'y may silbi para sa karapatang pantao'y nakikibaka kaya nga tinanggap kong maging isang aktibista kaya kumikilos laban sa pagsasamantala at pang-aapi ninuman sa karaniwang masa di pipi ang aking pluma't tinta, magsisiwalat ito ng kabulukang minsan ay di madalumat ako'y aktibista't makatang gagawin ang lahat upang maglantad, magsulat, maglathala, magmulat - gregoriovbituinjr.

Paglilinis ng pinulot na basurang plastik

Imahe
noong una nga'y sadyang nakakadiri talaga ang basta mamulot na lang ng plastik na basura baka may uod, pagkaing panis, o tira-tira na baka nga magpabaligtad sa iyong sikmura subalit lahat ng iyon ay nilunok ko na lang alang-alang sa kalikasan, nawala ang yabang may dignidad pa rin naman pagkat di salanggapang mas nakakasuka ang trapo't pusong halang sa aking daraanan ay naglipana ang plastik isa-isa kong pinupulot na animo'y sabik nawala na ang pandidiri't di mawaring hibik kung bunga ang plastik sa lansangan, sa bunga'y hitik pagdating sa bahay, sinabunan ko't nilinisan ginupit isa-isa't nilinis ang kabuuan binanlawan, patutuyuing buong gabi naman upang ihanda sa pag-ekobrik kinabukasan at bukas, ieekobrik ang plastik na malinis na ipapasok sa boteng iba't iba ang hugis masayang maggugupit, kamay man ay nagtitiis sa lintog subalit hinahayaan na ang amis - gregoriovbituinjr.

Pamumulot ng basurang plastik

Imahe
"Bakit mo ba pinupulot ang basura ng iba?" sabay tingin sa akin, ang nagawa ko'y mali ba? di man niya iyon sinabi'y aking nakikita ang puna sa gilid ng kanyang mapungay na mata aba'y tama naman siya't tunay na may katwiran "tapat ko, linis ko,"  sabi doon sa kalunsuran "basura mo, itapon mo,"  huwag lang sa lansangan bakit nga ba kalat ng iba'y kukunin ko naman? subalit ako'y isang makakalikasang tibak environmental activism ang sa puso't utak na kalikasan ay huwag tuluyang mapahamak sagipin ang kalikasan laban sa mga tunggak para sa ekolohiya, sa puso'y natititik alagaan ang kalikasan, tipunin ang plastik na nagkalat, gupit-gupitin at ating isiksik sa boteng plastik at patigasing bilang ekobrik kita ko sa daang kayraming plastik na nagkalat ayokong nakatanghod lang, pupulutin ang bawat naglipanang plastik bago pa mapunta sa dagat bago kainin ng isdang sa basura nabundat - gregoriovbituinjr.

Ang puri, ayon kay Plaridel

Imahe
"Huwag hayaan ang matampok sa panalo lamang... Huwag lalayo sa katwiran at sa ikagagaling ng bayan... Manalo't matalo, itayo ang puri!" ~ Marcelo H. Del Pilar, liham sa maybahay na si Marciana, Madrid, 26 Nobyembre 1889 aking pinagnilayan ang sinabi ni Plaridel na payo sa bayang sa paglaya'y di mapipigil mas mahalaga ang puri, buhay man ay makitil kaysa tampok na panalo laban sa mapaniil "Huwag hangarin ang matampok sa panalo lamang," at kanyang dinagdag: "Huwag lalayo sa katwiran," kaygandang payo, "at sa ikagagaling ng bayan." manalo't matalo, puri'y itayo't panindigan sa pagkatao'y mahalaga ang dangal, ang puri kaya nilalabanan ang sinumang naghahari magapi ang mapagsamantala't mapang-aglahi lalo na't pribilehiyo'y pribadong pag-aari huwag nating hayaang lamunin tayo ng ngitngit baka malugso ang puri't sa patalim kumapit pag-aralang mabuti ang kalagayang sinapit upang masagip ang bayan sa tumitinding gip

Sagipin ang Ilog Balili

Imahe
Sagipin ang Ilog Balili sulat sa karatula'y  "Hinagpis ng Ilog Balili" "Ibalik ninyo ang kalinisan at kagandahan ko!" dahil pag ito na'y namatay ay walang hahalili kaya ngayon pa lamang ay sagipin ito ng tao nagsalita na ang Ilog Balili, naghihinagpis pagkat sa kagagawan ng tao, dama'y mamamatay nagsusumamo na siya pagkat di na makatiis tao ang sumira, tao rin ang sa kanya'y bubuhay huwag nating pagtapunan o gagawing basurahan ang ilog na itong nagbibigay-buhay at pag-asa daluyan ng malinis na tubig, isda'y naglanguyan kaysarap pakinggan ng agos nitong tila musika sagipin ang Ilog Balili, ito'y ating buhayin istriktong patakaran dito'y dapat maisagawa alagaan na natin ang ilog, tuluyang sagipin pag nagawa ito'y isa nang magandang halimbawa - gregoriovbituinjr. 08.03.2020 * Ang nasabing karatula'y nalitratuhan ng makata sa Km. 3, La Trinidad, Benguet, malapit sa boundary ng Lungsod ng Baguio at bayan ng La Trinidad.

Kalatas sa takip

Imahe
"You help send us through college each time you buy our products." - Cordillera youth aba'y nakita ko lang iyon sa isang tindahan isang marangal na kalatas na dapat malaman upang maraming makapag-enrol sa pamantasan upang makapagtapos ang maraming kabataan sa takip ng Ube Jam, nakita kong nakasulat na pag bumili niyon ay nakatulong kang ganap upang may pangmatrikula ang mga nangangarap na makarating sa kolehiyo't sadyang mamulat dahil sa kalatas na ito'y mapapabili ka may palaman na sa tinapay, nakatulong ka pa produkto ng Good Sheperd ang Ube Jam na malasa na pag binili mo'y nakapagbigay ng pag-asa kaya nilitratuhan ko ang kalatas na iyon bakasakaling ang iba'y makatulong din doon kamtin ng kabataan ang asam na edukasyon tunay na marangal nilang adhikain at misyon - gregoriovbituinjr.

Pagbasa't pagkatha ng kwentong katatakutan

Imahe
pawang kathang isip lang ang kwentong katatakutan o kababalaghan, na binili ko pa rin naman upang masuri ko ang kanilang pamamaraan ng pagsasalaysay, nang sa gayon aking malaman bakit kaya kwentong ganito'y kinagigiliwan nais kong mabasa ang kwento sa dako pa roon sa libreto'y anim ang kwento, ito'y ang Tradisyon, Sayaw ng Kamatayan, Sumpa ng Bruha, Ang Balon, Mga Dagang Perya, at isa pa sa mga iyon, Mga Alulong sa Hatinggabi'y pamagat niyon marahil, walang diyalektika sa mga kwento ngunit sa sikolohiya, parang totoo ito huwag ka lang maniniwala sa nababasa mo binibili man ng masa'y mga kwentong ganito upang may ibang mabasa, di balitang totoo kathang isip, walang batay sa totoong naganap kung ako'y gagawa, paksa'y tokhang sa mahihirap upang may isyu pa rin, upang hustisya'y mahanap susubukan kong lumikha ng kwentong malalasap, ang hiyaw ng pamilya, na hustisya'y mahagilap - gregoriovbituinjr. 09.02.2020 * Ang libretong pinamagatang  "Mga Kwento