Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Abril, 2020

Sa araw ng paggawa

Imahe
Sa araw ng paggawa S abihin mo sa aking tamad ang mga obrero A t tiyak na makikita mo ang hinahanap mo A ng manggagawa ang umuukit ng buong mundo R amdam iyon ng lahat, na di matanggap ng tuso A t ganid sa lipunang yakap ay kapitalismo. W alang pang-aapi't pagsasamantala, pangarap N g uring manggagawang nasadlak sa dusa't hirap G agawin lahat upang bawat isa'y magsilingap P ati problema ng masa'y kanilang hinaharap A t gumagawa ng solusyon sa problemang lasap. G usto ng obrero'y maging pantay ang kalagayan G anap na pagbabagong adhika ng mamamayan A t gabay din ng masa upang matutong lumaban W awasaking lubos ang kapitalismong gahaman A t itatatag ang makamanggagawang lipunan. - gregbituinjr. 04.30.2020

Sa bisperas ng Araw ng Paggawa

dapat ay katapusan na ng kwarantina ngayon petsa Abril a-trenta, nagbago na't may ekstensyon petsa Mayo a-kinse ang bago nilang suhestyon kalahating buwan pang kulong sa bahay maghapon bisperas pa naman ngayon ng Araw ng Paggawa ng pandaigdigang araw ng uring manggagawa kahit nasa lockdown man, magdiriwang sa gunita bukas, alalahanin ang proletaryong dakila may ekstensyon man, tuloy ang gampanin at pagkilos sa anumang paraan, gawa'y nilulubos-lubos na mabago pa rin ang sistemang mapambusabos at mapagkaisa ang manggagawang dukhang kapos katapusan na ng buwan, anong nababanaag? may bagong pag-asa ba o buhay pa rin ay hungkag? "flatten the curve", sana kurba'y tuluyan nang mapatag upang madamang ang kalooban na'y pumanatag - gregbituinjr.

Danggit at hawot

Imahe
Danggit at hawot danggit at hawot, parehong tuyo ngayong umaga ang aming inulam na kahit papaano'y mura kaysa processed food o junk food doon sa groseriya mabuti't di na muna isdang kinulong sa lata pinirito ko sa kawali ang parehong tuyo basta huwag masunog ay agad kong hinahango matigas na mantika'y lumalambot sa pagluto kasabay ng kanin, aba'y anong sarap isubo pag masarap ang almusal, masigla ang katawan dama mong sa anumang gagawin ay gaganahan mahalaga'y di magutom ang tiyan at isipan maglampaso, magwalis, maglaba, o magdilig man danggit at hawot, isawsaw sa suka, O,  kaysarap habang sa isip ay may kung anong inaapuhap sa pagkatha, wastong salita ang aking hagilap upang mambabasa'y may bagong pag-asang malasap - gregbituinjr. 04.28.2020

Ginisang karot at wombok

Imahe
Ginisang karot at wombok ginisang karot at wombok ang inulam kagabi na hinaluan pa ni misis ng tunang Century sa sarap, pakiramdam ng katawan mo'y iigi aaliwalas agad ang mukhang di mapakali kaysarap iulam ng ginisang karot at wombok maganda sa katawan, di ka agad inaantok pakiramdam mo'y aktibo ka sa pakikilahok kaya pagkakain, nilinis ang kawali't sandok ang kasarapang ito sana'y malasahan mo rin at di ka magsisising masarap ang iyong kain subukan mo kayang magluto nito't gagaan din ang pakiramdam mo kahit ito'y iyong papakin tila sa nananalasang sakit ay gamot ito o tingin ko lang pagkat wala nang sakit ng ulo baka mawala ang kulubot at gatla sa noo ah, basta masarap ito't sasaya ka rin dito - gregbituinjr. 04.28.2020 * wombok - ang tawag sa petsay-Baguio, ayon kay misis

Bandalismo

sa pader, anila, bandalismo'y pagdudumi lang na gawain ng walang magawa, may pusong halang ngunit anong istorya sa likod ng mga patlang bakit isyu ng bayan ang doon ay nakasalang bakit naman bandalismo'y napiling gawin nila? may dahilan kung bakit natin ito nakikita upang mabasa ng madla ang hinaing ng masa at mabasa ang di binabalita ng masmidya huwag mong laging tingnan kung bakit ito dumumi suriin mo rin anong nakasulat na mensahe bakit nasa pader ang sa masmidya'y di masabi alamin bakit hibik ng masa'y sinasantabi bandalismo'y armas ng pinagsasamantalahan, ng inaapi't ginigipit nating mamamayan sa pader pinagsasalita ang nasa isipan na di masabi't maulat ng masmidya sa bayan - gregbituinjr.

Ang kwarantina'y isang garison

ang lockdown o kwarantina'y parang isang garison sa sariling tahanan ay bilanggong nakakulong tingin sa sarili'y walang kwenta, nabuburyong nabubuhay, ani Balagtas, sa "kutya't linggatong" nabubusog ang tulad ko sa maraming palagay habang gutom sa hustisya ang natokhang, pinatay guniguni'y may binubulong habang nagninilay dapat kong ituloy ang gawaing basa-talakay malupit ang pakiramdam sa bahay nakapiit para bang sa kwarantina lagi kang nakapikit habang kinukulong din ang vendors na maliliit sa iba'y munting bagay, sa akin nakakagalit ramdam ko'y buryong sa kwarantina, sa totoo lang sa garisong ganito'y nais ko na'y kalayaan ngunit nais ko pang manatili ang katinuan kaya tula pa rin ng tula sa kasalukuyan - gregbituinjr.

Ang buhay ko'y pakikibaka

Imahe
Ang buhay ko'y pakikibaka ang buhay ko'y pakikibaka, alam nila iyan mamamatay akong adhikain pa rin ay tangan di mawawala ang prinsipyo sa puso't isipan mamatay man ako, patuloy na maninindigan sa parlamento ng lansangan kapiling ng masa kumikilos pa rin at magtatatlong dekada na di tumitigil, hanggang kamatayan ang pagbaka alam nila ito, ang buhay ko'y pakikibaka sayang ang buhay ko kung mananahimik sa tabi habang naghihikahos ay parami ng parami kaya ayokong iniisip na lang ay sarili kikilos pa rin ako't sa bayan ay magsisilbi "Be a man for others,"  ang payo nga ng paaralan tapos magiging makasarili kang mamamayan? sayang ang buhay ko kung ganyan ang nasa isipan para kang buwayang nanggagalugad sa katihan "Iisa ang pagkatao ng lahat,"  ang sabi nga ni Emilio Jacinto, bayaning mapagkalinga kaya kasama ko'y aping uri, obrero't dukha pagpapakatao'y tunay na gawaing dakila - gregbituinjr. 04.25.2020 *  &

Matapos ang lockdown

matapos ang lockdown, ako na'y magboboluntaryo sa mga nangangailangan ng aking serbisyo kahit walang sahod o kaya'y mababa ang sweldo ibabalik kong muli ang sigla nitong buhay ko  masisilayan akong muli sa pakikibaka at magsusulat pa rin ng artikulong pangmasa ipaglalaban pa rin ang panlipunang hustisya at muling sasama sa pagbabago ng sistema hihiwalay sa mga sagabal sa simulain lalayuan ang sinumang balakid sa layunin una lagi'y prinsipyo't niyakap na adhikain iba'y suporta lang sa sinumpaan kong tungkulin matapos lang ang lockdown, patuloy ang aking misyon kikilos para sa adhikaing niyakap noon ayokong basta na lang mawala sa sirkulasyon mabuti nang mamatay kaysa mawala ang layon - gregbituinjr.

Huwag kang lumabas ng bahay, baka barilin ka

huwag kang lumabas ng bahay, baka barilin ka huwag kang bumili ng bigas, baka barilin ka huwag maghanap ng pagkain, baka barilin ka huwag ka nang magsalita, babarilin ka nila huwag hayaang magutom ang pamilya, ingat ka - gregbituinjr. 04.24.2020

Isa akong loner

isa akong loner, anila'y may sariling mundo lumaking laging nag-iisa, introvert daw ako mundo'y pagsusulat, diwata ang kahalubilo sa loob ng panitikan ang buhay ng tulad ko hanggang napag-isip ko, ganito lang ba ang buhay lumabas ako sa kahon at aking napagnilay nais kong mag-ambag sa bayan, buhay ay ialay hanggang piliin ko nang maging tibak habambuhay isa akong loner, sanay kumilos nang mag-isa tungkulin ay ginagawang buong tapat sa masa kahit paminsan-minsan ay dinadalaw ng musa ng panitik na naging kaulayaw ko noon pa isa akong loner, sa bayan ko'y nababagabag anong tulong ba ang ibibigay ko't iaambag sabi ko sa musa, prinsipyo ko'y di matitinag basta ginagawa ko'y tama't walang nilalabag maraming salamat kung ako'y naunawaan din inasawa ng magiliw ang loner na patpatin sana'y maunawaan din ang prinsipyo kong angkin na kung mamamatay ako'y yakap-yakap ko pa rin - gregbituinjr.

Mapuputing ulap

pinagmamasdan kong muli ang mapuputing ulap at muling naghahabi ng mga bunying pangarap gayong sa lockdown ay pagkalugmok ang nalalasap tila pati sa sarili, ako na'y nagpapanggap nagpapanggap na kunwari ako'y malakas pa rin kahit dama'y panghihina ng katawang patpatin na ang isang sakong bigas ay kaya pang buhatin na sampung kilometro'y kayang-kaya pang lakarin matatag pa rin sa niyakap kong paninindigan lalo na't ako'y wala namang layaw sa katawan tumutula upang manatili ang katinuan nilalaro'y sudoku, inaaliw ang isipan langit na'y nagdidilim, may paparating  na unos at ang mapuputing ulap animo'y nauubos paano na haharapin itong paghihikahos sa gitna ng kwarantinang sa bayan nakayapos - gregbituinjr.

Naglalaro ang mga manok

tinititigan kong naglalaro ang mga manok animo'y nagbibiruan silang di mo maarok pinagmamasdan silang ang dama ko'y pagkalugmok tila ba bawat kalamnan ko'y nais magsiputok kailan ba matatapos ang kwarantinang ito nang makahanap ng gawaing kumikita ako mahirap ang walang kita sa sitwasyong ganito pakiramdam ko sa sarili, ako na'y perwisyo isa lang akong pabigat sa pamilya ng byenan walang maiambag upang magkalaman ang tiyan lagi'y lampaso, linis, laba, maghugas ng pinggan paikot-ikot na lang, wala nang ambag sa bayan sana'y matapos na ang lockdown na di na mabata nais kong muling magboluntaryo't bagong simula muling gagampanan ang tungkuling mapagpalaya at muling makibaka laban sa mga kuhila - gregbituinjr.

Problema'y disiplina, kamatayan ang parusa

Imahe
Problema'y disiplina, kamatayan ang parusa problema'y disiplina, kamatayan ang parusa pasaway kasi ang mga nagugutom na masa ang sabi ng pangulo, pasaway ay barilin na at mga trigger-happy'y ginawa ang atas niya pareho silang sa dugo ng kapwa naglalaway sa hazing kasi ang mga trigger-happy sinanay kunwari'y walang alam sa karapatan at buhay dahil pasaway kaya babarilin nilang tunay sariling rules of engagement ay binabalewala anang pangulo kasi, sagot niya ang maysala sumunod lang sa asong ulol ang mga kuhila basta sinabi ng boss nila, wala silang ngawa problema'y disiplina, ang parusa'y kamatayan solusyon nila'y pagpaslang sa problema ng bayan solusyon lagi'y E.J.K. imbes na malunasan ang sakit at kagutuman ng kapwa kababayan - gregbituinjr. 04.23.2020

Pagninilay sa kawalan

Imahe
Pagninilay sa kawalan higit sa isang buwan na ang kwarantinang ito lampaso, linis, laba, luto, lalo't lockdown dito nagbubutingting lang sa bahay, solusyon ba'y ano? mas malabo pa sa sabaw ng pusit ang ganito gayunman, sa mga frontliners, maraming salamat sa inyong pagtulong upang virus ay di kumalat sana lunas sa virus ay matagpuan nang sukat para sa kinabukasan, kalusugan ng lahat dahil sa kwarantina, tayo'y sa bahay maglagi upang di mahawa, sumunod kahit panandali di tayo habang lockdown sa bahay mananatili magugutom ang pamilya't magbabakasakali titigan minsan ang mga bituin sa karimlan at pagnilayan mo ang hakbang sa kinabukasan tiyak na mayroon ka ring nais maliwanagan habang matamang nakatitig doon sa kawalan - gregbituinjr. 04.23.2020

Unang pantigan bilang bagong eksperimentasyon ko sa pagtula

Imahe
UNANG PANTIGAN BILANG BAGONG EKSPERIMENTASYON KO SA PAGTULA Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa panahon ng kawarantina, ayokong maging tambay lang sa bahay. Kaya nagsagawa ako ng eksperimentasyon sa pagtula. Nakagawian ko nang gawin ang estilong akrostika, o yaong mga tulang may ibig sabihin ang unang titik ng bawat taludtod, o pag binasa mo pababa ang unang letra ng bawat taludtod ay may lalabas na salita, parirala o pangungusap. Tulad ng tula ko sa  Earth Day 2020 , na ang unang titik ng bawat taludtod pag binasa mo ay Earth Day, at sa  Soneto sa Pamamaslang  na ang nakatagong mensahe'y sa anyong akrostika.  Tula sa Earth Day 2020 E arth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig A lagaan ang kalikasan at magkapitbisig R itmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig? T ao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig H alina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig. D umi sa paligid, basura sa laot at tuktok A ng upos, plastik at polusyong naka

Soneto: Kapit sa Patalim

Imahe
Soneto: Kapit sa Patalim K warantina'y higit isang buwan na, walang kita A no na bang dapat gawin, tutunganga na lang ba? P aano na kami kung patuloy ang kwarantina? I nipong pera'y ubos na, tibuyo'y bubuksan na? T ibuyo'y may kaunting barya, walang limang daan S aan ito aabot kung lockdown pa'y isang buwan? A ng hirap ng baon sa utang na di mabayaran P ati yata puri'y baka maibentang tuluyan. A lalay mula sa gobyerno'y sadya namang kapos T unay na sa sampung milyong tao, ayuda'y ubos A ng daming kakapit sa patalim, walang panustos L umalalang sitwasyon ba'y kailan matatapos? I siping maigi ang solusyon at magmadali M agbayanihan tayo'y nawa'y wala nang masawi. - gregbituinjr. 04.23.2020

Pagsipat sa apat na kwento ngayong umaga

Imahe
PAGSIPAT SA APAT NA KWENTO NGAYONG UMAGA kum akain na lang dalawang beses isang araw kum akayod pa rin sa kabila ng pamamanglaw kum akanta't tutugtog sa youtube kahit mababaw kum akasa na't sana'y tanggapin, hataw ng hataw kum indat ang mutyang diwatang kaysarap ng ngiti kum isig ba ang binatang nagbabakasakali kum isap ang ningning sa mata't ngiti'y namutawi kum ilos siya't masagot na, agad magmadali kum ulo na ang tiyan, walang laman ang sikmura kum urot sa puso ang anak na nagugutom na kum ulimlim na naman ang langit ngayong umaga kum usta na kaya ang nasa malayong pamilya kum punihin ko man ang mga sira't magbutingting kum pulan ay bawal din, dapat may social distancing kum pas ng kamay nawa'y suriin ng magagaling kum pay para sa alaga ko sana'y makarating - gregbituinjr. 04.23.2020

Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat

Imahe
Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat kuliglig ba'y dinig ko o tulog pa silang lahat? kulisap na iba't iba'y naroroong nagkalat kulit ni bunsong di mapakali'y saan nagbuhat? kulog at kidlat animo'y naglampungan sa langit kulob sa munting dampang munting kibot lalangitngit kulong pa sa dampa pagkat kwarantina'y naulit kulo pa ang tiyan, sana'y di naman magkasakit kulang pa ba sa pamilya ang rasyong ibinigay? kulata pa'y aabutin pag lumabas ng bahay kulaba sa mata'y tila lumaki't nangangalay kulag at gutom pa'y dama, buti't di nangingisay kulti ang tawag sa pabrika ng balat ng hayop kultibasyon ba'y tinitiyak upang magkasalop? kulto sana'y tigilan ang pagsipsip at pagsupsop kultura'y ating linangin nang di basta masakop - gregbituinjr. 04.22.2020 (Earth Day)

Kasabihan, kasarinlan, kasaysayan

Imahe
Kasabihan, kasarinlan, kasaysayan kasalukuyan ngang mayroon pa ring COVID-19 kasador o mangangaso'y hanap din ay pagkain kasado rin tayong kumilos upang di gutumin kasaba man, kamote o talbos lang ang kainin kasama, patuloy tayong makibaka't kumilos kasapi tayo nitong lipunang binubusabos kasali man o hindi'y kayraming naghihikahos kasangkot tayo sa bayan nating dapat matubos kasalanan sa bayan ang ganid na paghahari kasakiman nila sa tubo'y pinananatili kasagwaang pagyakap sa pribadong pag-aari kasayahan sa tuso't mapagsamantalang uri kasabihan nga'y tuloy pa rin ang pakikibaka kasabayan man o hindi, tayo'y may ninanasa kasarinlan sa pang-aapi't pagsasamantala kasaysayang ang nagbuo'y ang pagkilos ng masa - gregbituinjr. 04.22.2020 (Earth Day)

Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin

Imahe
Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin (Abril 22, 1970 - Enero 21, 1924) sa pangsandaan limampung kaarawan ni Lenin halina't siyang taas-kamaong batiin tunay siyang inspirasyon ng rebolusyon natin pinuno ng Bolshevik, bayaning tunay, magiting mga aral niya't sulatin ay ating balikan kunan natin ng aral ang kanilang kasaysayan paano nanalo sa Tsar at mga gahaman? anong niyakap nilang prinsipyo't paninindigan? nagtagumpay sila kasama ang obrero't masa dahil sa kanya, ang prinsipyo'y di na lang Marxista Marxismo'y sinabuhay, pinaunlad ang teorya kaya yumakap doon ay Marxista- Leninista mabuhay ka, Vladimir Lenin, mabuhay! Mabuhay! inorganisa'y Bolshevik, proletaryo'y kaugnay para sa uring manggagawa, buhay ay inalay sa iyong kaarawan, taospusong pagpupugay! - gregbituinjr. 04.22.2020

Tula sa Earth Day 2020

Imahe
Tula sa Earth Day 2020 E arth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig A lagaan ang kalikasan at magkapitbisig R itmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig? T ao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig H alina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig. D umi sa paligid, basura sa laot at tuktok A ng upos, plastik at polusyong nakasusulasok Y inari ng taong siya ring lulutas, lalahok. - gregbituinjr. 04.22.2020

Maitim man ang balat

huwag mong hanapin sa akin ang di naman ako isang taong mayaman, may negosyo, nakapolo huwag mong hanapin sa akin ang maputing tao gayong sa simula pa'y alam mong maitim ako maitim ang balat, di ang budhi o pagkatao ayaw mong mag-isip ako't sa bayan makialam? tula'y nang-aagaw ba ng pagsintang di maparam? imomolde mo ba ako sa iyong inaasam? papuputiin mo ang kayumangging kaligatan? babaguhin mo rin ba ang buo kong katauhan? ako'y aktibistang nais mong maging negosyante di problema kung nais mong ako'y mukhang disente ngunit puso't diwa ko ba'y susunod sa diskarte? mula sa mabuting tibak ay magiging salbahe? pagkatao'y wala na't sa iba na magsisilbi? ang maglingkod sa burgesya't kapitalista'y ano? magpaalipin dahil lang sa karampot na sweldo? winasak ko lamang ang prinsipyo ko't pagkatao pag tuluyang nangyari iyan, nakapanlulumo di na ako ang ako, pagkat pinaslang na ako - gregbituinjr.

Rebolusyonaryong pag-ibig, ayon kay Che

Imahe
Rebolusyonaryong pag-ibig, ayon kay Che “At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love." ~ Argentinian doctor Che Guevara alam kong may puwang pa sa puso mo ang pag-ibig ito ang rason bakit tayo nagkakapitbisig sa ating kapwa't dinadamayan ang walang tinig pagkat tayo'y magkakapatid sa buong daigdig kaya huwag kang mainggit na mayaman ang iba marami sa kanila'y nabubuhay lang sa pera di nagpapakatao, at balewala ang masa walang pakialaman, iyan ang prinsipyo nila puno ng pag-ibig ang nakikibakang tulad mo nakikipagkapwa, naninindigan, may prinsipyo tulad mo'y di mukhang pera kundi talagang tao mabuhay ang tulad mong ang adhika'y pagbabago rebolusyonaryong pag-ibig ang nagpapakilos upang magkaroon ng sistemang walang busabos itatayo ang lipunang walang naghihikahos adhika'y lipunang pantay na walang dukha't kapos - gregbituinjr.

Hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula

Imahe
Hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula sa nais magbasa nito o bigkasin sa madla at kung kailangan, sila pa'y aking igagawa ng tula, basta magmungkahi lang sila ng paksa gayunman, salamat din sa mga di nagbabasa dahil ang mas nais nilang basahin ay nobela baka tingin nila ginagawa ko'y propaganda gayong tula'y pagbibigay ng pag-asa sa masa lumaki na akong nakikibaka't di maramot pag may pera'y galante, pag walang pera'y kuripot ngunit aking mga katha'y di ko ipagdadamot ito'y paraan ko ng pagsisilbing walang imbot sana'y malathala ang mga ito sa magasin sa mga dyaryo, libro, o iba pang babasahin kung mamatay na ako'y daigdig na ang aangkin nitong mga tulang aking kinatha't di na akin - gregbituinjr.

Taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

Imahe
Taluktok ay naaabot din ng nakikibaka talahulugan ay magandang gawin nating gabay talasalitaan ay gamitin sa tagulaylay talata o saknong man ay may akibat na lumbay talastas mo dapat ang paksang iyong naninilay talindaw ang katha habang bumabaybay sa ilog talinghaga sa bawat saknong ay damhin mo, irog talino'y linangin sa mga tulang maalindog taliwas man sa burgesya'y panindigan ang handog talos mo naman bakit tinalakay mo ang isyu talop na talop mo ang buong paksa hanggang dulo talo man sa debate, isyu'y nalaman ng tao talon man sila sa tuwa, tumindig kang totoo talumpati'y atake man sa bulok na sistema taludtod mo'y patama man sa sukab na burgesya talukod ka sa sambayanang laging may pag-asa taluktok ay naaabot din ng nakikibaka - gregbituinjr.

Ang tagpo'y tagpos man sa takdang panahon

Imahe
ANG TAGPO'Y TAGPOS MAN SA TAKDANG PANAHON tagaktak ang pawis sa bawat niyang pagpunyagi tagal man ng kwarantina'y di nagpapaduhagi tagas sa gripo'y papasakang may pagmamadali tagasaan man ay laging nagbabakasakali tagistis ang pawis sa pagsisipag nilang todo tagilid kasi ang kabuhayang walang trabaho tagibang habang iniisip ang kasunod nito tagisan muna tayo sa paglaro ng sudoku tagunton ang nililikha ng makata ng buhay tagulaylay ang kinakatha habang nagninilay taguyod ang panitikang may mga akdang lantay taguri sa makata'y isang libo't isang panday tagpong kung di matingkala'y baka di makaahon tagpos man o sadyang lampas na sa takdang panahon - gregbituinjr.

Mag-Bitamina D, panlaban sa sakit

Imahe
Mag-Bitamina D, panlaban sa sakit gumising ng maaga, isang oras sa arawan Bitamina D umano sa sakit ay panlaban ang init ng araw ay pampalakas ng katawan upang kurikong at kagaw ay mawalang tuluyan pagitan ng ikapito't ikawalo ang init sa umaga'y tamang oras, gawin itong malimit huwag sa tanghaling tapat, sa balat ay masakit mag-ehersisyo ka rin, pagpapainit ay sulit ano ba kung mainitan ng araw sa umaga? balat mo'y mangingitim? puti mo'y mawawala na? kung ayaw mong magkasakit, mag-Bitamina D ka isiping nilalabanan ang virus sa tuwina kung may sakit ka'y baka unti-unti nang mawala at papatayin ng init iyang virus na banta nagbabakasakali, nag-iisip, ginagawa para sa kalusugan mo, ng pamilya't ng madla - gregbituinjr.

Tula sa World Creativity and Innovation Day

Imahe
Tula sa World Creativity and Innovation Day M aging malikhain sa panahon ng COVID-19 A ng trabaho mo sa labas ay sa bahay na gawin G ising man ang diwa sa paligid, magsuri pa rin I nobasyon ng bagay-bagay ay iyong likhain N aplano mo ba paanong dampa mo'y palakihin? G uhitin sa isip ang mga inobasyong asam M agsuri ng kongkreto sa kongkretong kalagayan A ng sirang gamit ba'y maaayos pa sa tahanan? L atang walang laman ay maaaring pagtaniman I punin ang mga walang lamang bote't linisan K unin ang pluma't papel, magsulat, ano bang plano H uwag maging kantanod na nanonood lang dito A balahin ang sarili't likhain ang kung ano I siping sa paligid, may magagawa kang bago N awa ang malikha mo'y makakatulong sa tao. - gregbituinjr.

Kainin mo na lang kaya ang basura mo

Imahe
KAININ MO NA LANG KAYA ANG BASURA MO "kainin mo na lang kaya ang basura mo kung pagtatapon ay di mo kayang iwasto" ito ang sabi ng isang galit na tao na minsan pakinggan mo rin ang hibik nito itapon mo kasi sa tamang basurahan imbes ikalat ang basura mo kung saan kumain ng mais sa loob ng sasakyan itatapon mo ba saan ang busal niyan? kaya mo bang kainin ang iyong basura tulad ng kinain nitong isda sa sapa na ating ikinalat kaya naglipana sa kanal, sa dagat, sa ilog, kung saan pa isdang kumain ng basura'y huhulihin ibebenta, bibilhin, ating lulutuin mga anak ay masayang ito'y kainin ulam itong makabubusog din sa atin sa ganyan natin kinakain ang basura kaya yaong galit na tao'y tama pala mauulit muli kung walang disiplina kung wala kang sakit, baka magkasakit na - gregbituinjr.

Di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy

Di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy dahil tao'y may dignidad, kahit na nagngunguyngoy di paaapi o pasisindak kahit palaboy ang tao'y may dangal, kahit sanggol pang inuugoy di tayo mga asong nangingilala kung sino na pag sinabihang mangagat, mangangagat ito tayo'y taong may isip, may dangal, alam ang wasto di tayo asong bahag ang buntot sa trapo't gago hayaan ang mga asong sa amo nila'y tapat na kung nais kang ipakagat, ito'y mangangagat tayo'y taong alam ang tama, may isip na mulat batid ano ang hustisya't karapatan ng lahat. - gregbituinjr. 04.20.2020 *  PAYIPOY  - paggalaw ng buntot, gaya ng sa aso, mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino, na inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 152

Singlakas pa ng kalabaw

Imahe
SINGLAKAS PA NG KALABAW isang taon na lang ako, nasa isip ko'y lahad ganito na taun-taon, habang nagkakaedad may iniinda mang sakit ay sikreto't di lantad di naman ako nagpapa-check up dahil may bayad malakas pa ako, malakas pa, ang laging isip sakit na iniinda'y iiwan sa panaginip singlakas ng kalabaw, sa rali nga'y di mahagip ngunit ang manggagamot kaya'y anong nasisilip? ayokong magpa-check up, ayokong magpaospital sa pa-check up pa lang, magbabayad ka na ng mahal check up ay mahal, gamot ay mahal, ako ba'y hangal di pa Cuba ang palakad sa bansang ating mahal kaya tama lang isipin kong ako'y malakas pa at magagawa pang tumindig nitong akin, sinta tulad ng kalabaw na nag-aararo tuwina malakas pa't kunwari'y sakit ay di nadarama - gregbituinjr.

Wastong gamit ng si, sina, sila at kina

Imahe
Wastong gamit ng si, sina, sila at kina sina Pedro, imbes na sila Pedro, ang gamitin kina Ben, imbes na kila Ben, ang wastong sulatin ang balarila'y unawain at aralin natin wastong gamit ng mga salita'y ating linangin ang pangmaramihan ng si ay sina, at di sila dahil karugtong ng si ay pangalan, si at sina ang sila ay panghalip, saan ba sila nagpunta nagtungo sila kay Petra, nagpunta kina Petra kina dahil marami ang naroon sa tahanan nina Petra, kay Petra kung isa lang pinuntahan direkta ang kay at ang kina ay pangmaramihan at di rin kila kundi kina ang wastong paraan payak kung uunawain ang balarilang ito na kung aaralin, makakapagsulat ng wasto lalo kung nagsusulat ka sa dyaryo o ng libro aba'y magsulat ka na ng wasto, aming katoto - gregbituinjr.

Ako'y mamamayan ng daigdig

Imahe
AKO'Y MAMAMAYAN NG DAIGDIG ako'y mamamayan ng daigdig laging nakikipagkapitbisig sa dukha't obrerong nilulupig sila'y kasama kong mang-uusig laban sa kuhilang mapanlupig nakikiisa sa manggagawa sa misyon nilang sadyang dakila na bulok na sistema'y mawala kaisa pati nagdaralita itatayo'y lipunan ng madla internasyunalismo ang taglay adhika'y lipunang pantay-pantay at mundong makatao ang pakay proseso'y nirerespetong tunay pati na karapatan at buhay hangad ang panlipunang hustisya mawala ang pagsasamantala baguhin ang bulok na sistema organisahing tunay ang masa anumang bansa nanggaling sila misyong may isusubo sa bibig ang dalitang winalan ng tinig sa pang-aapi'y di padadaig dahilan ko'y dapat n'yong marinig: ako'y mamamayan ng daigdig! - gregbituinjr. 04.20.2020 * "Ako'y mamamayan ng daigdig" - ito ang plano kong gawing pamagat ng susunod kong aklat ng mga tula.

Basurang tinapon mo'y babalik sa iyo

Imahe
Basurang tinapon mo'y babalik sa iyo sa laot, tila ang mga isda'y nagpipiyesta sa dami ng kinalat ng tao't ibinasura upos ng sigarilyo, plastik, walang lamang lata huhulihin ang isda't kakainin natin sila paano na ang iyong kalusugan pag kinain ang mga isdang kumain din ng basura natin nagkatotoo ang kasabihang atin nang dinggin basurang tinapon natin ay babalik sa atin kinakain ng mga isda'y sangkaterbang plastik na sa buong katawan nila'y talagang sumiksik tama ba ang nangyaring ito, ngayon ka umimik disiplina sa basura ngayon ang ating hibik huwag nang magkalat, disiplinahin ang sarili sa pagbukod ng basura'y huwag mag-atubili gawin kung anong wasto, sabihin din sa katabi para sa kalusugan mo at ng nakararami - gregbituinjr. 04.20.2020

Bawal ang halibyong

Imahe
BAWAL ANG HALIBYONG bawal ang halibyong o fake news na ipamahagi kahit sinong balasubas ay di dapat bumali sa panawagang halibyong o fake news na'y mapawi pagkat totoong balita ang dapat manatili birtud sa fake news ng haliparot ba'y balewala? tagapagtaguyod ba ng halibyong na'y luluha? pagkat kapangyarihan nila'y tinitirang lubha? ang reyna halibyong kaya'y tuluyang magwawala? huwag nating kukunsintihin ang mga halibyong dahil may toyo ang mga nagpapadala niyon anong mahihita nila kung di man sila gunggong? pabanguhin lang ang pangalan ng idolong lulong? paano babango kung iuulat nila'y mali? kung di katotohanan, kasinungalingan lagi upang sa kanilang propaganda, sila'y magwagi? habang mismong katotohanan ang dinuduhagi? tama na ang halibyong, lumikha'y nakakasuka anong intensyon nila't inililigaw ang masa? kung binabayaran sila rito't nagkakapera marahil, may pakana'y di matino't pala

Kung ako'y di na aabot sa susunod na taon

Imahe
Kung ako'y di na aabot sa susunod na taon kung ako'y di na aabot sa susunod na taon hiling ko na lamang ay maging maligaya ngayon at masayang ginagawa ang sinumpaang layon na nakikipagpatintero man sa pating doon ay titiyakin kong di niya ako malalamon di man madalumat yaring buhay sa Enkantadya habang sinusuyo ang magandang Sangre Danaya ay patuloy ako sa misyon ko't pakikibaka upang kamtin ng masa ang panlipunang hustisya habang nag-oorganisa pa rin ng api't masa nais ko pa sanang umabot ng sisenta'y kwatro na inawit ni John Lennon ngunit nabigo ito pagkat siya'y pinaslang ng di malaman kung sino sana nasabing edad na ito'y maabutan ko na tulad ng bilang ng parisukat ng chess ito kung sa susunod na taon ako'y di na sumapit ang luksang parangal ay huwag sanang ipagkait tulain ang aking tula'y di ako namimilit ako mang tumutula sa dusa'y namimilipit salamat kung sa isip ninyo ako'y di nawagli

Agogo

Imahe
AGOGO marami kaming ang kariktan mo'y pinanonood paggiling ng iyong katawan ay nakalulugod sa patay-sinding kabaret nawawala ang pagod sinasambang diwata sa kagubatan ng lungsod kariktan mo'y sinisipat sa pagitan ng tuhod tinadtad mo na ng kolorete ang iyong mukha di ka na makilala kung talagang sino ka nga habang kami sa paggiling mo'y napapatunganga habang iba'y naglalaway, iba'y natutulala sa pag-inom ng serbesa'y napapa-"isa pa nga" uuwi din matapos iyon, babalik sa dati pusikit ang karimlan, mananahimik ang gabi maliligo't tatanggalin ang laksang kolorete paggising, bibilangin ang kinita't pamasahe sa pamilya'y may limang kilong bigas na pambili ganoon ang buhay, kakahig upang may matuka sisingilin muli ng kasera't mukhang kawawa malapit na naman ang gabi, siya'y maghahanda maglalagay ding muli ng kolorete sa mukha sa kabaret na iyon, siya ang tinitingala - gregbituinjr.

Sa panahon ngayon, Estremelenggoles

Imahe
Sa panahon ngayon, Estremelenggoles E stremelenggoles, nananalasa na ang salot S a panahon ng COVID-19, ang tao'y hilakbot T akot sa kalabang di makita't saan susulpot R amdam ang pangamba sa sakit nitong dinudulot E wan ba natin bakit ang mundo'y nagkaganito M akatang Rio Alma'y tinula na noon ito E stremelenggoles, pamagat ng tula ni Rio L aman ng istorya'y salot, COVID ang kapareho E nactment ba ang kanyang tula sa nangyari ngayon N ananalasa ang salot at pumatay ng milyon G awa'y nag-atas sa lahat ng manggagamot noon G umamot, maghanap ng lunas sa salot na iyon O , anong nangyari? Ang sakit ay di rin nagapi L unas ay wala rin, buhay ng milyon ay naputi E stremelenggoles at biglang nagbigti ang hari S alot ay nawala, at buong bayan ay nagbunyi! - gregbituinjr. * Maraming salamat kay Rio Alma pagkat ang kanyang tulang Estremelenggoles ay kailangan ngayon ng mundo at magandang pamawi ng panglaw na dulot ng COVID-19.

Ang proletaryo

Imahe
Ang proletaryo P roletaryo, tunay kayong hukbong mapagpalaya R ebolusyonaryo para sa uring manggagawa O rganisador ng uri't mapagpalayang diwa L aban sa mapagsamantala't burgesyang kuhila E dukador upang bulok na sistema'y mawala T ungo sa lipunang pagkakapantay ang adhika A ting pasalamatan ang proletaryong dakila R amdam na pag nagkapitbisig kayo'y may paglaya Y inari ninyo'y dangal at ekonomya ng bansa O , proletaryo, sa kamay ny'o mundo'y pinagpala - gregbituinjr.

Ang propitaryo

Imahe
Ang propitaryo P ropitaryo, profit o tubo'y laging isip nito R imarim na uri na yakap ay kapitalismo O  kaya'y pinagpala lang daw sila't may negosyo P ulos sarili'y nasa isip, di magpakatao I sip lagi'y paano iisahan ang obrero T ubo lang umiikot ang puso ng propitaryo A t pag di nila kauri'y hampaslupa ang trato R amdam lagi'y nanakawan ang tulad nilang tuso Y amang sa salapi't tubo ang isip nakasentro O o, sila'y balakid sa lipunang makatao - gregbituinjr.

Ang kalabang di nakikita

Imahe
ANG KALABANG DI NAKIKITA parang "Predator", ang kalabang di natin makita pumapaslang tulad ng COVID na nananalasa tanging magagawa raw sa ngayon ay kwarantina habang kayraming frontliner yaong nangamatay na paano ba sasagupain ang kalabang ito di mo siya makita't nananalasa ng todo ni di mo nga maasinta ang bungo niya't noo kahit sanlibong isnayper ay di masipat ito dahil kakaiba ang kasalukuyang digmaan di nakikita ang "Predator" sa bahay, sa daan di masubaybayan kung sila'y nasa pamayanan o baka sila'y nasa ospital ng bayan-bayan layuan ang mga ospital, baka naroroon ang mga "Predator" kaya may namamatay doon di kaya ng ngitngit mo lang ay mapupulbos iyon gamitin ang talino laban sa kalabang yaon di habang panahong mabubuhay tayo sa horror halina't magtulungan tayo laban sa Predator tulad ng pagpapabagsak ng masa sa diktador ang makalahok sa pagkilos ay isa nang honor - gregbituinjr.